Itinadhanang tagumpay sa paggagatas

 

Sa isang malawak na lupain kung saan tanaw ang matayog na bundok Arayat ay kapansin-pansin ang naggagandahang pangangatawan ng mga kalabaw na nanginginain ng sariwang damo. Sila’y mabubulas at maaamo na sumasalamin sa paraan ng pamamahala ng kanilang tagapag-alaga.

Ganito ang karaniwang tanawin na tatambad sa sinumang bibisita sa Richard Reyes Dairy Farm (RRDF) na matatagpuan sa Barangay Dolores, Bacolor, Pampanga.

Nang bisitahin namin ang RRDF pasado alas otso ng umaga ay bumungad ang tila “family bonding” ng pamilya Reyes kung saan tulung-tulong sina Richard, ang kaniyang asawang si Maricel, at limang anak sa mga gawain sa kalabawan.

Si Richard at ang kaniyang panganay na si Rincel Gabriel, 15, ay abala pa rin sa paggagatas ng kanilang mga kalabaw.

“Pamaya-maya ay darating na ang customer ko na 250 litro ng gatas ang binibili kada linggo,” ani Richard habang iniaabot kay Maricel ang nakolektang gatas mula sa 11 kalabaw upang isalin sa malinis na sisidlan.

Si Maricel din ang nagtatala ng koleksyon at namamahala ng pondo nila sa kalabawan. Ani Richard, masaya siya na tulung-tulong silang pamilya sa gawain na kaniyang tinahak.

Ang kaniyang pangalawang anak na si Rashley, 13, ang tagabili ng supplies at stocks na kailangan para sa farm; si Yheine, 9, at ang bunso na si Yhanalle, 4, ang nakatutulong ni Maricel sa paglilinis ng mga milk cans at milk pails; habang ang pang-apat naman na si Rayley, 7, ay magiliw na tumutulong kay Richard sa pagsusuga at pagpapakain ng mga kalabaw.

“Ganyan ko sila gustong lumaki, kasi ganyan ako lumaki. Mahalaga na may kaalaman sila at maihanda sa gawaing ito hangga’t maaga,” ani Richard.

Nagsimula sa dalawang kalabaw noong 2010, ngayon ay nasa 40 ang inaalagaang kalabaw ni Richard na ang karamihan ay produkto ng continuous backcrossing. Sa bilang na ito, 23 ang buntis habang dalawa ang bulugan na may lahing Bulgarian Murrah na natanggap niya sa ilalim ng Bull Loan Program ng DA-PCC sa Central Luzon State University (DA-PCC sa CLSU).

Nakakukuha siya ng 85 litrong gatas araw-araw na ipinagbibili naman niya sa halagang Php85 kada litro sa regular niyang mga customers mula sa Zambales, Bulacan, Pampanga, Tarlac, at Manila. Isa sa mga ito ay karaniwang kumukuha ng 1,000 litro kada buwan.

Kwento ni Richard, hindi naging madali ang pagkakaroon niya ng siguradong merkado para sa kaniyang mga aning gatas dahil umabot pa sa puntong naranasan din niyang mawalan ng valued client.

“Sa tulong ng mga seminars ng DA-PCC sa CLSU, nabigyan ako ng bagong market. Marami akong nakilalang mga buyers ng gatas,” wika niya.

Nakatulong din ang paggamit niya ng social media upang mas lumawak pa ang kaniyang market.

"Malaking bagay din ang Facebook sa pagmamarket ko ng gatas. ‘Yong pag-aupload ko ng mga videos at photos ay dual purpose, una para makilala ng mga buyers at pangalawa para makainspire ng mga magkakalabaw."

Sa katunayan, kamakailan lamang ay ginawaran siya ng special award ng DA-PCC bilang “KaTropang Vlogger” dahil sa pagbabahagi ng kaniyang mga karanasan, kaalaman, at pamamaraan sa pag-aalaga ng kalabaw sa pamamagitan ng video blogging.

Para kay Richard, mahalaga na mapanatiling malinis at maganda ang kalidad ng gatas na ibinebenta niya para masigurong ligtas ang kokonsumo nito at hindi masira ang tiwala sa kaniya ng mga parukyano. Hands-on siya sa paggagatas at siya na mismo ang nagsasagawa ng quality control at pagsusuri gaya ng alcohol precipitation test at mastitis test sa mga kalabaw.  Kaagad din niyang inihihiwalay ang gatas na hindi maganda ang klase.

