Pagpapaunlad ng CDP sa ‘New Economy’

 

Patuloy ang serbisyo ng DA- PCC sa pagpapaunlad ng estado ng pagkakalabawan sa makabagong ekonomiya ngayong panahon ng pandemya.

Layunin nitong palakasin at pagsabayin ang mga hakbangin sa pagpapaunlad ng carabao industry value chain. Binibigyang-diin din nito ang mga estratehiya sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, academic community, at mga pribadong sektor.

Sa kabuuan, ang plano ay upang mapagtagumpayan ang mga hamon ng pandemya at matulungang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga magsasaka.

Isang virtual program gamit ang Facebook live streaming na sinubaybayan ng mga carapreneurs, kasosyo, at mga panrehiyong sangay ng DA-PCC ang isinagawa noong Marso 29 para sa anibersaryo ng ahensya.

Iniulat ni Dr. Ronnie Domingo, DA-PCC OIC Executive Director, ang mga pagsisikap ng ahensya sa gitna ng kalamidad at pandemya tulad ng operasyon sa pagsagip ng mga hayop noong pagputok ng bulkang Taal, pag-ikot ng Kadiwa Buffalo Milk on Wheels, at ang pagpapakilala ng mga bagong teknolohiya na binuo upang mapabuti ang mga sistema ng pamamahala at produksyon ng mga magkakalabaw.

Kasama sa mga prayoridad na programa ang Dairy Roadmap mula 2020 hanggang 2025 (katuwang ang National Dairy Authority), proyektong PL480 na may pondong Php512M, katuwang ang mga pribadong stakeholders, ang Carabao-based Business Improvement Network (CBIN), Coconut-Carabao Development Project, at ang School-based Milk Feeding Program na pinangungunahan ng Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang mga ito, aniya, ay mga inisyatibong bukod pa sa mga regular na aktibidad sa ilalim ng tatlong sangkap ng CDP: ang Genetic Improvement Program, Carabao-Based Enterprise Development Program, at Research for Development.

Nagsilbi namang pangunahing tagapagsalita si Gov. Arthur Yap ng lalawigan ng Bohol. Ang hamon niya sa ahensya ay samantalahin ang pagkakataon sa pagpapalakas at pagtulong sa mga lokal na magsasaka at mangingisda upang mapanatili ang seguridad ng pagkain sa pamamagitan ng kalabaw hindi lamang bilang isang tradisyunal na kasa-kasama sa pagsasaka nguni’t bilang instrumento rin para sa masaganang ani at mataas na kita mula sa mga produkto nito.

Hinimok ni Gov. Yap ang ahensya na tiyakin na ang iba’t ibang presyo ng mga bilihin tulad ng pagkain ay abot-kaya pa rin ng karaniwang mamimili.

“Ito ang tanging paraan upang makabalik ang ating ekonomiya na ang pagkain ay sapat at mabibili sa abot-kayang halaga. Ito ay bahagi ng solusyon upang labanan ang krisis na ito,” aniya.

Nangako naman siya na ang lalawigan ng Bohol ay handa at patuloy na kabalikat ng DA-PCC sa pagkamit ng mandato nito.

“Anuman ang mangyari sa bansang ito, mananatili tayong isang bansa sa kanayunan at dapat nating ipagmalaki iyon. Dapat nating ipagpatuloy ang pagprotekta sa ating mga magsasaka at mangingisda at mangyayari lamang ito sa pamamagitan ng agham, teknolohiya, at pagpapataas ng kalidad ng ating mga produkto,” pagtatapos ni Gov. Yap.

Sa mensahe rin ni Senador Cynthia Villar, Senate Committee Chair ng Agriculture, Food and Agrarian Reform, pinayuhan niya ang ahensya na magtrabaho para mapabuti ang kalagayan sa pag-unlad ng sektor ng pagawaan ng gatas ng bansa tungo sa pagpapababa ng kahirapan, pagtaas ng kita ng magsasaka, at mapabuti ang nutrisyon ng mga bata.

Hinimok ng mga haligi ng CDP na sina Dr. Libertado Cruz at Dr. Arnel Del Barrio ang DA-PCC na manatiling matatag laban sa lahat ng mga pagsubok sa gitna ng pandemya at ipagpatuloy ang pagiging isang katalista tungo sa pagbabago at malinaw na mga solusyong mapakikinabangan ng libu-libo pang mga pamilyang magsasaka. Diin nila, ang mga inisyatibong mapakikinabangan ay dapat base sa agham at pinatibay ng pakikipagsosyo sa iba’t ibang ahensya.

Ang limang bagong mga video sa serye ng Knowledge Brokerage, Guidance, and Advisory Network (KBGAN) ng Knowledge Management Division (KMD), na pinamumunuan ni Dr. Eric Palacpac ay napanood din sa virtual na programa. Nagtatampok ang mga video ng KBGAN ng mga teknolohiya at pinakamahusay na pamamaraan sa pamamahala, pag-aalaga at paggawa ng mga produkto gamit ang kalabaw.

Kinilala rin ang mga bukod-tanging empleyado na nakapagbigay ng mga importanteng kontribusyon sa ahensya at binigyang halaga ang mga #OneDArfulJuan at #OneDArfulJuana sa iba’t ibang rehiyon bago magtapos ang programa.

“Matagumpay na naisakatuparan ang mga programa ng DA-PCC nang dahil sa patuloy na paglalaan ng pondo ng gobyerno para sa pananaliksik. Patuloy kaming nakikipagtulungan sa mga lokal at internasyunal na ahensya upang lalo pang umangat ang ating industriya ng pagkakalabaw.” - Dr. Ronnie Domingo, DA-PCC OIC Executive Director
 

Author

0 Response