Cara-Aralan sa Niyugan, patuloy sa pagbibigay aral

 

DA-PCC sa UPLB — Sunud-sunod na sinimulan ang Coconut-Carabao Development Project (CCDP) Cara-Aralan sa Niyugan sa Sariaya at Tayabas, Quezon na pinangungunahan ng DA-Philippine Carabao Center sa UPLB (DA-PCC sa UPLB), at DA-Philippine Coconut Authority (DA-PCA).

Naglalaan ng isang araw kada isang linggo para sa pagsasagawa ng pagsasanay. Ang bawa’t session ng Cara-Aralan sa Niyugan ay may practical exercises at sharing of lessons learned sa pagtatapos ng bawa’t itinakdang aralin. Mahigpit namang ipinatutupad ang Covid-19 health and safety protocols sa bawa’t sesyon.

Nahahati sa apat o limang grupo ang mga kalahok. Nagsisimula ang sesyon sa isang maikling pagsusulit tungkol sa nakaraang paksa. Susunod ang mga aktibidad na may kaugnay naman sa paksang tatalakayin sa araw na iyon.  Magsisimula ang leksyon sa pamamagitan ng pagtuturo ng eksperto o panonoorin ang audio visual prensentation na inihanda ayon sa paksa. Susunod ang diskusyon tungkol sa mga katanungan, komento, o suhestyon ng mga kalahok. Hinihingan din ang mga kalahok kung anong natutunan at kahalagahan ng paksang natalakay. May practical activity din na isinasagawa sa ilang mga paksa upang mas lalong maintindihan ng mga kalahok ang paksang tinalakay. Panghuli ay ang take home activity kung saan na nila i-aapply ang mga paksang tinalakay sa kanilang mga alagang kalabaw.

“Malaking tulong ang programang ito ng DA PCC at DA PCA. Bukod sa marami kaming natututunan ay nag-eenjoy pa kami. Marami pong salamat sa mga facilitators at sana’y patuloy pa ang mga ganitong programa,” ani Haydee Ong, isa sa mga kalahok mula sa bayan ng Tayabas.

Pinayuhan naman ni Ginoong Rommel Deapera ng Provincial Government ng Quezon ang mga magsasaka at magkakalabaw na isapuso, isagawa at suportahan ang programa upang mas maparami pa ang mga crossbreed na kalabaw.

“Mahalin natin ang mga kalabaw. Magtanim ng tamang pakain para sa ating mga alaga upang bigyan din tayo ng malaking balik, biyaya, at benepisyo,” dagdag ni Deapera.

Inaasahang magsisimula rin ang Cara-Aralan sa Niyugan sa Mindoro sa mga bayan ng Bansud, Gloria, at Bongabong.

Mahigit-kumulang 30 na mga magsasaka at magkakalabaw sa bawa’t bayan ang patuloy na nakikiisa sa programang ito. Nagsimula sa bayan ng Mauban, Tayabas noong ika-4 ng Pebrero na inaasahang magtatapos sa huling linggo ng Hulyo. Nagsimula naman noong ika-16 ng Marso ang sa Sariaya na magtatapos sa ikalawang linggo ng Setyembre.

Author

0 Response