Pangalawang Dairy Box sa SOX binuksan

 

DA-PCC sa USM—“Sure market na ito. Ibig sabihin sure na rin ang kita para sa aming mga maggagatas!”

Ito ang masayang bungad ni Norberto Gula, pangulo ng Canahay Dairy Farmers Association (CADAFA) matapos ang turnover ceremonies ng bagong tayong Dairy Box na ginanap sa Surallah, South Cotabato noong nakaraang October 18.   

“Bilang lider ng Highland Agricultural Credit Cooperative (HACC), lubos ang aming pasasalamat sa biyayang dulot ng pagsuong namin sa negosyong salig sa gatasang kalabaw. Hindi namin ito makakamit lahat kung wala ang tulong mula sa DA-PCC, LGU, at iba’t ibang ahensya ng gobyerno na siyang naglulunsad ng proyektong ito,” ani HACC Chairman Merlinda Go.

Sa mensahe naman ni DA-Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao (DA-PCC sa USM) center director Benjamin John C. Basilio, sinabi niyang magandang oportunidad ito para sa mga maggagatas sa SoCot.

“Ngayong naiturn over na natin ang pasilidad na ito, mas mabilis nang gugulong ang kumpletong dairy value chain sa probinsya. Isa itong malaking oportunidad para sa mga carapreneurs sa mga bayan ng Banga, Lake Sebu, Sto. Niño, Surallah, at T’boli dahil sila ang magsisilbing milk producing municipalities ng naitayong Dairy Box,” ani Director Basilio.

Hinamon naman ni DA-PCC OIC executive director Dr. Ronnie Domingo ang mga maggagatas na pagbutihin ang pag-aalaga ng kalabaw upang magtuluy-tuloy ang pag-agos ng gatas at mahitik sa de-kalidad na produktong gawa rito ang mga bayan sa SoCot.

Labis naman ang pasasalamat ni Surallah Mayor Antonio Bendita sa DA-PCC dahil natupad na ang pangarap nilang magkaroon ng sariling Dairy Box sa kanilang bayan na itinuturing na agro-industrial center ng probinsya.

“Tiyak na magagamit ang processing at marketing outlet na ito ng mga maggagatas dahil may captured market na tayo. Nariyan na rin ang milk feeding program na isinasagawa ng Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD). Hitting two birds with one stone kumbaga, masosolusyunan na ang malnutrisyon sa bayan samantalang may dagdag na kita naman ang ating mga magsasaka,” ani Mayor Bendita.

Ang kauna-unahang Dairy Box sa South Cotabato o pangalawa sa buong Region XII o SOCCSKSARGEN (SOX) ay pangangasiwaan ng Municipal Economic Enterprise ng Surallah ayon sa napagkasunduan ng LGU-Surallah at ng Highland Agricultural Credit Cooperative (HACC) ng Lake Sebu, South Cotabato. Matatandaan na ang HACC ang kooperatibang nakatanggap ng 50 na mestisang gatasang kalabaw sa ilalim pa rin ng proyektong ALAB-Karbawan.

Ang naitayong Dairy Box ay bahagi ng PHP10 million ALAB-Karbawan project sa South Cotabato na pinondohan ng Office of Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform sa pamumuno ni Sen. Cynthia Villar.

Dumalo at nagpahayag din ng suporta sa programa sina DA-XII regional director Arlan Mangelen, ATI-XII director Abdul Daya-an, Task Force Gatas Ret. Col. Celestino Desamito, kinatawan mula sa opisina ni Sen. Villar na si Mr. Arthur Go, at iba pang mga katuwang na opisina para sa matagumpay na paglulunsad ng naturang proyekto.

Author

0 Response