Dairy Box Daluyan ng Pagpapala sa Compostela

 

Labing-dalawang Dairy Box na ang naitayo sa iba’t ibang panig ng bansa at sa bawa’t isang binuksan ay siya namang pagpasok ng maraming oportunidad para sa mga magsasakang mamamahala rito. Ilan lamang sa mga oportunidad na dadaloy kasabay ng pagbuhos ng gatas sa mga lugar na ito ang pagsasapamilihan ng aning gatas at mga produktong gawa rito.

Inaasahang patuloy na yayabong ang industriya ng pagkakalabawan at maiaangat ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Compostela, Cebu kung saan itinayo ang Dairy Box sa ilalim ng pamamahala ng Compostela Market Vendors Multi-Purpose Cooperative (COMAVEMCO).

Ang Dairy Box, isang one-stop-shop para sa mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw na nagmula sa konsepto ng Business Development and Commercialization Unit (BDCU) ng DA-PCC, ay isang imprastraktura na naglalayong masuportahan ang mga negosyanteng magkakalabaw na mapataas ang kanilang kita at makapaghandog sa publiko ng mga masustansyang produktong gawa sa gatas ng kalabaw.

Minsan nang ibinahagi ni dating DA-PCC Executive Director Dr. Arnel Del Barrio ang dahilan sa likod ng pagkakatatag ng kauna-unahang Dairy Box sa bansa noong 2015, na matatagpuan sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija. Aniya, naging tugon ito sa resulta ng isinagawang Value Chain Analysis na nagsasabing isa sa mga rason kung bakit hindi lumalawak ang programa sa kalabawan ay dahil sa kakulangan sa merkado ng aning gatas.

Dairy Box ng COMAVEMCO

Noong Agosto 12, 2018, naitatag ang Dairy Box sa Brgy. Poblacion, Compostela, sa pakikipagtulungan ng DA-PCC sa Ubay Stock Farm, na naging hudyat para magkaroon ng siguradong mapagkakakitaan ang mga maggagatas sa nasabing bayan.

Para sa Dairy Box ng COMAVEMCO, “bestseller” at “specialty” nito ang produktong natatangi at tanyag lamang sa kanilang lugar—ang Queseo, na ang pangunahing sangkap ay gatas ng kalabaw.

Ang paggawa ng queseo ay naging bahagi na ng kultura at kasaysayan sa bayan ng Compostela dahil sa tiyak na ganansyang hatid sa kabuhayan ng mga residente rito kaya naman isa ito sa mga produktong ipinagmamalaki ng COMAVEMCO Dairy Box.

Maliban sa “Queseo Festival” na ipinagdiriwang tuwing Hulyo kasabay ng selebrasyon ng pista ng bayan, ang produkto ring ito ang napili ng bayan para sa konseptong one-town-one product (OTOP) ng panlalawigang pamahalaan.

Ang queseo ay kesong puti na gawa sa gatas ng kalabaw. Ito ay karaniwang nakabalot sa dahon ng saging, na mas naging espesyal dahil dama ang pagiging “native” nito.

Nasa 1,500 piraso (na may timbang na 50 gramo kada isa) ang pinakamaraming nabebentang queseo ng Dairy Box sa isang araw. Karaniwang umoorder nito ang mga negosyanteng may-ari ng mga hotels, restaurants, coffee shops, at beach resorts noong wala pang pandemya.

Maliban sa queseo, kabilang din sa mga mabibili sa Dairy Box ang iba’t ibang flavors ng inuming gatas, pastillas, pastries, at ice cream, na ipinoproseso ng mga miyembro ng COMAVEMCO.

“Siguradong de-kalidad at locally produced ang mga produktong inooffer namin dito sa Dairy Box,” ani Ebonito Alivio, general manager ng COMAVEMCO.

COMAVEMCO ang nagpatayo ng building para sa Dairy Box habang patuloy naman ang ginagawang pag-asiste at pagsuporta ng DA-PCC sa USF pagdating sa marketing collaterals, branding, pagsasanay, tulong teknikal, at probisyon ng ilang mga kagamitan sa pagpoproseso.

Ani Alivio, may ilang mga NGO at ahensya ng gobyerno rin ang nagpaabot ng tulong sa kanila kagaya ng Department of Trade and Industry at Department of Science and Technology.

“Malaking tulong talaga itong pagbubukas ng Dairy Box kasi hindi lang natin naipakikilala ‘yong mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw bagkus ay nakatutulong pa tayo sa mga miyembro na magkaroon ng adisyunal na kita para masuportahan nila ang kanilang mga pamilya,” dagdag niya.

Plano ng COMAVEMCO sa hinaharap na makapagpatayo ng mas maayos na processing facility at makalikha ng mga karagdagang produktong mula sa gatas ng kalabaw. Patuloy din ang pakikiisa ng kooperatiba sa adhikain ng pamahalaan na mas mapaigting pa ang industriya ng paggagatasan hindi lamang sa Visayas kundi maging sa buong Pilipinas.

Author

0 Response