Pagsasanay sa mga susunod na henerasyon ng carapreneurs

 

DA-PCC NHQGP—Nagkaroon ng pagsasanay para sa mga susunod na henerasyon ng carapreneurs pa-ra sa kahalagahan ng pagkakalabawan sa food security at sustainability noong Nobyembre 11-12, 15-16 at 25-26 sa Milka Krem Hall, Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

Ang learning event na pinamagatang “Dairy Buffalo Farming for Food Security and Sustainability” ay dinaluhan ng 45 kabataan (15-30 taong gulang) ang bawat batch. Sila ay pawang anak ng mga dairy farmers na miyembro ng mga dairy cooperatives.

Layunin ng aktibidad na impluwensyahan ang mga kabataan at ipakilala ang mahalagang papel nila sa pagsusulong ng kinabukasan ng industriya ng pagkakalabawan kaakibat ng kanilang responsibilidad bilang mga susunod na lider ng kanilang mga kooperatiba.

Pinasimulan ito ng DA-Philippine Carabao Center (PCC) Socio-Economics and Policy Section (SEPS) sa pangunguna ni Estella Valiente.

Ani Valiente, batay sa mga pag-aaral ang mga matatandang magsasaka ay hindi na hinihikayat ang kanilang mga anak na makipagsapalaran sa mga gawaing pang-agrikultura. Dahil dito, hindi na nila naipapasa o naituturo ang mga tradisyunal na pamamaraan ng pagsasaka sa mga nakababatang henerasyon na sanhi ng pagbaba ng interes ng mga kabataan na makisali sa mga gawaing pang-agrikultura.

Ayon din kay Palis (2020), 65 porsiyento ng mga Pilipinong magsasaka ay ninanais na ang kanilang mga anak ay makapagtapos ng kolehiyo at magtrabaho sa mga lungsod o sa ibang bansa kaysa maging magsasaka.

Nabanggit din sa datos ng PSA (2019) na tumatanda na at nasa 57 taong gulang ang average age ng mga magsasaka sa Pilipinas.

Kaya naman nais ng aktibidad na mahimok ang mga kabataan na magkaroon ng kaalaman sa dairy farming sa murang edad upang mahubog ang kanilang interes na tumulong sa mga lokal na magsasaka at sa kanilang komunidad.

Ang mga kalahok ay nakakuha ng personal na inspirasyon mula sa mga kabataang tulad nila na nakipagsapalaran sa pagkakalabawan.

"Ang mga kabataan hindi masyadong nakafocus sa pagkakalabaw. After makapag-aral ang iniisip ay makapagtrabaho para magkapera. Pwede naman po yun pero at the same time mag-invest po tayo. Sa pagkakalabaw maaaring gawin mo ito hanggang pagtanda at kaya mo pa dahil hawak mo ang oras mo," pagganyak ni Miccaela Alfonso, 26, proprietor ng Alfonso Dairy Farm sa San Jose City, Nueva Ecija.

Si Alfonso ay isa sa mga tagapagsalita na nagbigay ng kanyang mga karanasan sa integrated farming. Ibinahagi niya na sa dairy farming ay lumago siya bilang isang indibidwal kasabay ng patuloy niyang pamamahala ng kanilang negosyo. Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng pagkakalabaw ay nakatulong sila sa mga walang trabaho sa kanilang komunidad at sa pagtangkilik sa mga lokal na produkto ng mga magsasaka.

Ibinahagi naman ni Patrick Pascual, Artificial Insemination (AI) technician mula sa Sto. Domingo, ang kanyang mga karanasan sa pagiging technician at kung paano nito nasustentuhan ang kanyang pang araw-araw na pangangailangan. Kabilang sa mga paksang tinalakay ay ang pagpapakilala sa buffalo milk- and meat-based enterprises, basic business management, cooperativism and leadership, spiritual and values orientation, at business planning.

Author

0 Response