Mahusay na liderato, pagtutulungan ipinakikita sa pagkakalabawan sa Iloilo

 

Marunong makisama, malakas ang loob at may kaluguran sa lahat ng ginagawa.

Ito ang tatlong mahahalagang katangiang dapat taglayin ng isang lider para maseguro ang pag-unlad ng isang samahan, ayon kay Marlon Cerbo, 48, chairman ng Calinog-Lambunao-Bingawan Carabao-Based Entrepreneurs’ Association (CLB-CARES) sa Iloilo.

Natanto niyang ganap ang mga katangiang ito  nang siya’y maging chairman  ng CLB-CARES noong Mayo 2015, limang buwan matapos siyang sumapi sa asosasyon. Ginawa na rin niyang gabay ang mga katangiang ito sa matagumpay niyang pamumuno.

“Natuto akong makisama sa lahat ng mga miyembro at personal ang pakikitungo ko sa kanila. Pinupuntahan ko sila at kinukumusta,” ani Cerbo.

Pero maliban sa pakikisama, aniya, dapat ding malakas ang loob ng lider, kayang harapin ng may paninindigan ang mga hamon bilang chairman, masaya sa ginagawa at hindi napipilitan lamang.

Pagbabago sa asosasyon

Ang CLB-CARES ay isa sa mga asosasyong inaasistehan ng Philippine Carabao Center sa West Visayas State University (PCC@WVSU) sa Calinog, Iloilo. Tatlong bayan ang sakop ng asosasyong ito na kabilang ang Calinog, Lambunao at Bingawan.

Ayon kay Dr. Myrtel Alcazar, Science Research Specialist II ng PCC@WVSU, iilan lang kasi ang may alagang crossbred sa nasabing mga bayan kaya tatlong bayan ang naging sakop ng asosasyon. Aniya, kahingian ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi bababa sa 15 ang miyembro sa pagpaparehistro ng isang asosasyon.

Narehistro ang CLB-CARES noong 2008. Kasunod nito, ito’y napahiraman ng 22 Bulgarian murrah buffaloes ng PCC@WVSU.

Ayon naman kay Janice Cuaresma, carabao-based enterprise development coordinator ng PCC@WVSU, mabuway sa paggagatasan ang asosasyon noon. Hindi lahat ng mga miyembro, aniya, ay gumagatas ng kanilang alagang hayop noon.

Nguni’t sa pamumuno ni Cerbo, dagdag niya, nahikayat niya ang mga miyembro na magsagawa ng palagiang paggagatas para sa kani-kanilang kapakanan at sa asosasyon. 

Ginawa na rin itong isang polisiya ni Chairman Cerbo. Ang mga miyembrong hindi na aktibo, ayaw gumatas at hindi dumadalo sa mga pagpupulong ay sinusulatan niya.  Kapag hindi sumagot, tinatanggal sila bilang kasapi.

Sa orihinal na mga miyembro, tatlo na lamang ang natira. Sila’y nahalinhan naman ng mga bagong miyembro na lubhang aktibo sa pag-aalaga at paggagatas ng kalabaw.

Sa kasalukyan, 17 ang aktibong miyembro ng CLB-CARE na ang 11 ay mula sa Calinog, apat sa Lambunao at dalawa sa Bingawan.

“Nang sumapi ako sa asosasyon, mayroon lang tig-isa o tig-dadalawang crossbreds ang mga miyembro. Ngayon, dumami na ang kanilang inaalagaan dahil nakita nila na malaki ang pakinabang sa mga ito,” ani Chairman Cerbo.

Nasa 58 na ang mga alagang kalabaw ng mga miyembro ng CLB-CARE. Dalawampu’t tatlo rito ang Bulgarian murrah buffaloes, 28 ang crossbreds at pito ang native.

Nang nakaraang taon ay umabot sa 13,595.88 litro ng gatas nila na nagkakahalaga ng Php951,711.6 ang naibenta nila. Ibinibenta nila ang gatas sa PCC@WVSU sa halagang Php70 kada litro.

