Pangangasiwa ng Sentrong Pangnayon sa Pangongolekta ng Gatas: Ang Eastern Primary Multipurpose Cooperative (EPMPC)

 

Ang VBMCCC ay isang modelo para sa isang sistemang sumisiguro sa tamang pangangasiwa sa paghawak at pag-imbak ng gatas at sa kaukulang pag-proseso nito.

Sa mahabang panahon, ang PCC ay aktibo at patuloy na sumusuporta sa pagpapatupad ng programang “Carabao-based Enterprise Development“ (CBED) sa iba’t-ibang rehiyon at sa mga impact zones ng Pilipinas. Ito’y isa sa mga pamamaraan upang mabigyan ng kinakailangang serbisyo na magagamit kaagad ng mga maliliit na magsasakang maggagatas. Ito rin ay nagbibigay-daan upang mapaunlad ang pamumuhay ng mga magsasaka sa pamamagitan ng paggagatas ng kalabaw at iba pang kaugnay na gawaing mapagkakakitaan na ibinubunsod nito.

Ang Eastern Primary Multipurpose Cooperative (EPMPC) ay isa sa mga kooperatibang tinutulungan ng PCC sa Nueva Ecija. Ito ay itinatag at binigyan ng pagkilala ng Cooperative Development Authority (CDA) noong Setyembre 29, 1992. Ang pangunahing opisina nito ay matatagpuan sa 462 Paseo Rueda Corner Veteranos Extension, Barangay Sibut, San Jose City, Nueva Ecija. Mayroon itong limang miyembro ng Board of Directors, isang manager, at dalawang upahang manggagawa (taga-proseso ng gatas), na nagtataguyod ng pang araw-araw na pamamalakad at mga gawain sa kooperatiba.

Ang kanilang operasyon ay sumasaklaw sa mga barangay ng Sibut, Palestina, San Agustin, Caanawan, Camanacsacan, at Villa Marina ng San Jose City.

Ang EPMPC ay itinatag na may misyong “mapabuti ang panlipunan at pang-ekonomiyang kagalingan ng mga miyembro nito at mapaunlad ang kalagayang pangkalusugan ng komunidad kung saan sila ay gumaganap ng kanilang gawain at gayundin para sa iba pang mga lokal na residente na tumatangkilik ng kanilang mga produkto.” Bilang resulta ng kanilang mga operasyon, ilan sa may-ari ng mga native at crossbred na kalabaw at maging yaong mga walang kalabaw ay nahikayat kumuha ng stocks ng kooperatiba. Sa ngayon, mayroon nang 800 kalabaw ang mga magsasakang miyembro ng kooperatiba at ang kanilang inaaning gatas sa araw-araw ay humigit-kumulang sa 780 litro.

Sa patuloy na paggamit ng makabagong teknolohiya ng mga maggagatas ng Eastern PMPC, tuluy-tuloy na dumarami ang kanilang mga bulo at ang pagtaas ng produksyon ng kanilang inaaning gatas ay nagbibigay naman sa kanila ng karagdagang kita. Upang lalo pang mapasigla ang malakihang produksyon ng gatas ng EPMPC, sinuportahan ito ng PCC na magtatag ng village-based milk collection and consolidation center (VBMCCC). Sa pagkatatag nito, nagkaroon ng kasiguruhan na tama ang koleksyon ng gatas at gayundin ang pag-imbak, pag-deliver at pagbenta ng gatas ng kalabaw sa mga konsyumer.

 

Pamamaraan

Ang mga sumusunod na gawain ay patuloy na pinatutupad ng EPMPC sa kanilang VBMCCC:

1.Paggatas. Ang mga magsasakang-maggagatas ay kadalasang gumigising nang alas-kuwatro ng umaga upang gumatas. Sa ganito ring oras sa hapon ay gumagatas din sila at sa isang araw ay nakaaani sila ng 4-8 litrong gatas sa isang kalabaw. Pagkatapos gumatas, dinadala nila kaagad ang mga nakuhang sariwang gatas gamit ang mga stainless na sisidlan at timba sa VBMCCC dairy processing center.

2. Pagtanggap ng gatas at kaukulang pagsuri. Dalawang empleyado ang nakatalaga sa pagtanggap ng mga gatas. Sila ay sinanay ng PCC sa tamang pangangalaga at pagkakaroon ng wastong kalinisan sa pagsasagawa ng milk testing procedure na kinapapalooban ng mga sumusunod na pagsusuri:

a. Clot on Boiling (COB) Test – Ito ay kinabibilangan ng pagpapainit ng kaunting gatas sa test tube hanggang sa kumulo ito. Kapag ang gatas ay nagtataglay ng higit sa 0.1% ng lactic acid, ito ay mamumuo at hindi pasado sa pagsusuri kaya’t hindi na tatanggapin.

b. Alcohol Precipitation Test – Ginagamit ito sa sariwang gatas upang matukoy kung mamumuo ito sa mainit na pagpo-proseso.   Ang pagsusuring ito ay mas sensitibo kaysa COB na pagsusuri. Ito ay batay sa gawi ng protina ng gatas na hindi maging matatag ang resulta dahil sa pagkagulo ng balanse ng mineral sa gatas. Ang gatas na may na-nadebelop na kaasiman o acidity o may taglay na calcium at magnesium compounds na higit sa normal na kabuuang dami ay mamumuo kapag dinagdagan ng alcohol.  Ang pagtaas ng lebel ng albumin (colostrum milk) at salt concentratres (mastitis) ay mapag-aalaman sa ganitong klase ng pagsusuri.

