Dairy Box binuksan sa Zambo

 

DA-PCC sa MLPC —Inilunsad noong Marso 2 sa Dumalinao, Zamboanga del Sur ang Dairy Box, isang proyekto na nabuo sa pakikipagtulungan ng mga iba’t ibang kagawaran.

Matagal nang kilala sa "road ice cream" ang Dumalinao. Ito ang naging tampok sa kamakailan ay nagbukas na Dairy Box sa nasabing lungsod. Magsisilbi itong ice cream parlor na magbabantayog sa sikat nilang sorbetes. Ang gawain ay naging posible sa pakikipagtulungan ng DA-PCC sa Mindanao Livestock Production Center (DA-PCC sa MLPC), Local Government Unit ng Dumalinao, Baclay Multi-Purpose Cooperative (BMPC) at Women Empowerment Movement - Rural Improvement Club (WEMRIC).

Iba’t ibang klase pa ng produktong gawa sa gatas ng kalabaw ang mabibili sa Dairy Box tulad ng pastillas, yogurt at pasteurized milk.

Ang outlet ay nagbebenta ng soft ice cream, sariwang gatas, gatas na may iba’t ibang flavors, mga lokal na gulay, cakes at pastries,  at iba pa.

"Sa proyektong ito maaabot ang ating mga pangarap hindi lamang para sa munisipalidad kundi pati na rin sa mga pamilyang maggagatas,” ani Mayor Junaflor Cerilles ng Dumalinao.

Ipinagmamalaki naman ni Dr. Cecelio Velez, Center Director ng DA-PCC sa MLPC, ang Zamboanga del Sur sa  pagkakaroon ng isang outlet na maaaring maging puntahan ng mga tao upang mas lalo pang makilala ang gatas ng kalabaw.

“Ang nais natin ay hindi lamang upang madagdagan ang produksyon ng agrikultura nguni’t upang mapayaman din ang ating mga magsasaka,” dagdag din ni Dr. Ronnie Domingo, OIC Executive Director ng DA PCC.

Ang lupa, gusali at mga tauhan na magiging operator ng outlet ay nagmula sa LGU. Samantala, ang pagpapahusay ng istraktura ng pagawaan ng gatas, mga freezer at chiller ay nagmula sa DA-PCC sa MLPC.

Ang proyektong ito ay bahagi ng ALAB-Karbawan na pinondohan ng opisina ni Senator Cynthia Villar, Senate Committee Chair ng Agriculture, Food, at Agrarian Reform. Nilalayon ng proyekto na matulungan ang mga magsasaka na makakuha ng karagdagang kita at sila mismo ang mamamahala sa pagpoproseso ng gatas.

Kabilang sa mga dumalo ang Carabao-based Enterprise Development Coordinator,Fe Emelda C. Academia, mga kawani ng LGU- Dumalinao, mga Board of Directors at mga magsasakang kasapi ng BMPC.

Ang Dairy Box ay magsisilbing market outlet ng mga produkto ng mga magsasaka tungo sa mas magandang kita. Ang pamamahala ng outlet ay sasailalim sa WEMRIC na pinamumunuan ng presidente nito na si Dr. Evalyn Reyes. 
 

Author

0 Response