“Talagang umaangat ang kalagayan ng mga miyembro at asosasyon namin. Lumaki na ang aming pondo  at nakalinya na ang mga proyektong aming isasagawa. Dati, sisinghap-singhap lang ang aming asosasyon,” wika ni Chairman.

Kasalukuyang pinagkakakitaan ng asosasyon ang paggawa at pagbebenta ng organikong pataba na gamit ang dumi ng kalabaw. Gumagawa rin ito at nagbebenta ng sabon na ang sangkap ay gatas ng kalabaw.

Paraan ng pamumuno

Maliban sa paghihikayat sa mga miyembro na gumatas, patuloy rin ang paghimok ni Chairman Cerbo sa mga miyembro na magtanim ng mga pakain sa mga alagang kalabaw. Kanya ring iminumungkahing iayos nang mabuti ang kural ng kanilang mga alagang hayop para ang mga ito’y di-laging nakalublob sa putikan at nang sa gayo’y matiyak ang mahusay na kalidad ng gatas.

Nagpapahiram ng kaukulang halaga ang asosasyon para sa pagpapagawa at pagpapaayos ng kural na may pataw lamang  na 2% interes. Kada linggo ay kinakaltas ang kaukulang halaga sa bayad ng ipinapasok nilang gatas sa asosayon.

Dahil  sa estratehiyang ito, sabi ni Chairman Cerbo, 80% na sa mga miyembro ang may maayos na kulungan ng kalabaw.

Nagsasagawa rin ng iba’t-ibang promotional activities ang CLB-CARES tulad ng milk feeding sa mga piling eskwelahan sa kanilang lugar. Ginagawa naman itong oportunidad ni chairman Cerbo para makahikayat  ng iba pang may nais sumali sa programa.

“Napatunayan ko sa aking sariling karanasan na matapos akong  mahikayat ni Anjo Palmes, isang village-based artificial insemination technician ng PCC@WVSU,  na bumili ng gatasang kalabaw  na totoong may kita sa gatas ng kalabaw. Kaya naman ginusto ko na marami pa sa aming lugar ang makinabang sa programang ito ng PCC,” ani Chairman Cerbo.

Nakalinyang plano, proyekto

Ayon kay Janice Cuaresma, unti-unti ay ililipat na nila sa CLB-CARES ang processing at marketing operations ng gatas na ani ng mga miyembro.

“Dadaan sila sa pagsasanay. Hihikayatin din ang mga  miyembro ng pamilya ng kasapi na sumama sa pagsasanay. Gagabayan namin sila ng husto,” sabi ni Cuaresma.

Base naman sa PCC@WVSU, nagbigay ng suporta ang LGU Calinog sa CLB-CARES sa kasalukuyang itinatayong “food stalls” para mapatayuan ng bakery shop para sa paggawa at pagbebenta ng mga tinapay na hinaluan ng gatas ng kalabaw, sa Calinog bus terminal. Maliban sa tinapay, magbebenta rin ito ng mga dairy products.

Tinatarget din ng PCC@WVSU na sa taong ito ay makapagpatayo rin sila ng dairy hub sa main campus ng WVSU na kung saan CLB-CARES din ang siyang mamamahala.

“Minsan nakatatakot ‘yong mga nakaabang na mga hamon sa grupo namin dahil baka hindi ko magawa bilang lider. Pero dahil nakasuporta naman ang aming mga miyembro at ang PCC@WVSU, natitiyak kong matagumpay na matutugunan ang mga hamon,” ani chairman Cerbo.

Hindi naman, aniya, nagkukulang ang PCC@WVSU sa paggabay sa kanilang asosasyon lalo na sa pagbebenta ng kanilang gatas at gayundin sa tulong-teknikal. Dumaan na rin sila sa iba’t-ibang mga pagsasanay tulad ng social preparation training, quality control ng mga gatas, at wastong pamamahala sa mga kalabaw.

“Salamat sa PCC@WVSU sa walang sawang pag-aalalay sa amin. Sila’y sobrang matulungin,” ani Chairman Cerbo.

Idinagdag pa niya: “Ang ganyang pagseserbisyo ang kailangan ng mga mahihirap na tulad namin.”

 

Author

0 Response