c. Lactometer Test – Ang gatas ng kalabaw ay may specific gravity na 1.030-1.036. Ang lactometer test ay dinesenyo upang makita ang pagbabago nito. Mababago ang kadalisayan nito kung ito ay hahaluan ng tubig o iba pang materyal.

d. California Mastitis Test (CMT) – Ito ay mabisang paraan upang malaman kung may subclinical mastitis ang kalabaw. Gamit ang four-well plastic paddle, ang bawa’t well ay isinasahod sa bawa’t suso ng hayop na susuriin. Ang paunang gatas ay itinatapon at ang kakaunting gatas ay inilalabas sa bawa’t isang well. Ang kasing dami ng test reagent ay idaragdag at ang sampol ay dahan-dahang hahaluin. Ang CMT ay isinasagawa isang beses isang buwan bilang paraan upang pangalagaan ang kalusugan ng suso ng kalabaw at upang maiwasan ang pagkasira o pagkasayang ng gatas.

 

Ang pagtanggap ng gatas ay hanggang 7:30 ng umaga lamang. Karamihan sa kanilang nakokolektang gatas sa umaga ay napupunta sa Milka Krem bilang pangunahing bumibili ng sariwang gatas. Ang iba naman ay ipinagbibili sa DVF Dairy Farm at ang natitira ay pinoproseso ng kanilang kooperatiba. Sa kabilang dako, ang gatas na nakokolekta sa hapon ay inilalagay sa loob ng milk cooling tank upang ibenta o iproseso sa susunod na araw.

Ang EPMPC ay kabilang din sa gawaing micro milk processing ng mga produktong mula sa gatas ng kalabaw sa ilalim ng pangalang “San Jose Caramilk.”  Sa ngayon, ang kanilang produktong gawa sa gatas ay kainabibilangan ng pastillas, buko pie, espasol, kesong puti, milk-o-gel, macaroons at iba pang ready-to-drink na inumin.  Ito rin ngayon ang regular na supplier ng mga produktong gawa sa gatas sa iba’t-ibang paaraalan sa San Jose City at Milka Krem sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija. Ang kooperatiba ay aktibong nakikilahok sa promosyon at pagbebenta ng kanilang mga produkto sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry, LGU ng San Jose City at PCC.

 

Mga batayan upang maitatag at mapagbuti pa ang VBMCCC:

1. Magandang lokasyon sa pagitan ng saklaw na lugar at sakop ng kooperatiba

2. Kakayahan ng kooperatiba lalo na sa larangan ng pamumuno at pamamahala ng mga kapwa magsasaka at komunidad ng mga magsasakang maggagatas

3. Pagkakaroon pa ng mga magsasakang maggagatas na gustong maging miyembro

4. Posibleng paraan para sa pagpapalawak at pagpoproseso ng gatas

5. Pagpapakita ng epektibong pamamahala at koordinasyon, at

6. Pagkakaroon ng maraming gatasang kalabaw

 

Mga kagamitang kailangan

 

Ang VBMCCC ng EPMPC ay kinakailangang mayroong mga kagamitan at parapernalya na kinakailangan sa pagsasagawa ng pagsuri sa kalidad ng gatas

1. Stainless milk cans – 20 liters

2. Freezer

3. Cooling tank-300-500 liter capacity

4. Stainless milk pails – 10 liters

5. Bins

6. Simple milk testing kits tulad ng lactometer, 250 ml graduated cylinder, alcohol (60%), test tubes, wash bottle, lamp, at four-well plastic milk paddle

7. Weighing scales

8. Tables and drain

9. Milk testing area

10. Sanitary face mask

 

Mga tubo at pakinabang:

1. Koleksyon ng pinagandang kalidad ng gatas ng kalabaw na pagkonsumo ng tao

2. Produksyon ng dekalidad na gatas ng kalabaw at mga produktong gawa dito sa pamamagitan ng pagsuri ng gatas at pagkaloob ng cooling facility para sa tamang pag-iimbak

3. Pagpigil sa pole-vaulting o pagbebenta ng gatas labas sa patakaran ng koop

4. Nakapagbibigay ng mga pangangailangan ng pamilya sa pamamagitan ng kita mula sa kooperatiba at pinagbentahan ng sariwang gatas

5. Pinagmumulan ng kita ng kooperatiba

A. Koleksyon ng sariwang gatas – Ang kooperatiba ay kumikita ng Php5 hanggang Php7 bawa’t litro

B. Mga naprosesong produkto mula sa gatas

6. Nakakalikha ng mga trabaho

7. Nakakakuha ng suporta at partisipasyon mula sa mga sekundaryong stakeholders gaya ng DTI, DAR, PCC, LGU

8. Pagpapahusay ng kapasidad ng EPMPC sa aspetong pagsulong ng kooperatiba at pamamahala ng dairy enterprise

Author

0 Response