DA-PCC sa Cagayan pasado sa unang pagtatasa ng GAHP certification

 

DA-PCC sa CSU — Pumasa ang DA-PCC sa Cagayan State University (DA-PCC sa CSU) sa ikatlong yugto ng rehiyonal na pagtatasa para sa Good Animal Husbandry Practice Certification o GAHP ng DA.

Nito lamang Marso 16 ay bumisita ang mga kawani ng DA upang suriin ang mga imprastraktura ng DA-PCC sa CSU farm na matatagpuan sa Piat, Cagayan. Kanilang sinuri ang iba’t ibang pasilidad nito kabilang  na ang quarantine facility na pinaglalagyan ng mga bagong dating na hayop, isolation facility na para sa mga may sakit na hayop upang hindi na kumalat pa ang mga naturang sakit sa loob ng farm, at ang milking parlor kung saan ginagatasan ang mga kalabaw.

Sinusuri din nila ang mortality pit na nagsisilbing tabunan o libingan ng mga namatay na kalabaw. Sumailalim din sa pagtatasa ang biogas facility kung saan ay inirerecycle ang mga dumi ng hayop at iba pang basura upang gawing natural gas o fuel. Kasunod nito ay kanilang sinuri ang vermi house na pinagkukunan ng natural na pataba o ang vermicast na mas mainam gamitin sa mga halaman at tanim hindi tulad ng mga kemikal na pataba na maaaring magdulot ng pagkasira ng lupa at mga organismong naninirahan dito.

Sa kasalukuyan, may 13 na farm sa buong bansa ang nagawaran na ng sertipikasyon ng GAHP. Layon ng DA-PCC sa CSU na mapabilang sa listahan ng mga kwalipikadong ahensya at farm upang makasiguro, hindi lamang ang mga kliyente nito kundi pati rin ang mga magsasaka at mamimili, na malinis at maayos ang mga pamamaraan ng pangangalaga sa mga kahayupan na nanggagaling sa farm ng ahensya.

Ang DA-PCC sa CSU ay nagpapasalamat sa patuloy na pagsuporta ng mamamayan at mahusay na pamamalakad ng mga namumuno at empleyado ng ahensya.  Nakarekomenda na sa sentral na ahensya ang PCC sa CSU para sa gagawing inspeksyon ng mga kinakailangang dokumento at pasilidad bago tuluyang magawaran ng sertipikasyon. Kung papalarin, ito pa lamang ang kauna-unahang pasilidad ng DA-PCC na magagawaran ng GAHP certification sa buong PCC network. 
 

Layunin ng GAHP na siguraduhin at panatilihin ang kaayusan at kalinisan sa pagpapalaki at pag-aalaga ng mga hayop na isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng protina bago ito ipamahagi at ipamili sa iba’t ibang pamilihang bayan. Sinisigurado nito na nasa maayos na kundisyon ang mga nangangalaga ng mga hayop at napangangalagaan ang kalikasan samantalang isinasagawa ito.

Author

0 Response