Huwarang Juana: #OneDArfulJuana

 

DA-PCC sa USF — Si Grace G. Boyles ay isang kumpirmadong kampeon na maggagatas. Kasapi siya sa San Jose Dairy Buffalo Producers Association, kumpol ng Bohol Dairy Cooperative. Minsan na niyang naranasan ang buhay sa Maynila bilang isang kasambahay. Ang kaniyang hindi kanais-nais na karanasan at pananabik sa pamilya ang nagtulak sa kaniyang magbalik-bayan na naging dahilan upang mahanap niya ang tagumpay sa paggagatas.

Ang hangarin niyang makaahon sa hirap ng buhay ang nagtulak sa kaniya upang sumali sa orientation-seminar on dairy buffalo production na isinagawa ng DA-PCC. Taong 2005 noong naging miyembro siya ng Mabini Dairy Multipurpose Cooperative (MADAMCO) at nabigyan ng dalawang American Murrah buffaloes. Makalipas ang limang taon, nagsimula na siyang makakuha ng 4 litro ng gatas mula sa mga ito na binibili ng DA-PCC noon sa halagang Php45 kada litro. Ito ang pinagmumulan ng kanilang kita na Php5,000 kada buwan. Sa mga panahong iyon, nag-iisa pa lang na babaing maggagatas ni Grace sa kanilang grupo.

Nguni’t hindi naging madali ang pagsisimula niya sa paggagatas. Ilang ulit din siyang umiyak dahil labag sa kalooban ng kaniyang asawa ang kaniyang paggagatas. Gayunpaman, hindi naisip ni Grace na sumuko.

Dahil sa determinasyon niya sa paggagatas, nakatanggap muli siya ng mga karagdagan pang kalabaw mula sa DA-PCC. Mula sa dalawa, ngayo’y mayroon na siyang 20 na kalabaw na nagbibigay sa kaniya ng Php27,000 na buwanang kita. Nakumbinsi na rin niya ang kaniyang asawa sa paggagatas at naipaayos ang kanilang lumang bahay. Tinutulungan din niya ang kaniyang mga kapatid sa pagpapaaral sa kaniyang mga pamangkin. Marami na rin siyang natulungan at nabigyan ng trabaho sa mga ito sa kaniyang kalabawan.

Isa siya sa mga kasosyo ng DA-PCC sa USF sa pagsasanay tungkol sa paggagatas kung saan mismong sa farm niya nagsasanay ang mga kalahok upang masubukan nila ang kumpletong proseso ng paggagatas. Para kay Grace, ang pagiging isang babae ay hindi hadlang para makamit ang tagumpay.

“Di nato himoong rason ang pagka-baje. Ang importante nga makatabang ta sa atong bana (Huwag nating gawing dahilan ang pagiging isang babae, ang importante nakakatulong tayo sa ating asawa sa paghahanap buhay).” - Grace Boyles, carapreneur

Author
Author

0 Response