Balikatang DTI, DA-PCC para sa kooperatiba ng magkakalabaw sa Sto. Domingo

 

Nagpamahagi ng mga makabagong kagamitan ang Department of Trade and Industry (DTI), katuwang ang DA-Philippine Carabao Center at LGU-Sto. Domingo, sa Pulong Buli Multi-Purpose Cooperative bilang bahagi ng programa nitong Shared Service Facility (SSF).

Ang SSF ng DTI ay naglalayong maiangat ang antas ng ekonomiya sa kanayunan at maisulong ang mga small and medium entrepreneurs (SME).

Kabilang sa mga kasangkapang ipinagkaloob ay pasteurizer, filling machine, hot water tank, at freezers. Sa pamamagitan ng mga ito, inaasahang matutulungan ang kooperatiba na maiangat ang produksyon ng mga produkto nito nang sa gayon ay mapaghandaan ang demand sa gatas para sa National Milk Feeding Program ng Department of Education at Department of Social Welfare and Development.

Ayon kay Pulong Buli MPC Chairperson Primo Natividad, malaking hamon para sa kooperatiba ang tiwalang ibinigay sakanila ng DTI sa pamamahala ng mga nasabing processing facilities nguni’t nananatili silang positibo na magagampanan nila ang responsibilidad na nakaatang sa programang ito sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga miyembro ng kanilang kooperatiba.

Lubos din ang kanilang pasasalamat sa DTI, LGU-Sto. Domingo, at DA-PCC sa patuloy na pagsuporta ng mga ito sa kanilang kooperatiba.

Dumalo sa aktibidad sina DTI OIC-Division Chief of Business Development Division Maria Odessa Manzano, Municipal Mayor Hon. Imee De Guzman, Municipal Agriculturist Emely Flores, at DA-PCC OIC Executive Director Dr. Ronnie D. Domingo.

Ang nasabing aktibidad ay angkop din sa programa ng Department of Agriculture, sa pangunguna ni Secretary Dr. William D. Dar, na Masaganang Ani at Mataas na Kita ng mga magsasaka.

Author

0 Response