Pagkamit sa binuong pangarap

 

Malinaw pa sa alaala niya na may kakaibang tuwa sa puso ng batang June Flores tuwing mag-aagahan, kasama ang buong pamilya, ng tsokolate o sariwang gatas ng kalabaw na ibabahog sa mainit na kanin na may kasamang tostadong tuyo.

Simula pa noon, nakakintal na sa isip niya na balang-araw ay magkakaroon siya ng sariling sakahan. Kaya naman, pagkasilang nya sa kaniyang nag-iisang anak na si Adeline, bumili na siya ng isang maliit na lupain upang simulan agad ang sakahang ipinangako nya sa sarili.

At iyon nga ang tinungong buhay ni June, ngayo’y 43 anyos na, may-ari ng Adelines’ Dairy Farm na gumagawa ng sari-saring produktong mula sa gatas ng kalabaw.

Taliwas man ito sa natapos niyang kurso na chemical engineering, nakipagsapalaran pa rin siya na suongin ang negosyong ito sa kabila ng kakulangan niya sa kaalaman at pagsasanay sa pag-aalaga ng kalabaw.

Mga alaala sa nakaraan

Apat na magkakapatid sina June, tubong San Manuel, Tarlac City. Bagama’t parehong guro ang kanilang mga magulang, kinailangan pa rin nila ng dagdag-kita kung kaya’t pinasok nila ang pagbubukid upang matustusan ang kanilang pangangailangan.

Mahirap na masaya ang buhay sa bukid para sa magkakapatid, bagay na ayon kay June ay dapat  maranasan ng mga kabataan ngayon na namulat sa makabagong teknolohiya katulad ng kompyuter at smart phones.

Sa kabila ng narating nang tagumpay ni June, hindi niya nakalimutang magbalik-tanaw sa kaniyang pinanggalingan.

“Sa tuwing umuuwi ako sa aming bukid ay nakakausap ko ang mga magsasaka sa amin, doon ko mas nakikilala at nauunawaan ang mga seryosong isyung pang-agrikultura tulad ng kakulangan sa capital, teknolohiya at suporta ng gobyerno maging ang nagmamahalang farm imputs. Naisip ko na kung gagamitin ko ang mga kasanayan at disiplina na nagpatagumpay sa aking sariling larangan, baka sakaling makapag-aambag din ako ng solusyon sa kasalukuyang mga problema ng ating mga magsasaka. Sa ngayon, nakikilahok kami sa pagtuturo at paggaganyak sa mga lokal na magsasaka na ikonsidera ang pagkakalabaw bilang isang karagdagang mapagkukunan ng kita,” pahayag ni June.

Determinasyon at tiwala ang pinanghawakan ni June noong siya’y nagsisimula pa lang at siya ring nagtulak sa kaniya sa tinatamasang tagumpay ngayon. Sa kabila ng mga pinagdaanang pagsubok ng Adeline’s Dairy Farm, isa na ito ngayong modelo ng carabao-based enterprise sa Tarlac.

Bilang patunay sa kaniyang natatanaw na patuloy na pagtatagumpay sa negosyong ito, plano ni June na magpatayo ng training center o learning site para sa small-holder buffalo production katulad ng Axis Dairy Farm ng Bulacan upang makatulong at makaengganyo sa ibang kapwa magsasaka na pasukin ang pagkakalabaw.

Nakipag-ugnayan na rin siya sa City Veterinary Office para sa mga pagsasanay, extension work at information campaign na maaari niyang isagawa para sa mga interesadong magsasaka sa kanilang lugar.

Mga unang hakbang

Hindi naging hadlang para kay June ang pagiging babae sa pagkamit ng kaniyang mga pangarap. Sa suporta ng kaniyang pamilya, naitatag ang Adeline’s Dairy Farm na siyang kauna-unahang Dairy Farm sa Tarlac City.

Noong 2017, bumili siya ng lote upang taniman ng mais. Kinailangan niya ng kalabaw na pang-araro at pang-tudling kung kaya’t siya’y umupa muna. Kalauna’y bumili siya ng dalawang native na kalabaw upang makatulong sa pagtatrabaho sa bukid.

“Noong nagsimula kami sa tradisyunal na larangang pagsasaka, naranasan namin ang buhay ng magsasaka. Naharap sa mababang halaga ang aming ani na kung susumahin ay kulang pa para maibalik ang aming puhunan. Sabi namin we must do something, introduce an innovation or other means of livelihood,” pagkukwento ni June.

