Ayudang gatas para sa mahigit 700 katao sa Cagayan

 

DA-PCC sa CSU —Bilang pagtugon sa “social responsibility” ng ahensya sa pamayanan, nagsagawa ng community milk feeding program ang DA-Philippine Carabao Center sa Cagayan State University (DA-PCC sa CSU) sa apat na piling mga barangay ng Cagayan at sa Rural Health Unit (RHU) ng Piat.

Sa loob ng 10 araw, namigay ng 200 ml pasteurized carabao’s milk ang DA-PCC sa kabuuang 764 indibidwal, na kabilang sa “vulnerable sector”, sa pamamamagitan ng inisyatiba nina DA-PCC sa CSU OIC-Center Director Dr. Rovina Piñera at Carabao-Based Enterprise Development Coordinator Romulo Salas.

Matagumpay na naisagawa ng ahensya ang aktibidad katuwang ang mga opisyales ng mga piling barangay na sina Brgy. Captain Samuel Canaya ng Namabbalan Norte, Brgy. Captain Margita Cua ng Namabbalan Sur, Brgy. Captain Eduardo Baliuag ng Virginia, at Brgy. Captain Cesar Cuntapay ng Tabang.

Kabilang sa mga napiling mabigyan ng gatas sa mga nabanggit na barangay ay ang mga bata, buntis, at mga senior citizens na kung saan 354 na katao ang nakatanggap.

Nagpamahagi rin ng gatas ang DA-PCC sa 410 indibidwal sa RHU-Piat, Cagayan kabilang ang mga frontliners at mga residenteng nagpupunta rito upang magpakonsulta, magpacheck-up o kaya naman ay magpagamot.

“Mainam ang pag-inom ng gatas ng kalabaw para mapalakas ang resistensya natin lalo na sa lumalalang sitwasyon ngayon ng pandemya,” ani Dr. Piñera. 

Sa pag-aaral na isinagawa ng DA-PCC, napatunayan na ang gatas ng kalabaw ay may ibayong kabutihan sa kalusugan maliban sa gatas ng tao. Ito ay tinaguriang kumpletong pagkain dahil sa taglay nitong nutrients, minerals, bitamina, at enerhiya na nakatutulong sa pagpapalusog ng pangangatawan at pagpapalakas ng resistensya.

Author

0 Response