Sumisiklab na ALAB-Karbawan sa Mindanao

 

DA-PCC sa USM —Tiyak na mas magiging mainit at kilala ang kabuhayang hila-hila ng kalabaw sa isla ng Mindanao. Ito ay dahil sa patuloy na pagpapatupad ng DA-PCC sa pagpapalaganap ng programang Accelerating Livelihood and Assets Buildup o ALAB- Karbawan sa Timog at Gitnang Mindanao.

Matatandaang limang coop-conduits ang nakikilahok sa programang ALAB-Karbawan. Ito ay ang Sta. Catalina Multi-Purpose Cooperative (SCMPC) sa North Cotabato, Highland Agricultural Credit Cooperative (HACC) sa South Cotabato, Inyam Pintuan Asbang Multi-Purpose Cooperative (IPAMCO) sa Davao del Sur, Linoan Farmers Integrated Cooperative (LIFICO) sa Davao de Oro, at Kalaparan Agrarian Reform Beneficiaries Association (KARBENA) sa Davao Oriental.

Sa ngayon, sinisimulan na ang pagpapatayo ng dairy processing center at marketing outlet sa limang kooperatibang kabakas ng ahensya sa pagsikad ng ALAB-Karbawan sa kani-kanilang probinsya.

“Ang paggagatas ay makatutulong sa inyo [carapreneurs] upang mag-generate ng source of income para sa inyong pamilya. Hangad ko na  lalo nating mapahusay ang teknolohiya sa dairy industry. Ako ay umaasa na ang pagpapatayo ng dairy processing at marketing outlet ay makapag-aambag ng malaking kontribusyon sa pag-unlad ng dairy industry sa inyong lugar,” ani Senator Cynthia Villar, chair ng senate committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform.

Isa rin sa pinagtutuunan ng DA-PCC sa University of Southern Mindanao (DA-PCC sa USM) ay ang pagpapatupad ng emergency procurement sa ilalim ng R.A. 11494 o Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) na kung saan naging mas madali ang pagbili at pagkumpleto ng 250 na babaing crossbreed na kalabaw na siyang pagkukunan ng gatas ng mga kooperatiba.

“Ang DA-PCC ay laging narito upang sumuporta sa inyo upang makamit ng bawa’t Pilipinong maggagatas ang masaganang ani at mataas na kita” tugon ni DA-PCC OIC-Executive Director Ronnie Domingo.

Dagdag pa rito, mas pinaiigting pa lalo ng DA-PCC sa USM at mga partners nito ang pagbibigay ng mga serbisyong tugon sa isyung pangkalusugan at breeding.

“Sa unang taon ng programang ALAB-Karbawan, maraming balakid ang kinaharap nito. Sa kabila ng pandemya at mga problema, nananatiling kasing-tatag ng kalabaw ang pamahalaan upang maisakatuparan ang layunin nitong matulungan at mapaunlad ang buhay ng mga magsasakang maggagatas,” ani DA- PCC sa USM Center Director Benjamin John Basilio.

Inaasahan na rin ang pag-alab ng programa sa Sarangani bilang karagdagang probinsyang kalahok sa programang ALAB-Karbawan.

“Napakalaking oportunidad para sa mga magkakalabaw ang proyektong ito. Hindi lang ang carapreneurs ang magpapaalab sa gawaing ito kundi maging tayo at mga kabalikat natin. Kaya hinihimok ko ang lahat na maging aktibo sa pagbibigay ng mga serbisyong kinakailangan upang makamit natin ang inaasahang kahihinatnan ng programa,” dagdag pa ni Dir. Basilio.

Ang ALAB-Karbawan, pinatanyag na pangalan para sa programang Carabao-based Business Improvement Network (CBIN), ay naglalayong palakasin ang lahat ng stakeholders sa carabao value chain sa mga piling probinsya sa buong Pilipinas.

Author

0 Response