Mahahalagang ugnayan ng DA-PCC sa iba’t ibang mga institusyon, tampok sa 7th NCC

 

DA-PCC-NHQGP—Itinampok sa katatapos na 7th National Carabao Conference (NCC) noong Oktubre 25 hanggang 29 ang mga nabuong makabuluhang ugnayan ng DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC) sa mga katuwang nitong local government units (LGUs) at mga pribadong institusyon sa negosyong gatasang kalabaw.

Nagkaroon ng mga talakayan kasama ang mga representatives mula sa lokal na pamahalaan, kabalikat na ahensya, entrepreneurs at mga magsasaka sa pamamagitan ng online streaming at limitadong face to face interactions.

Mababalikan ang mga talakayan at iba pang aktibidad sa official Facebook page ng DA-PCC at naging media partner nito na Tulong Balita Online.

Binigyang-linaw naman nina DA-PCC OIC Executive Director Dr. Ronnie Domingo, DA-PCC Deputy Executive Director for Administration and Finance Dr. Caro Salces, at DA-PCC Deputy Executive Director for Production and Research Dr. Claro Mingala ang mga katanungan ng mga katuwang na magsasaka, kooperatiba at entrepreneurs tungkol sa mga programa at iba pang aspeto ng pagkakalabawan sa Roundtable Discussion. 

Naging sentro rin ng pagdiriwang ang pagkilala sa mga 2020 Outstanding Dairy Farmers, Cooperatives, Village-based AI Technicians (VBAITs), at Dairy Buffaloes. Makikita ang buong hanay at kanilang profile sa pahina 6.

Binuksan ang isang linggong pagdiriwang ng NCC ng isang techno exhibit na bahagi naman ng Kadiwa ni Ani at Kita. Dito tinipon ang mga produkto ng mga katuwang na magsasaka at negosyante ng DA-PCC para ibenta sa mas abot-kayang halaga. Ito ay bilang suporta sa pangunahing adhikain ng DA na magkaroon ng masaganang ani at mataas na kita ang mga magsasaka at mangingisda.

Pinangunahan ni Science City of Muñoz administrator Dr. Raul Divina, Dr. Domingo, Dr. Salces at 7th NCC overall chairperson Dr. Peregrino Duran ang ribbon cutting para sa pagbubukas ng nasabing aktibidad.

Nagkaroon din ng demo para sa paggamit ng baler machine si Dr. Cyril Baltazar, Farm Superintendent II ng DA-PCC Gene Pool.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni DA Secretary William Dar na patuloy ang mga hakbang para mas mapalakas at mapagbuti pa ang industriya ng pagkakalabawan katulad ng herd build-up, pagpapataas ng kakayahan sa pagnenegosyo ng mga carepreneurs, pagtiyak sa produksyon ng ligtas at de-kalidad na gatas at mga produktong karne, at pagbuo o pagpapaunlad pa ng niche market para sa mga produktong galing sa gatas at karne ng kalabaw.

“Para makamit natin ito, kailangan natin ng modernisasyon sa mga pasilidad para sa pagpoprodyus at pagpoproseso ng gatas, pagpapababa ng gastos para sa pakain, pagpapalakas ng research for development, at pagpapatibay ng makabuluhang ugnayan sa mga LGUs,” ani Secretary Dar.

Muli namang ipinaalala ni Senator Cynthia Villar, ang chairperson ng Senate committee for Agriculture, Food, and Agrarian Reform ang kahalagahan ng gatas ng kalabaw sa pagpapababa ng kaso ng undernourished children at bilang karagdagang kabuhayan para sa mga lokal na magsasaka at negosyante.

Binigyang-diin naman ni DA-PCC OIC Executive Director Dr. Ronnie Domingo ang kahalagahan ng competitiveness sa industriya ng kalakalan. Hinamon niya ang ahensya na pakinabangan ang niche market kung saan target ng ahensya ang mga partikular na konsyumer at market segment para sa mga produktong galing sa gatas at karne ng kalabaw.   

Ibinahagi naman ni DA-Assistant Secretary-Designate for Regulations Dr. Liza Battad ang kalagayan ng industriya ng pagkakalabawan.

Kasama sa mga aktibidad ang paglulunsad ng bagong DA-PCC music video na sinulat at inawit ni Center Director Ariel Abaquita ng DA-PCC sa La Carlota Stock Farm.

Samantala, tampok naman sa closing ceremonies ng NCC ang paglulunsad ng isang testimonial video tungkol sa proyektong Carabao-based Business Improvement Network o mas kilalang ALAB Karbawan na pinondohan ng opisina ni Sen. Villar.

Isang simpleng seremonyal na paggawad ng loan din ang ginawa sa programa ng New Rural Bank of San Leonardo, Nueva Ecija Inc. sa mga piling dairy cooperatives bilang bahagi ng DA-Agricultural Credit Policy Council (ACPC) Agri-Negosyo (ANYO) Loan program. Nagkakahalaga ang pautang ng P4,617,000 na gagamitin sa negosyong pagkakalabawan.

Inilunsad din sa selebrasyon ang  Gawad Livestock and Poultry Award na pinangunahan ni DA Undescretary for Livestock Dr. William Medrano.

Nagkaroon din ng pagtitipon kasama ang mga media partners ng DA-PCC sa Nueva Ecija sa isang Knowledge Café kung saan nakapagtanong ang mga media representatives sa mga pangunahing ahensyang namamahala sa agrikultura at sa ilang mga farmer awardees tungkol sa mga napapanahong isyu sa industriya ng pagkakalabawan.

Author

0 Response