Karaniwang nasa Php5,000-Php7,000 ang kinikita ni Richard sa isang araw sa gatas. Nagbebenta rin siya ng mga lalaking kalabaw at kung minsan ay mga babaing mahina ang produksyon ng gatas.

“Nakaprogram ako na laging may nakalinya na mga susunod na gagatasan,” wika niya.

Agaw-pansin din ang makikintab na balat at magagandang body condition scores (3.5-4) ng kaniyang mga alaga na ayon kay Richard ay resulta ng sistema niya ng pagsusuga at suplementong pakain.

Aniya, pagsapit ng alas sais ng umaga, ibababa na sa farm ang mga nakasugang kalabaw at pakakainin ng 40 litrong mixture ng tubig, sapal ng taho, feeds, at konting asin bago gatasan. Pagkatapos gatasan, isusuga sila sa may tubig hanggang alas tres ng hapon saka ililipat sa mataas na lugar para manginain ng damo.

Katas ng gatas

Masayang ibinahagi ni Richard ang mga naipundar niya sa tulong ng kita sa pagkakalabaw. Ang dating bahay nila na butas-butas ang yero sa San Fernando, Pampanga, ngayon ay maayos na at dalawang palapag pa. Nakabili na siya ng owner-type jeep, apat na motor, kolong-kolong sa pagdedeliver ng gatas, mga appliances, at nakapagpagawa ng milking parlor. Sinisimulan na rin niya ang pagpapagawa ng isa pang bahay sa farm.

“Simple lang ako, ayoko ng masyadong maluho kaya nakakapag-ipon kami. Ang gusto ko, hindi man kagandahan ang mga suot mong damit, basta mataba ang bulsa,” ani Richard.

Napakahalaga, aniya, ng papel ng negosyong pagkakalabaw sa klase ng buhay na tinatamasa niya ngayon at ng kaniyang buong pamilya.

“Dati, pambili ng gamot ng mga bata hindi ko alam kung saan ako kukuha, ngayon naman kahit anong gusto at pangangailangan nila, naibibigay ko. Ganoon kalaki ang diperensiya, from zero to 10,” nakangiting sambit ni Richard.

“Ang role ng dairying para sa’kin ay parang hangin na aking hinihinga, napakaimportante. Kung wala ang negosyong ito, wala ako sa ganitong posisyon at hindi ko mabibigyan ng maginhawang pamumuhay ang pamilya ko.” - Richard Reyes

Itinuturing ni Richard na magandang “investment” ang gawain sa paggagatas at malaking salik para maihanda ang magandang kinabukasan ng kaniyang mga anak kahit pa may mga ilan na minamaliit ang trabaho niya bilang maggagatas.

“Pagdating ng panahon, masasabi nila na ‘yong tatay nila, kahit hindi nakatapos ng pag-aaral ay napagtapos naman sila sa magagandang kurso at ‘yon ay dahil sa pagiging maggagatas ko,” ani Richard.

Ibinahagi ni Richard na siya’y nagsimulang maengganyo sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw nang masaksihan niya at matiyak sa kaniyang yumaong amang si Redentor at idolong si Filomino Pasamonte, isa sa pinakaprogresibong maggagatas sa Pampanga noong nabubuhay pa ito, na may kita mula sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw.

Para makapag-ipon at makabili ng kalabaw, namasukan bilang laborer sa iba’t ibang kumpanya si Richard hanggang sa nakipagsapalaran din siya sa ibang bansa. Nang makabalik siya ay pinagsikapan na niyang paramihin ang mga alaga, baun-baon ang adhikain niyang balang araw ay maging matagumpay ding magkakalabaw.

Tila inukit ng tadhana kung ilalarawan ni Richard ang naging kapalaran niya sa pagkakalabaw. Sa negosyong ito, aniya, tuluyang umunlad ang kanilang pamumuhay kalakip ang pagtitiyaga at pagsisikap.

Mula pagkabata, nasa puso at diwa na ni Richard ang nasabing gawain na kinagisnan pa niya sa kaniyang ama, kaya naman ganoon na lamang ang kumpiyansa at pagmamalaki niyang binigkas ang mga katagang: “Kahit saan mo ako iharap, sa kaliwa o sa kanan, pupunta pa rin ako sa gitna para magkalabaw at maggatas.”

Author

0 Response