Home-based dairy project isinusulong ng LGU-Bacnotan

 

DA-PCC sa DMMMSU —Labimpitong magsasaka ang nakapagtamo ng karagdagang kaalaman at kasanayan sa wastong pag-aalaga at paggagatas ng kalabaw mula sa “Capability Enhancement Training on Milking Buffalo for Farmer Recipients in Home-Based Dairy Project” na isinagawa ng LGU-Bacnotan sa inisyatiba ni Mayor Francisco Angelito Fontanilla.

Layunin ng pagsasanay, na ginanap noong Hunyo 10-11 sa Barangay Bacqui, Bacnotan, La Union, na magkaroon ng karagdagang mapagkakakitaan ang mga magsasaka habang nasa kani-kanilang tahanan sa pamamagitan ng paggagatas ng kalabaw.

Kinapalooban ng talakayan ukol sa kahalagahan at benepisyo sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw at wastong pag-aalaga sa mga ito ang unang araw ng pagsasanay na ibinahagi nina DA-PCC sa Don Mariano Marcos Memorial State University Center Director Vilma Gagni at Carlo Jowan Aspiras, artificial insemination technician sa nasabing lugar.

Tinuruan din ang mga kalahok ng wastong paghahanda, pamamaraan sa paggagatas at pagpoproseso ng gatas.

Samantala, nagbahagi naman ng karanasan si Emilio Ringor, isa sa mga kalahok na may ginagatasang kalabaw, tungkol sa mga ganansyang nakakamtan niya mula sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw partikular na ang adisyunal na kitang hatid ng gawaing ito.

Sa sumunod na araw, alas sais ng umaga, ay ipinakita at itinuro nina Ringor at kapwa magkakalabaw nitong si Benjamin Espada ang paraan nila ng paggagatas sa kanilang mga alaga at pagpoproseso ng gatas. Ginanap ang demonstrasyon sa pastulan ni Ringor.

Dahil sa mga naibahaging kaalaman at karanasan, bakas sa mga kalahok ang kagalakan at determinasyon upang mai-apply ang mga natutunan nila mula sa pagsasanay.

Dumalo rin sa pagsasanay ang mga kawani ng Municipal Agriculture Office sa pangunguna ni Agriculturist Dr. Divina Gracia Apigo at Jenesse Arellano, project incharge.

Ang lokal na pamahalaan ng Bacnotan ay nakapagbahagi na ng kabuuang 27 gatasang kalabaw sa mga kalahok. Plano din ng LGU na magpatayo ng planta para sa pagpoproseso ng gatas at dairy outlet upang magkaroon ng siguradong merkado para sa kanilang aning gatas ang mga magkakalabaw.

Author

0 Response