Doon niya napagdesisyunang subukan ang dairy farming.                                        

 “Noong nakita namin ang oportunidad sa gatasang kalabaw, sabi namin bakit hindi natin subukan? Nagsimula kami sa wala, umasa lang kami sa Google at YouTube. Mula sa 2 native na kalabaw, nagdagdag kami ng 14 na purebred murrah buffaloes. Nahirapan kami, kailangan naming iwork-out ‘yong forage management, feeding management, at health management,” ani June.

Ayon kay June, sumali siya sa mga Facebook groups, nanood ng mga YouTube videos upang makahingi ng mga gabay sa pagkakalabaw. Hindi siya sumuko kundi mas lalong nagpursige at naghanap ng ibang paraan upang maipagpatuloy niya ang kaniyang pagkakalabaw.

“At that time wala pang webinar ang DA-PCC at halos wala kaming kakilala sa kanila. Naharap kami sa mga mas malalaking pagsubok kagaya ng mga pagkakasakit at pagkamatay ng ilang alaga naming kalabaw,” dagdag ni June.

Sa kabila ng lahat ng pagsubok ni June, matatag parin ang pananaw nito patungkol sa pagkakalabaw.

Pagpapakilala sa produkto

Sa katunayan, sinimulan na rin ni June ang product development para sa aning gatas noong Oktubre 2019. Naisip niya na kailangan na rin bigyan ng magandang brand name ang kaniyang mga produkto, dito naipanganak ang Adeline’s Fresh Buffalo Milk Products na hinango niya sa pangalan ng kaniyang anak na si Adeline.

Sa tuwing nakikita niya ang kaniyang anak ay nananariwa sa alaala  ni June ang kinalakhan niyang agahang  tsokolate at fresh milk na kapares ng mainit na kanin at tuyo.  Ito ang nagsisilbing inspirasyon sa patuloy na hakbangin ni June sa pagtatayo ng sariling pagawaan ng gatas.

Dati ay nakakaubos na siya ng 20 hanggang 30 bote ng gatas sa mga estudyante. Nguni’t dahil sa pandemya, nasuspende ang face-to-face classes dahilan upang humina ang kanilang benta.

“Lesson learned: Huwag ituon ang pagbebenta sa iisang target market lang. Noong nagsimula ang lockdown, naipon ang mga ani naming gatas. Kaysa mapanis at masira lamang ay minarapat naming ibahagi ito sa mga frontliners, mga ampunan at home for special children upang mapakinabangan,” ani June.

Sa pamamagitan ng e-commerce, naipasok niya ang kaniyang mga produkto sa online selling at ito aniya ang naging big break para sa produktong Adeline’s.

“Our biggest sales were during the height of the lockdown. Naging malaking tulong  ang kalidad ng gatas na aming binebenta sa merkado. Ito ay dahil sa maingat naming pagsunod sa tamang milk handling mula sa farm hanggang sa aming pansamantalang processing facility hanggang sa makarating ito sa mamimili. Sinisigurado rin namin ang pagsunod sa tamang pagpoproseso ng gatas at magandang packaging,” ani June.

Labis na nagkulang ang sariling produksyon ng gatas ng Adeline’s Dairy Farm dahil sa peak demand.  Para mabigyan lahat ng customer, naghanap si June ng mga dairy farmer partners.  Dito niya nakilala ang mga batikan sa pagkakalabaw na sina Richard Reyes ng Pampanga at Lodivico Guieb ng Nueva Ecija na noon ay naharap din sa pagsubok sa hirap ng pagbebenta ng gatas noong kasagsagan ng pandemya.

Pumatok ang produkto ni June kung kaya’t naisipan niyang magdagdag pa ng gatasang kalabaw. Karagdagang 16 na purebred murrah buffalo ang binili ng Adeline’s Dairy Farm upang matugunan sana ang demand sa merkado. Nakabili siya ng mga kalabaw galing sa isang farm sa Zambales. Karamihan sa mga kalabaw ay buntis subali’t dahil sa pandemya, hindi gaanong natustusan ng tamang pakain kaya naman ang ilan ay nagkasakit pagkapanganak nila.

