Blockmate: Suplementong Pakain para sa Kalabaw

 

Ang “Blockmate” ay isang suplementong pakain para sa mga kalabaw, baka, kambing, at tupa. Mayaman ito sa enerhiya, minerals at nitrohena (na nagiging protina sa katawan) na kailangan ng hayop upang bumilis ang paglaki at dumami ang produksyon ng gatas.

Ang pagbibigay ng tamang nutrisyon sa kalabaw ay mahalaga upang maalagaan ito ng mabuti at dumami ang produksyon nito ng gatas.

Maliban sa masustansyang pakain gaya ng sariwang damo, total mixed ration, urea-molasses treated rice straw at burong mais o“silage”, ang paggawa at pagbibigay ng suplementong “Blockmate” sa kalabaw ay isa pa sa kapaki-pakinabang na gawain upang mabigyan ng wasto at sapat na nutrisyon lalo na ang karagdagang minerals na kulang o wala sa damo at iba pang pakain sa hayop.

 

Hakbang sa paggawa ng Blockmate

1. Ihanda at timbangin ang mga sangkap o “ingredients” ayon sa tamang bahagi gaya ng mga sumusunod:

 

Sangkap Dami (kilo)                 Halaga (Php)
    Kada kilo Kabuuan
Pulot (molasses) 38 10 380
Darak na pino 37 9 333
Urea (46% N) 10 20 200
Semento 10 5 50
Asin 1 6 6
Dicalcium phosphate 3 20 60
Vit-Mineral mix 1 92 92
Kabuuan 100   Php1,121

 

2. Ihanda ang paghahaluan gaya ng kawa o talyase. Maaaring gawing patungan ng talyase ang lumang gulong ng mga sasakyan.

3. Unang ibuhos ang pulot sa kawa. Unti-unting ibudbod ang urea habang hinahalo gamit ang kawayan, sagwan o pala. Tiyaking walang matitirang buu-buong urea.

4. Idagdag ang dicalcium phosphate at isunod ang asin habang patuloy na hinahalo ang mga sangkap.

5. Isunod na ilagay ang semento habang patuloy ang paghahalo gamit ang kamay o kawayan.

6. Panghuling ilagay ang darak sa kawa. Sa pagkakataong ito, mas mainam kung gamitin ang kamay o panghalo ng semento (cement mixer) upang mahalong mabuti ang lahat ng mga sangkap.

7. Ibuhos ang halo sa molde upang mabuo at maging bloke. Ang bawa’t bloke ay maaaring tumimbang ng isa hanggang limang kilo depende sa laki ng molde.

8. Ilagay sa plastik ang bawa’t bloke at isalansan sa kahon. Maghintay ng isa o dalawang linggo bago ibigay ang “Blockmate” sa mga hayop.

 

Sistema ng pagpapakain

Ang “Blockmate” ay kinakain ng mga hayop sa pamamagitan ng pagdila o “licking”. Hindi mahirap turuan ang mga kalabaw na pakainin nito dahil ito ay masarap sa panlasa nila. lIagay o ibitin lamang ito sa tapat ng labangan ng kalabaw at hayaang dilaan nito ang “Blockmate” hanggang makuha ang pangangailangan nitong nutrisyon sa isang araw.

 

Mahalagang Tandaan!

1. Huwag pabayaang mabasa ang “Blockmate” upang maiwasan ang paglambot ng bloke at ang sobrang pagkain ng hayop.

2. Huwag ibigay ang “Blockmate” sa kalabaw na wala pang 6 na buwang gulang, at sa mga hayop na nasa huling tatlong buwan (last trimester) ng pagbubuntis.

3. Huwag pakainin ng “Blockmate” ang mga hayop kapag gutom ang mga ito o kaya ay walang katabing tubig na inumin.

4. Kapag nakakita ng sintomas ng pagkalason sa inyong mga alagang hayop tulad ng paglalaway, hirap sa paghinga, kabag o paglaki ng tiyan, tumawag kaagad ng beterinaryo.

 

Dami ng “Blockmate” na maaaring kainin ng hayop sa isang araw

Hayop Timbang (kilo) Dami ng nakakaing “Blockmate” (gramo)
Gatasang kalabaw 400-500 300-500
Baka 400-500 300-400
Kambing 15-20 50-80
Tupa 15-20 50-80

 

Mga benepisyo

1. Nakatutulong sa pagpapaganang kumain ng kalabaw

2. Napabibilis ang paglusaw ng mga hibla ng damo at iba pang kinakain ng mga kalabaw

3. Napananatili ang lakas at kalusugan ng hayop
 

Author

0 Response