Unang patak ng gatas sa Mati City

 

DA-PCC sa USM —Buong kagalakang sinaksihan ngayong araw ng mga magsasaka sa Mati City ang kauna-unahang demonstrasyon ng paggagatas sa kanilang bayan sa Davao Oriental.

Sila ang mga magsasakang miyembro ng Kalaparan Agrarian Reform Beneficiaries Association (KARBenA).

Nanguna sa demonstrasyon ang Department of Agriculture-Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao (DA-PCC sa USM) at ang city government ng Mati na siyang nagpapatupad at sumusuporta sa carabao development program sa nasabing lugar.

Ayon kay Dumarc Yap, isa sa naggatas sa kalabaw,  masaya siya dahil sa unang pagkakataon ay naranasan niyang maggatas. Inaasahan din niya, aniya, na sa kalaunan ay makikilala ang kanilang kooperatiba bilang isa mga nangungunang prodyuser ng de-kalidad na gatas ng kalabaw hindi lang sa kanilang probinsya kundi sa buong bansa.

Ayon naman kay William Quimpo Agisanda, 75, may-ari ng unang kalabaw na ginatasan, walang paglagyan ang kasiyahan niya dahil siya ang unang nagkaroon ng kalabaw na nanganak at ginatasan. Lubos ang pasasalamat niya sa DA-PCC, Mati City Government, at sa opisina ng butihing Senator Cynthia Villar sa pagbibigay ng pondo para sa proyektong pagkakalabawan sa kanilang lugar.

Masaya ring ipinahayag ni Rhodar Datar, 55, chairman ng KARBenA ang kaniyang saloobin sa proyekto: “Pinagpala ang KARBenA na biniyayaan ng ganitong proyekto sa paggagatas dahil ito ang nakita ko na mag-aahon sa amin sa kahirapan naming mga magsasaka.”

Dagdag pa niya, masaya siyang nasaksihan ang unang paggagatas sa kanilang lugar dahil ‘yon ang unang beses na nakakita siya ng kalabaw na ginagatasan sa kanilang lugar.

Ganito rin ang pahayag ni Eleanor E. Sambas, 62, City Agriculturist ng Davao Oriental sa proyekto: “Ang proyektong ito ay isang pagpapala sa amin dahil makatutulong ito hindi lang sa pagbibigay ng kita sa magsasaka kundi makatutulong din sa pagbibigay ng wastong nutrisyon sa mga bata”.

“Dahil sa ang proyektong ito ay isa sa mga masasabi namin na pangarap ng aming butihing Mayor na si Michelle Rabat, ang Mati City ay buong pusong nakasuporta sa programa. Sa katunayan, dahil naniniwala kami na lalago at magtutuluy-tuloy ang proyektong ito hindi lang ngayon kundi maging sa mga susunod pang henerasyon, naglaan ang city government ng taunang pondo para sa proyekto maliban pa sa ilang mga ayudang nakatakda naming igawad sa susunod na taon,” dagdag ni Sambas.

Kabilang sa mga ayuda ay ang 3 ektaryang lupa na siyang gagamitin para sa pagtatayo ng milking parlor, refrigerated van, at water system na ang halaga ay aabot sa Php7.5M.

Samantala, sa ginanap na demonstrasyon ng paggagatas, nakakuha ng 2 litrong gatas sina Henry Justo, milker at AI technician ng DA-PCC sa USM, at Dumarc Yap, sa crossbred na kalabaw na ginatasan.

Ayon kay Nasrola Ibrahim, ang Carabao-based Enterprise Development coordinator ng DA-PCC sa USM, ipapainom ang nakuhang unang gatas sa anak o bulo ng kalabaw para makuha nito ang nutrisyon sa colostrum na kailangan sa paglaki nito. Gagawin ito, aniya, sa loob ng 5-7 araw.

“Ang kalabaw na ginatasan ay isa sa mga 32 crossbreds na kalabaw na ibinigay ng DA-PCC sa USM sa KARBenA nitong Mayo hanggang Hunyo ngayong taon,” aniya pa.

Maliban sa paggagatas, nagkaroon din ng milk toast na pinangunahan nina DA-PCC Deputy Executive Director Dr. Caro B. Salces, City Agriculturist Sambas, mga miyembro ng KARBenA, at mga kawani ng DA-PCC sa USM.

Ang proyektong pagkakalabawan sa Davao Oriental ay bahagi ng Carabao-based Business Improvement Network project o ALAB-Karbawan ng DA-PCC na may 39 na project sites sa buong bansa. Layon nito na bigyan ng negosyo ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pag-aalaga at paggagatas ng kalabaw.

Author

0 Response