Naiibang pakikibaka para sa kaayusan, kaunlaran

 

“Nang Nitang” ang tawag sa kanya ng karamihan sa Tacuyong, Leon, Iloilo. Sa pamumundok, siya si Kumander Soraya.

Ang buo niyang pangalan ay Neonita Capirayan, isang  nilikhang kung turinga’y may laging nakahandang ngiti sa bawa’t taong nakasasalamuha o nakakasalubong niya. Noon, maraming taon na ang nakalilipas, maigting ang kanyang pakikibaka upang makita ang lipunang sa tingin niya ay punung-puno ng kabalintunaan.

Kabilang na sa kabalintunaan ay ang tila wala nang puwang na pag-angat ng mga mahihirap na tila lalo pang naghihirap habang patuloy namang nagsisiyaman ang mayayaman na. At gayundin ang inhustisya na tila patuloy sa pag-iral sa lipunan.

Nabago ang porma ng pakikibakang iyon. Nguni’t hindi ang sidhi at katausan sa pagsisikap upang marating ang pinapangarap na hantungan.  

Sinamang-palad na mahuli si Kumander Soraya  noong 1995 nang bumaba siya sa pamumundok upang bisitahin ang kanyang mga anak sa kaibigang nag-aalaga sa mga ito. Nang makalaya, hindi na niya ninais pang bumalik sa pamumundok at ipinasyang ilaan ang kanyang panahon sa pagpapalaki at pag-aalaga sa kanyang mga anak.

“Kaya kong harapin ang kamatayan nang walang takot pero hindi ko maatim na hayaang lumaki ang aking mga anak na di-responsableng miyembro ng lipunan. Kailangan nila ako para sila’y magabayang mabuti ,” sabi niya.

Nagkataon ding mayroong mga programa ang gobyerno sa kanilang bayan at naging instrumento ito para tuluyan na niyang talikdan ang buhay na namumundok para ipaglaban ang mga pinaniniwalaan at mga hangarin upang makita ang pagbabago sa lipunan.

“Sumali ako, kasama na ang marami sa aking mga kababayan, sa mga programa ng gobyerno na kagaya ng mga itinataguyod ng Department of Agriculture (DA). Dito ko nagamit ang aking mga nalalaman sa pag-organisa at pag-mobilize ng mga tao para sa isang layunin,” sabi niya.

Negosyong-salig-sa-kalabaw

Sa pinamumunuan niyang Movement for Agrarian and Rural Advancement (MARA), isang grupo na nasa ilalim ng Philippine Association of Small Coconut Farmer Organization (PASCFO), nagagawa niyang isulong ang importansiya ng pakikiisa at pakikipagtulungan na nagsisimula sa pinakamaliit na yunit ng lipunan na, dili’t iba, kundi ang pamilya.

Napagwari niya na ang negosyong-salig-sa-kalabaw ay isang magandang negosyong-pampamilya na kung saan mahuhubog ang mabuting-asal ng mga kabataan.

“Natitiyak kong malaki ang maitutulong nito upang magising ang kamalayan ng kabataan sa kultura ng volunteerism. Kahit ang mga batang nasa elementarya pa lang ay maaaring turuang magpakain ng kalabaw at mag-record kung magkano ang kinikita mula sa kanilang inaaning gatas,” sabi niya.

Ayon kay Perlito Echeche, Chairman ng PASCFO, nag-umpisa silang makipag-ugnayan sa Philippine Carabao Center sa Western Visayas State University (PCC @ WVSU) noong 2013  para sa pagpaparami at  pag-aalaga ng kalabaw na maaaring katayin. Nitong nakaraang taon, napagpasiyahan nilang pumalaot sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw dahil nakita nila na malaki rin ang maaaring kitain sa gawaing ito.

Sa ngayon ay mayroon nang 47 miyembro ng kanilang samahan  ang nag-aalaga ng gatasang kalabaw, sampu sa mga ito ay miyembro ng MARA, ayon kay Echeche.

Iba pang benipisyo sa pag-aalaga ng kalabaw

Ayon kay Nang Nita, nakita ng grupo nila ang kagandahan ng pag-aalaga ng kalabaw dahil bukod sa malaking kitang maaaring maibigay nito, nagdudulot pa ito ng karagdagang benepisyo para sa mga magsasakang ang pangunahing produkto ay niyog.

“Dahil isinusulong namin ang integrated farming na kung saan pinagtatanim namin ang mga miyembro ng iba’t ibang klase ng gulay at pinag-aalaga din sila ng hayop, idinaragdag namin ang paghihikayat sa kanila na painumin din ng gatas ang iba pa nilang alagang hayop upang lumakas ang resistensiya ng mga ito,” dagdag niya.

Bilang karagdagan pang pagbibigay ng impormasyon, ipinaliwanag niya na maaari ring gamiting sangkap ang gatas sa paggawa ng lactic acid bacteria serum na ipinang-i-ispray sa mga halaman upang lumakas ang resistensiya ng mga ito laban sa virus. Sa kabilang dako naman, sinabi rin niyang ang dumi ng kalabaw ay maaari ring gamitin bilang pataba para sa iba pang mga pananim tulad ng gulay.

Paghikayat sa mga miyembro

Ang nakaraang karanasan ni Nang Nita sa pag-oorganisa ng grupo ay nagamit niya upang makapaghikayat ng mga miyembrong mag-aalaga ng gatasang kalabaw.

“Ipinaliwanag ko sa kanila na maraming maaaring bumili sa mga produkto ng gatas,” sabi niya.

 Dagdag pa niya, marami ring mga tourist spot sa Leon kaya’t maraming  magagawang outlets para sa pagbebenta ng mga dinibelop nilang mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw.

Ayon pa sa kanya, kanyang ganap na ipinauunawa na ang pagkakalabawan ay sustainable dahil nanganganak ang kalabaw at araw-araw ang kita kapag ginagatasan na ang inahin.

Nag-uumpisa pa nga lang ang grupo ni Nang Nita sa pagkakalabawan.  Pero ngayon pa lang, nakikita niya na magiging maunlad sa malapit na hinaharap ang kabuhayan ng mga miyembro ng kanyang grupo.

Batay sa kanyang sinasabi, hindi nagkamali si Nang Nita na huwag nang magbalik sa pamumundok. Pero hindi nagbabago, aniya, ang paninindigan niya na magkaroon ng tunay na pagbabago para maging mas mabuti at maunlad ang mga pamayanan sa bansa. Hindi rin nagbago ang kanyang kagustuhang makaimpluwensiya lalo na ng mga kabataan upang maging mas responsableng tao sa lipunan.

 

Author

0 Response