Pananaw sa Can-ato 'Kaya natin ito'

 

“Giginhawa rin ang buhay namin dahil sa mga mestisang kalabaw”, ito ang positibong bulalas-pananaw ni Narciso “Narcing” Buenafe ng Barangay Can-ato, Llorente, Eastern Samar.

Si Ka Narcing, 65, ay pinuno ng Can-ato Farmers Association (CFA) na binuo matapos ang pamiminsala sa Eastern Samar ng bagyong Yolanda noong 2014. Sa pamamagitan ng People in Need (PIN), isang non-government at non-profit organization sa Czech Republic, kasama ang ACTED ng France at  HELVETAS Swiss Intercooperation at Swiss Solidarity ng Switzerland,  napagkalooban ang CFA ng tulong-pangkabuhayan upang makaahon sa pagkakalugmok sa debastasyong dulot ng bagyo. 

Naunang ipinakilala at itinuro ng PIN sa mga kasapi ng CFA ang pagtatanim ng gulay,  gaya ng repolyo, kamatis, letsugas, sili, ampalaya, carrots, at iba pa. Naipagbili nila ang mga ani nitong nagdaang Disyembre .

Nang buwang ding iyon, pinagkalooban ang CFA ng limang crossbred o mestisang kalabaw  mula sa pondo ng Swiss Solidarity. May mga edad na 18 buwan at nagkakahalaga ng Php35,000 ang isa, binili ang mga hayop sa Larrazabal Farm sa Ormoc City, Leyte.

“Di muna namin ipinaalam  na bibigyan din naming sila ng kalabaw.  Sa dami kasi ng mga barangay na nilapitan namin para sa paggugulayan, dalawa lang ang nagtuloy sa proyekto. Ito ang kumumbinse sa ‘min na sila’y talagang seryoso’t desidido na itaguyod ang proyektong amin ngang ipinakilala,” salaysay ni Dr. Celso Insoy, beterinaryo at livestock technician ng PIN.

Isa ang Can-ato sa kanila. Ang isa pa ay ang Tagaslian sa bayan ng Maydolong.

“Dahil  maraming native na kalabaw sa Eastern Samar,  iminungkahi ko sa aming supervisor na makipag-ugnayan din kami sa  PCC, partikular kay Dr. Julius Abela na dati kong propesor sa Visayas State University (VSU), para sa karagdagang proyektong paghahayupan”, dagdag ni Dr. Insoy.

Sinamahan nina Dr. Insoy ang mga taga-CFA sa istasyon ng PCC@VSU sa Baybay, Leyte nang nakaraang Agosto para saksiha’t pag-aralan sa loob ng isang linggo ang pag-aalaga ng gatasang kalabaw at pagpoproseso ng gatas.

“Marami kaming natutunan sa PCC@VSU.  Natikman at naibigan namin ang kanilang pastillas at chocomilk”, ani Ka Narcing. “Nag-uwi kami ng mga binhi ng napier, trichantera, at guinea at itinanim namin”, dagdag pa niya.

Laking gulat nga nila nang ibalita ni Dr. Insoy na sila’y bibigyan ng kalabaw.

“N’ong una, duda kami”, sambit ni Ka Narcing. “Malayo ang Can-ato sa kabayanan, tatawid pa ng ilog, at sadyang mahirap na makaabot ang tulong pangkabuhayan sa ‘min”, kanyang dagdag.

Hindi agad dumating ang mga kalabaw. Gayunman, nagsagawa ang PCC@VSU ng serye ng artificial insemination (AI) sa mga native na kalabaw sa barangay bilang pagbubukas-kamalayan sa pagkakaroon ng gatasang kalabaw.

Dumating ang mga kalabaw noong Disyembre 21, 2016.  Isang simpleng seremonya ang ginanap na dinaluhan ng mga kinatawan ng PCC@VSU (sa pangunguna ni Dr. Abela), PIN, at pamahalaan ng Llorente sa pamumuno ni Mayor Daniel Boco.

Nangako naman agad, si Mayor Boco ng pondo para sa karagdagang limang mestisang kalabaw. Si Mayor Boco daw ang unang mayor na bumisita sa Can-ato sa matagal na panahon, bagay na nagpatibay na talagang seryoso ang pamahalaan sa pagtulong sa CFA.

Inaalagaan ngayon ng 16 na miyembro ang limang kalabaw. Apat na grupo, na may tig-aapat na miyembro, ang salitan sa bawa’t linggo. Nasa isang malaking kural, na ipinagawa ng PIN  batay sa deskripsyon sa PCC Dairy Buffalo Handbook, ang mga kalabaw. Nasa lote na ari ng kamag-anak ni Ka Narcing ang kural.

Sineserbisyuhan ng AI nina Dr. Insoy at PCC@VSU technician Sammy Gahoy ang mga kalabaw. Batay sa nakikita, buo ang pag-asa nilang magaganap ang inaasahan. 

 Naihanda na ng PIN ang pagsasapamilihan sa aanihing gatas at mga produkto nito.

“Sa totoo lang, parte ang paggugulayan at pagkakalabaw sa market system development na inisip ng consultant sa PIN. Ito’y tugon sa problema sa Eastern Samar na bagama’t magaling ang mga magsasaka sa  produksyon, wala naman silang merkado ng mga produkto,” ani Dr. Insoy.

Nasolusyunan ang problema sa ani sa paggugulayan. Sa aanihing gatasa, mayroon na rin, aniya, na market contacts sa Tacloban City, Borongan City at Guian.

May mga plano na rin si Ka Narcing sa magsisipanganak at daraming mga kalabaw.

“Ang mga lalaking bulo ay palalakihi’t sasanaying pantrabaho sa bukid. “Yong mga babae’y aming pararamihin. Ang gatas ay gagawing kesong puti at chocomilk,” aniya.

Dagdag niya: “Kung nangyari ‘to sa ‘kin nang ako’y 30 anyos pa lang, tiyak malayo na ang narating ko sa pagkakalabaw. Pero di pa naman huli ang lahat. Itataguyod ko’t ng aking mga kasapi ang proyektong ‘to. Sabi ko rin sa mga apo ko, ito’y para rin sa kanilang kinabukasan kaya’t tangkilikin nila ‘to.”

Sa pagkakalabawan, marami pang mga pagsubok at gawain ang pagdaraanan ng mga kasapi ng CFA bago ang minimithing tagumpay.  Nguni’t isang bagay ang tiyak: sa pakikipagtulungan ng mga kabalikat na mga ahenisya, hindi nalalayo ang panahon na matatamo nila ito.

 

Author

0 Response