Animal health at proper milk handling training para sa mga magkakalabaw ng Tarlac City

 

DA-PCC sa CLSU — Para matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng karagdagang kaalaman sa pag-aalaga ng kalabaw, partikular na sa larangan ng animal health, ang lokal na pamahalaan ng Tarlac City, sa pangunguna ng Office of the City Veterenarian at pakikipagtulungan ng DA-PCC sa Central Luzon State University, ay nagsagawa ng pagsasanay para sa mga magkakalabaw sa nasabing bayan noong Hunyo 8.

Alinsunod sa direktiba ng Inter-Agency Task Force (IATF) ng probinsya ng Tarlac, limitado lamang sa 10 kalahok mula sa iba’t ibang barangay ng Tarlac City ang pagsasanay. Kaiba man sa nakasanayang paraan, naging makabuluhan pa rin ito.

Layunin ng pagsasanay na makapagbahagi ng kaalaman sa mga magkakalabaw upang maiwasan ang pagkakasakit ng kanilang mga alaga lalo na ng mga bulo at mapaganda ang kalidad ng aning gatas.

Isa sa mga suliranin ng mga magkakalabaw sa naturang bayan ay ang pagkakasakit at pagkamatay ng kanilang mga alaga. Dahil dito, isa sa mga napiling talakayin sa pagsasanay na ito ay ang Animal Health, Care and Management. Ito ay ibinahagi ni Dr. Marvin Villanueva, Senior Science Research Specialist at OIC ng Biosafety and Environment Section ng DA-PCC National Headquarters. Tinalakay niya ang tungkol sa wastong pangangalaga ng kalabaw mula nang ito ay ipanganak, hanggang sa ito ay magbuntis, manganak, at gumagatas na.

Ang pagkasira ng gatas o hindi magandang kalidad nito ay isa rin sa mga problemang kinakaharap ng ilang mga magsasaka sa lungsod kaya naman dito uminog ang paksang tinalakay ni Dr. Renelyn Labindao patungkol sa Proper Milk Handling and Storage.

Si Dr. Labindao ay Science Research Specialist II at Head ng Product Processing and Marketing Unit ng DA-PCC sa CLSU. Kanyang ibinahagi ang mga preparasyon at mga dapat gawin ng mga maggagatas bago, kasalukuyan, at pagkatapos gumatas. Bahagi din ng kanyang lecture kung bakit bumababa ang kalidad ng gatas at kung paano ito maiiwasan upang mas tumaas ang kalidad ng inaaning gatas.

Ang lokal na pamahalaan ng Tarlac City sa pangunguna ni Dr. Noel Soliman ay maglulunsad ng Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP) sa lungsod. Ang FLS-DBP ay season-long na pagsasanay na tatagal ng anim na buwan. Ang mga kalahok sa isinagawang pagsasanay ay siya ring mga magiging kalahok sa FLS-DBP. Ito ay tinatayang magaganap sa mga susunod na buwan kapag naging maluwag na sa mga restriksyon dulot ng pandemya.

Author
Author

0 Response