#SaKalabawanMayForever Kwentong pag-ibig at kabuhayan

 

DA-PCC NHQGP-Upang hikayatin ang publiko na tangkilikin ang mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw, nagsagawa ng special webinar episode ang DA-PCC, sa pangunguna ng Knowledge Management Division (KMD), na pinamagatang "Dairy Febibig: All for the love of dairy products" noong Pebrero 14.

Tampok sa webinar ang panayam sa mag-asawang Erlinda at Samuel Mercader ng San Jose City, Nueva Ecija, kung saan nagbahagi sila ng kanilang karanasan sa pagkakalabawan noong nagsisimula pa lang silang mag-asawa hanggang sa nag simula na silang bumuo ng pamilya at kung paanong pinatatag nito ang kanilang samahan.

Sa panayam, ibinahagi ni Erlinda na hindi naging madali para kay Samuel ang tutukan ang pagkakalabawan lalo na't mas madalas siyang sumasama sa kanyang mga barkada kaysa alagaan ang kanilang mga kalabaw na noon ay pahiram lamang ng kapwa nila cooperative member.

Hindi sinukuan ni Erlinda si Samuel at kanyang ibinahagi na sila rin ay dumaan sa matinding pagtatalo upang makumbinsi si Samuel na tutukan ang kabuhayan.

Pag-amin pa ni Samuel, nagawa niyang itigil ang kanyang bisyo ng paninigarilyo at pag-inom ng alak upang matutukan at mapagbuti ang kanilang negosyo.

Isinaalang-alang niya ang kalusugan ng kanilang mga kalabaw at kalinisan ng mga gatas at iba pang produkto ng kanilang dairy farm.

Pagpapatuloy ni Samuel, sa kasalukuyan ay malaking bahagi na ng pang araw-araw na buhay nilang mag-anak ang pangangasiwa sa kanilang farm.

"Sa katunayan nga po, nagiging libangan po namin ang pagaalaga ng kalabaw dahil family bonding po namin 'yon. Kaming mga babae sa pamilya ang tagapagpakain at silang mag-aama ang taga kuha ng ipapakain sa mga kalabaw namin," ani ni Erlinda.

Ipinagmalaki rin ni Samuel ang kanyang anak na sumailalim pa sa training ng DA-PCC upang maging isang artifi cial insemination (AI) technician at makatulong upang makabawas sa gastusin ng kanilang negosyong kalabawan.

"Napakalaking pagbabago ang naidulot ng pagkakalabaw sa amin. Noon, mahirap magbudget kasi napakaliit ng aming income pero ngayon, sa pagkakalabaw kapag sumweldo kami, talagang napapangiti kami sa laki ng aming kinikita. Napagbigyan ko ang hiling ng aking mga anak na mag sarisariling kwarto sila, at kung may gusto silang kainin ay naibibigay namin sa kanila," pagmamalaki ni Erlinda.

Pabiro namang ikinwento ni Samuel na noong nagsisimula pa lamang sila ay isang bigkis ng bulaklak ng kalabasa lang ang naiaabot niya kay Erlinda tuwing araw ng mga puso nguni't nang dahil sa pagsusumikap sa pagkakalabawan, rosas na may kasamang pera na ang natatanggap ni Erlinda mula sa kanya.

Kitang-kita sa kanilang pagbibiruan ang kaginhawaang naidulot ng pagkakalabaw sa mag-asawa at sa kanilang pamilya dahil higit pa sa pangangailangan ng kanilang pamilya ang naibibigay ng negosyong pagkakalabawan.

Umaasa ang mag-asawa na gaya nila ay marami rin ang sumubok at mapa ibig sa negosyong kalabawan. Tampok din sa nasabing webinar ang paggawa ng charcuterie board gamit ang karne ng kalabaw at iba't ibang klase ng keso mula sa gatas ng kalabaw. Samantalang mga oportunidad naman sa pagiging Milka Krem distributor ang inihatid ni Jeraldin Torres na store manager ng Milka Krem. Nagkaroon din ng live tour sa mga sari-saring booths ng Kadiwa ni Ani at Kita sa Milka Krem compound.

Nagsagawa rin ng photo contest ang KMD na may temang "Express your dairy Feb-ibig in a snap" sa pamamagitan ng pagpost sa Facebook kung saan ipinamalas ng tatlong kalahok ang kanilang pagiging malikhain at pagtangkilik sa mga produktong mula sa gatas ng kalabaw.

Author

0 Response