Dairy Box sa Pandan, Antique binuksan na

 

Pormal nang binuksan at binasbasan ang dairy processing and marketing outlet sa Pandan, Antique na pamamahalaan ng Pandan Multi-Purpose Cooperative (MPC), isa sa mga kooperatibang inaasistehan ng DA-PCC sa West Visayas State University (DA-PCC sa WVSU).

Kabilang ang Pandan MPC sa mga nabigyan ng paiwing gatasang kalabaw sa ilalim ng Carabao-based Business Improvement Network (CBIN) project na pinondohan ng opisina ni Sen. Cynthia Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform.

Ang kooperatiba ay nabiyayaan din ng pondo mula sa opisina ni Cong. Loren Legarda at Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pagpapatayo ng milk processing, bakery, at Dairybox o "Cara Dairy Hub" kung tawagin ng nasabing kooperatiba.

Binuksan ang nasabing pasilidad sa ginanap na aktibidad noong Disyembre 15 sa pangunguna nina Antique Governor Hon. Rhodora Cadiao, Pandan Municipal Mayor Hon. Plaridel Sanchez, Regino Lina ng SIPAG Villar Foundation, DA-PCC sa WVSU Dir. Arn Granada, Estella Valiente at Paul Andrew Texon ng DA-PCC National Headquarters, Pandan MPC Chairperson Celso Tajanlangit at Gen. Manager Dedaci Nepomuceno.

Dinaluhan din ito ng mga miyembro ng Pandan MPC at mga piling kawani ng LGU,  PCC at WVSU,  Office of the Provincial Veterinarian, Land Bank, DOLE, at DA AMAD. Nagkaloob din ng isang H300 ang DA AMAD upang magamit sa koleksyon at delivery ng aning gatas ng kooperatiba.

Ayon kay Ms. Janice Cuaresma, CBED Coordinator ng DA-PCC sa WVSU, humigit kumulang 2.5 milyon na ang naibigay na tulong para mabuo ang nasabing pasilidad. Dagdag niya, malaking tulong ang Cara Dairy Hub upang mapalakas at mapalawak ang negosyong salig sa gatasang kalabaw sa bayan ng Pandan.

Nagbigay din ng kani-kanilang mensahe ang mga panauhing pandangal.

"Ngayon ay na kay Pandan MPC na ang bola (negosyong salig sa gatasang kalabaw), kahit na kaunti pa lang po ang naggagatas ng kalabaw dito sa Pandan ay nararamdaman na nila na mayroon talagang kita sa paggagatas. Iyon po ang importante at masasabi kong tagumpay natin sa ngayon," ani Texon.

Ibinahagi naman ni Valiente na sa negosyong gatasang kalabaw ay importanteng sangkap ang sipag, tiyaga, at tamang kaalaman. Bilang halimbawa ay ikinwento rin niya ang matagumpay na lakbayin sa pagkakalabawan ng Mercader Dairy Farm sa San Jose City Nueva Ecija, na naging tampok pa kamakailan sa isang episode ng TV series na iWitness.

Si Gov. Cadiao ay nag-iwan naman ng mga katagang: "Hindi namin akalain na ang simpleng kalabaw, if we take care of it, it will change the life of a farmer."

Gayundin ay nagbigay ng maikling mensahe at pasasalamat sina Hon. Sanchez, Gen. Mgr. Nepumoceno, at DOLE Representative.

Bilang pangwakas na mensahe ay nangako si DA-PCC sa WVSU Dir. Arn Granada na patuloy na susuportahan ng ahensya ang Pandan MPC at mga bayan na sineserbisyuhan nito.

Author
Author

0 Response