One DA’s reform agenda sa diversification ipinatutupad sa Zambo

 

Isinasakatuparan na sa mga piling lugar sa Mindanao ang One DA’s reform agenda on diversification sa pamamagitan ng magkatuwang na proyekto ng DA-Philippine Coconut Authority (DA-PCA) at DA-Philippine Carabao Center, na Coconut-Carabao Development Project (CCDP).

Isa sa 18 pangunahing estratehiya sa ilalim ng One DA ang diversification na hinihikayat ang mga magsasaka na sumuong sa iba pang farm commodity(ies) upang lalo pang mapataas ang kanilang kita.  

Ito, ayon sa mga tagapagpatupad ng proyekto, ay ang pinakalayunin ng CCDP na kumita ang mga tradisyunal na magniniyog sa pamamagitan ng pagkakalabawan. Upang maisakatuparan ang adhikaing ito, nagsasagawa ng mga pagsasanay at serbisyong teknikal ang ahensya sa mga natukoy na lugar para sa proyekto, maliban pa sa suporta nito sa produksyon, pagpoproseso, at pagsasapamilihan.

Pinatanyag sa tawag na “Cara-Aralan sa Niyugan”, ang interbensyon na ito ay isinagawa na sa Zamboanga Sibugay, isa sa mga sakop na lugar ng serbisyo ng DA-PCC sa Mindanao Livestock Production Center, kung saan 27 magniniyog ang lumahok sa season-long training for dairy buffalo production.

Nabigyan ng bagong kaalaman at nahasa ang kakayahan ng mga benepisyaryo ng CCDP project mula sa Makilas at Tomitom, Ipil, Zamboanga Sibugay sa pamamagitan ng nasabing pagsasanay na nagtapos noong Abril 30. Sila ay mga miyembro ng Small Coconut Farmer Organizations (SCFOs), na bahagi rin ng Coconut Agro-Industrial Hub Project.

Ang Cara-Aralan sa Niyugan ay isang pagsasanay na tumatagal ng 11 linggo, kung saan ginagamitan ito ng mga serye ng webinars tungkol sa iba’t ibang mga paksa sa pag-aalaga ng kalabaw, na naglalayong sanayin ang mga magsasaka mula sa produksyon at pagpoproseso hanggang sa pagsasapamilihan. Ang mga kalahok ay nagkaroon din ng mga aktwal na pagsasanay habang sinusunod ang mga itinakdang health and safety protocols.  

Ang mga paksang kabilang sa kurso ay: (1) Kwento at Kwenta sa Kalabaw ni Juan, (2) Forage Production and Conservation, (3) Feeding of Buffalo at Different Physiological Stages, (4) Disease Prevention and Control, (5) Proper Housing for Calves and Adults, (6) Best Practices in Artificial Insemination and Breeding, (7) Artificial Insemination in Large Ruminants, (8) Calving Management, (9) Wastong Paraan ng Paggagatas at Pangangasiwa ng Aning Gatas, (10) Hygienic Milk Handling Practices, at  (11) Basic Financial Management.

Dumalo sa graduation ceremony sina Ferdinand Acaylar, PCA Regional Director; Ariel Tomong, OIC Division Chief, PCA-Ipil; Bernadette Ventura, Municipal Cooperative Officer; Masdi Hasim, Ipil Community Multi-Purpose Cooperative Manager; Fe Emelda Academia, Carabao-based Enterprise Development Coordinator; at project staff.

Nagbigay ng pangkalahatang ideya ukol sa proyekto si Academia.  Sa ngalan ng DA-PCC ay ipinaabot niya ang pagbati at papuri sa mga kalahok na nagsipagtapos sa kabila ng mga balakid na pinagdaanan nila bunsod ng pandemya.

Sa kabilang banda, hinamon naman ni Acaylar ang mga kalahok, “Dapat ay tuparin ninyo ang sinimulan ninyo sa pamamagitan ng maayos na pag-aalaga sa mga gatasang kalabaw na ipinagkatiwala sa inyo. Tulungan at suportahan natin ang mga ahensyang nagpapatupad nito at maging ang mga stakeholders para magkaroon ng magandang bunga ang proyekto.”

Naging lundo ng pagdiriwang ang paglalagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DA-PCA, DA-PCC, at mga lokal na pamahalaan sa probinsya ng Sibugay at munisipalidad ng Ipil.

Ang bayan ng Ipil ay napili bilang pilot site dahil sa nabuong matatag na samahan ng lokal na pamahalaan at ng DA-PCC at ang potensyal nitong lumago bilang dairy hub sa Zamboanga Sibugay.

Ang CCDP, na mula sa inisyatiba ni Senator Cynthia Villar, Chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, ay naglalayong (1) mabigyan ng oportunidad na magkaroon ng dagdag na mapagkakakitaan ang mga magsasaka na ang pangunahing pinagkakakitaan ay pagniniyugan sa pamamagitan ng kabuhayang salig sa kalabaw, at (2) mapataas ang lokal na produksyon ng gatas upang makapag-ambag sa pagpapabuti ng kalusugan ng pamayanan. 

Author
Author

0 Response