Nabagong buhay sa pagiging VBAIT

 

“Malaking tulong sa akin ang pagiging village-based artificial insemination technician (VBAIT). Hindi ko ito ginawang sideline o libangan bagkus ay ginawa ko talaga itong hanapbuhay.”

Ganito ang paliwanag ni Luisito Espiritu, 40, ng barangay Magmarale, San Miguel, Bulacan, sa nakikitang puspusan niyang pagganap sa trabaho niya bilang isang VBAIT.

VBAIT ang tawag sa mga teknisiyan na nagsasagawa ng hindi likas na pagpapalahi o artificial insemination (AI) sa mga kalabaw gamit ang semilyang mula sa mga bulugang may superyor na lahi.

Si Luisito ay isang kabalikat na VBAIT ng PCC sa Central Luzon State University (PCC@CLSU) sa gawaing pagkakaloob ng AI sa mga kalabaw ng mga magsasaka. Siya ay dating nagbubukid na ngayo’y nakatutok na ang kalooban at sarili sa pagiging VBAIT.

Bunga ng kanyang pagsisigasig, ayon sa PCC@CLSU, nangunguna si Luisito sa listahan ng mga VBAIT na inaasistehan ng PCC na may pinakamaraming kalabaw na naseserbisyuhan ng AI.

Nakapagtala siya ng kabuuang 761 AI services sa gayong dami ng kalabaw noong 2017. Sa bilang na ito, 413 ang nagsipanganak o katumbas na 54.27% AI efficiency rate.

“Hindi mahalaga sa akin kung top 1 ako sa performance o hindi. Wala kasi sa isip ko ang makipagkumpetensiya. Hanapbuhay ko ito at nagsisigasig lang.  Ang sa akin lang, basta’t hindi ko napapabayaan ang gawaing ito, masaya na ako,” ani Luisito.

Ayon kay Luisito, hindi sadyang perpekto ang AI kung kaya’t hindi lahat ng kalabaw na nabibigyan ng teknolohiyang ito ay nabubuntis.

Mayroong iba’t ibang salig, aniya, na dapat isaalang-alang. Isa na rito, na mahalaga, ay ang paraan ng pag-aalaga ng may-ari sa kanyang kalabaw.

“Mahalaga ang timing o tamang araw sa pagpapabuntis kaya dapat obserbahang mabuti ng may-ari ang paglalandi ng kanilang kalabaw,” pagpapaliwanag ni Luisito.

Sa kanyang paglalahad, kanyang sinabi na karaniwang apat na serbisyo ng AI sa kalabaw ang nagagawa niya sa isang araw.

Sa mga buwan ng Nobyembre hanggang Mayo, aniya, na siyang karaniwang panahon ng paglalandi ng kalabaw ay umaabot sa walo ang serbisyo niya ng AI sa isang araw.

Sa kasalukuyan, Php600 bawa’t AI sa kalabaw ang singil niya sa kanilang lugar.

Kumikita siya ng karaniwang Php10,000 hanggang Php15,000 sa isang buwan. Sa mga buwang “malakas”, nasa Php20,000 hanggang Php25,000 naman ang kinikita niya.

Dahil sa kanyang ganansiya sa kanyang gawain, naipaayos na ni Luisito ang kanilang bahay. Gayundin, ganap niyang  nasusuportahan ang pag-aaral ng tatlo niyang anak at nakapagpundar na rin ng dalawang motorsiklo.

“Dati’y parang balung-balong lang ang bahay namin na marami pang butas ang bubong. Ngayon, naipaayos ko na ito’t naging konkreto ang pagkakagawa,” nakangiting sabi ni Luisito.

“Dati naka-bisikleta lang ako kapag nagpupunta sa dapat na maserbisyuhan. Kaya noon, hindi maiwasang sumakit ang mga binti ko sa kakapidal at madalas pang mangalay lalo na kung malayo ang napupuntahan ko. Ngayon, hindi na at baka balang araw, nakakotse na rin ako,” pabiro niyang sabi na hindi naman mahirap mangyari lalo na’t masigasig siya sa kanyang gawain.

Maliban sa mga materyal na bagay na naipundar niya, mayroon pa siyang napakahalagang bagay na nakamit sa tulong ng hanapbuhay niyang ito na para sa kanya ay hindi mananakaw ninuman---ang pagtatapos niya ng kurso sa kolehiyo.

Si Luisito ay kumukuha noon ng kursong Bachelor of Science in Economics. Nguni’t nahinto siya sa pag-aaral nang siya ay papasok na sa ika-3rd year ng kanyang kurso.

Dahil sa kakulangang pinansiyal, nagparaya siyang paunahin na muna na makapag-aral ang mga kapatid. Gayunman, hindi siya nawalan ng pag-asa na makakatapos din siya ng kolehiyo. Kaya, nang magkaroon siya ng pagkakataon ay itinuloy niya ang kanyang pag-aaral. Lumipat siya sa kursong Animal Science at matagumpay naman niya itong natapos.

“Habang itinutuloy ko ang aking pagbibigay serbisyo ng AI sa kalabaw, nag-aaral naman ako. Kadalasan nga nahuhuli ako sa pagpasok sa paaralan pero kinaya ko ring makahabol. Buti na lang at maunawain din ang mga naging guro ko noon,” pagkukukwento niya.

Dahil sa kanyang natapos na kurso ay nai-a-apply din niya ang mga natutunan sa paaralan sa kanyang gawain. Mas napapayaman pa nga niya ang kanyang kaalaman sa larangan ng paghahayupan.

Plano ni Lusito na sa hinaharap ay magkaroon siya ng limang mga gatasang kalabaw.

“Hindi naman siguro habang panahon ay makakaya kong mag-motor at magbigay ng serbisyo ng AI sa mga kalabaw ng maraming magsasaka. Gusto ko rin maranasan ang pakiramdam na sariling kalabaw ko naman ang sineserbisyuhan ng AI,” wika niya.

Kanya pang idinagdag:

“Laging nasa isip ko ‘yong sinasabi sa ‘kin ng mga kliyente ko na bumuti ang buhay nila dahil sa pagkakalabawan. Sabi pa nila, huwag na huwag daw tutulusan ang buhay ng isang tao hangga’t humihinga pa”.

Positibo ang pananaw ni Luisito.

“Kung noon ay nagawa kong makapagtapos ng pag-aaral, magagawa ko ring maabot ang iba ko pang mga pangarap,” sabi ni Luisito.

 

Author

0 Response