Kaygandang kapalaran para sa Kalaparan koop

 

DA-PCC sa USM —Magandang kapalaran ang napasakamay kamakailan ng Kalaparan Agrarian Reform Beneficiaries Association (KARBenA) sa Mati City, Davao Oriental matapos ang matagumpay na pagdaraos ng turnover ceremony ng dairy processing plant at marketing outlet nitong Hunyo 18.

Ang KARBenA ang mamamahala sa kauna-unahang Dairy Box sa Davao Oriental. Ang nasabing pasilidad na nagkakahalaga ng Php1.3M ay magiging sentro ng pagpoproseso ng gatas ng kalabaw at pagbebenta ng mga produkto mula rito.

Maraming benepisyo ang hatid nito hindi lang sa mga mamamayan ng Mati City at mga kasapi ng KARBenA kundi maging sa mga karatig-bayan ng lungsod dahil sa pagdaloy ng mga oportunidad na hatid ng paggagatas.

Ang KARBenA ay isa sa mga conduit cooperatives na kabalikat ng Department of Agriculture – Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao (DA-PCC sa USM), na pinamumunuan ni Center Director Benjamin John Basilio, sa proyekto nitong Carabao-based Business Improvement Network o mas kilala sa tawag na ALAB-Karbawan o Accelerating Livelihood Assets Buildup na pinondohan ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform.

Sa isang video message ni Senador Cynthia A. Villar na siyang chairperson ng nasabing komite, isang hamon ang kaniyang iniwan sa mga  tagapagpaganap ng proyekto at maging sa mga magsasakang kasapi ng koop.

“Ang paggagatas ay makatutulong na magbigay ng regular na pagkukunan ng kita. Ako ay umaasa na ang turnover na ito ay makapag-aambag ng malaking kontribusyon sa pag-unlad ng dairy industry dito sa Davao Oriental,” ani Senator Villar.

Sa mensahe naman ni DA-PCC Deputy Executive Director Dr. Caro B. Salces, pasasalamat ang kaniyang ipinaabot sa lahat ng mga kabalikat ng DA-PCC sa pagsusulong ng lokal na industriya ng paggagatasan sa lugar.  Nagbigay din siya ng inspirasyon sa mga magsasakang kasapi ng KARBenA na paramihin pa ang produksyon ng gatas sa lungsod at magsilbing modelo ng maalab na pagkakalabawan sa Davao Oriental.

Sa isang panayam naman kay City Mayor Michelle Rabat, ipinahayag nito ang labis na kagalakan matapos masaksihan ang makasaysayang hudyat ng pagsisimula ng  pagkakalabawan sa Mati City na siya ngayong nangunguna sa pagsusulong ng pagkakalabawan sa buong probinsya ng Davao Oriental. Sinelyuhan ng Mayora ang makasaysayang pangyayari ng kaniyang paniniguro na buo ang suporta ng city government sa mga maggagatas.

“Sisiguraduhin ko na may taunang pondo sa proyektong salig sa kalabaw para magtuluy-tuloy ang progreso nito. Naniniwala kasi kami na magiging matagumpay ang proyekto na siyang tutulong sa pag-unlad ng buhay ng ating mga magsasaka sa lungsod,” masayang sabi ni Mayor Rabat.

Sa turnover speech naman ni DA-PCC sa USM Senior Science Research Specialist Jeffrey Rabanal, binigyang diin nito ang pasasalamat sa naging suporta ng city government, city agriculturist office, provincial veterinary office, city veterinary office, Agricultural Training Institute XI at iba pang opisinang nagbigay ng suporta mula sa paglatag at pagsasagawa ng proyekto.

Hindi naman magkamayaw sa pasasalamat ang mga magsasakang kasapi ng KARBenA sa binuksang Dairy Box mula sa DA-PCC.

“Ating alagaan ang ibinigay na proyekto ng gobyerno, mahalin at paunlarin natin ito. Kung atin itong maisagawa, hindi lang tayo ang aasenso bagkus maging ang buong Mati City,” may galak na ani Rhodora Datar, chairman ng KARBenA.

Sa panayam naman kay DA-PCC sa USM Carabao-based and Enterprise Development coordinator Nasrola Ibrahim, binigyang pugay nito ang mga magsasaka mula sa KARBenA na siyang itinuring niyang pangunahing aktor sa proyektong ALAB-Karbawan.

“Hindi mabubuhay, maisasagawa, at magiging matagumpay ang proyektong ito ng ating gobyerno kung wala ang aktibong partisipasyon ng mga mahal nating magsasaka,” ani Ibrahim.

Inaasahan naman na maisasagawa ngayong taon ang kaparehong turnover ceremony ng Dairy Box sa probinsya ng North Cotabato, South Cotabato, Davao de Oro, at Davao del Sur.

Author

0 Response