Bagama’t naharap siya sa pagsubok ng pagkakasakit ng mga kalabaw, kalaunan ay naging kaantabay ni June sina Dr. Marvin Villanueva at Erwin Encarnacion ng DA-PCC sa tamang pangangalaga ng gatasang kalabaw at rehabilitasyon ng kalusugan ng kanilang mga alagang nakuha mula sa Zambales. Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ni June sa Carabao Based Enterprise Development (CBED) at iba pang departamento ng DA-PCC para sa tuloy-tuloy na gabay sa genetic improvement, herd management, product development, at quality improvement upang mapalawig ang kanilang Dairy Farm business.

“Mas marami pa sanang farmers na maengganyo na sumubok sa dairy farming. Mas maganda ngayon dahil ito rin ang isinusulong na proyekto ng butihing Mayor Cristy, katuwang ng Tarlac City Veterinary Office.  Malaking bagay ang mas pagiging accessible ng mga impormasyon ngayon lalo na mula noong inilunsad ng DA-PCC ang kanilang webinar series na Cara-Aralan,” pagganyak ni June.

Mga katuwang sa gawain

Isa din sa dahilan kung bakit naitatag ang Adeline’s dairy Farm ay ang hangaring makapagbigay ng regular na hanapbuhay sa mga taga Tarlac. Si Rodolfo o “Kuya Rod”, ang farm manager ng Adeline’s Dairy Farm ay dating nagtatrabaho sa isang security agency sa Maynila.

Bata pa lang si Kuya Rod ay pangarap na niya ang pagsasaka. Ayon dito, bakit pa siya magtatrabaho sa Maynila kung meron namang pagkakakitaan na maganda sa malapit.

“Noong nasa Maynila pa si Kuya Rod, hindi maayos ang kaniyang kalusugan.  Pero nang malipat siya rito sa farm, mas bumuti ang kaniyang kalagayan dahil ito ang gusto nya talagang gawin sa buhay. Dagdag pa dito ang pagkakataon na nakakasama niya ang kaniyang pamilya ng madalas,” saad ni June. 

Samantala, ang kanilang milker na si Ruben ay dating arawang manggagawa. Dahil hindi sigurado ang kita at trabaho, mas pinili nito ang maging permanente na sa trabaho sa Adeline’s Dairy Farm.  Ani Ruben, malaking tulong ito sa kaniyang binubuong pamilya na nakatira lang malapit sa farm.

Kasama ang tatlo pang mga manggagawa, sina Kuya Rod ang tagapangalaga ng mga kalabaw sa Adeline’s Dairy Farm—simula sa pagpapakain, paggagatas at pagpapanatili ng kalinisan sa farm.

Ayon kay June, kasama nila ang mga manggagawa sa pagbuo ng pangarap sa farm. Maliban sa mga pansariling hangarin na kumita, nais din ng Adeline’s Dairy Farm na mapabuti ang pamumuhay ng mga kasama sa bukid. Ito ang paraan niya ng pagpapasalamat para sa maayos na pag-aalaga ng mga ito sa kanilang mga kalabaw. 

Sa kasalukuyan, 43 na kalabaw ang pag-aari ng Adeline’s Dairy Farm, isa na rito ang junior bull na galing sa DA-PCC sa ilalim ng Bull Entrustment Program.  May mga 19 na bulo nang naipanganak  at ang iba ay naipamahagi na din sa mga kalapit bayan sa  Tarlac. Sa kasalukuyan, walong kalabaw ang ginagatasan nila na nagbibigay ng 40 hanggang 50 litrong gatas kada araw.

Ang kanilang mga produktong tulad ng Adeline’s Chocomilk, Pasteurized milk ay mga best-sellers na sa mga customers. Nakapag lunsad na din ng mga karagdagan produkto katulad ng Kesong -Puti (White Creamy Cheese) at Yoghurt. Kasalukuyang naipagbibili ang mga ito sa Tarlac, Laguna, Metro Manila, Zambales, at ilang lugar sa Mindanao.

Ani June, mahalaga ang pagiging mas sensitibo at metikuloso ng isang babae sa larangan ng pagkakalabaw. Likas din sa mga kababaihan, aniya, ang pagmumulti-task at paggawa ng mga bagay-bagay mula sa puso.

“Mahal ko at nasisiyahan ako sa bawa’t papel na ginagampanan ko sa buhay. Bilang isang Inhenyero, Ina, Magsasaka, Product Development, Sales Person at iba pa, hindi mahirap iyon..  At dahil sa walang maliw na pagsuporta at inspirasyon na ibinibigay ng aking pamilya, handa akong yakapin ang mas malalaki pang mga responsibilidad at hamon ng buhay sa hinaharap,” inspiradong sabi niya.

Author

0 Response