Pagsuong sa pagkakalabawan ng isang AI tech ng Davao De Oro

 

Kabilang ang pamilya ni Mac Johnrey Pasaquian, isang artificial insemination technician mula sa Montevista, Davao De Oro, sa mga nabahagian ng limang kalabaw sa ilalim ng proyektong Carabao-based Business Improvement Network (CBIN).

Ang CBIN ay ang proyektong ipinatutupad ng DA-Philippine Carabao Center na isinusulong at sinusuportahan ng opisina ni Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform Chairperson Sen. Cynthia A. Villar.

Ang pamilya Pasaquian ay miyembro ng Linuan Farmers Integrated Cooperative, na kamakailan lamang ay nagawaran din ng bagong Processing and Marketing Outlet bilang bahagi pa rin ng CBIN.

Sa kasalukuyan, si Mac ay mayroong limang alagang kalabaw, na dalawa rito ay inaasahang manganganak sa Pebrero.

Siya rin ay kabilang sa mga nagtapos sa ginanap na pagsasanay ukol sa Artificial Insemination na inorganisa ng DA-PCC sa University of Southern Mindanao. Si Mac din ang nagsisilbing village-based AI technician ng kanilang kooperatiba.

Ang mga katulad ni Mac ang tinaguriang modelo ng mga kabataang magkakalabaw na magpapatunay na mayroong magandang kinabukasan sa pagkakalabawan. Ito rin ay angkop at kabilang sa OneDA reform agenda na “youth engagement” na isinusulong ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pangunguna ni Secretary William D. Dar upang hikayatin ang mga kabataan sa pag-aagrikultura.

Author

0 Response