Sec. Dar, pinuri ang malaking kontribusyon ng DA-PCC sa industriya ng paghahayupan

 

DA-PCC NHQGP-Patuloy na pananaliksik para sa mga teknolohiya at kasanayang praktikal, solidong pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor kabilang na ang sa pribado, at pagpapaangat sa ani at kita ng mga magsasaka—ito, ayon kay Department of Agriculture Secretary William Dar, ang buod ng makabuluhang kontribusyon ng DA-PCC sa industriya ng paghahayupan sa bansa.

Sa kanyang talumpati bilang panauhing pandangal sa pagdiriwang ng ika-29 anibersaryo ng ahensya noong Marso 21-25 sa PCC National Headquarters at Gene Pool sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija, pinuri ng kalihim ang ahensya sa pagpapakita ng katapangan at katatagan sa gitna ng pandemya na ipinamalas sa mga milestones o mga tampok na tagumpay nito nang nagdaang taon.

Sa temang, “Achieving Milestones through Grit and Resiliency,” sampung carabao development milestones ang ipinagdiwang ng ahensya, kabilang ang mga sumusunod: pagpapalawak ng value-chain sa pamamagitan ng Carabao-based Business Improvement Network (CBIN) at ng Coconut-Carabao Development Project (CCDP); partisipasyon ng mga magsasaka-magkakalabaw sa national milk feeding program; komersyalisasyon ng Karabun technology at Dairy Box business modality; pagpaparehistro sa mga intellectual properties sa IPO Philippines para sa Dairy Box, Kardeli, at Nyogurt; pagdebelop ng KBGAN iHealth at KBGAN iFeed mobile apps; pag-update ng Dairy Buffalo Production Handbook; pagkamit ng GAHP certification ng DA-PCC sa CSU; appointment sa DA-PCC bilang National Livestock Cryobank; at pagmintina sa ISO certification.

Hinamon din ni Dar ang ahensya na gamitin ang karanasan nito sa loob ng 29 taon sa pagpapataas pa ng produksyon ng gatas at karne ng kalabaw gayundin ang agresibong pagsasagawa ng pananaliksik at pagpapaunlad ng mga produktong mula rito.

Aniya, “think big, aim higher,” at pagtuunan ang aplikasyon ng mga teknolohiya para sa pagpapaangat ng kabuhayan ng mga magsasaka gayundin ang mga pamumuhunan ng pribadong sektor. Ang mga ito, aniya, ay magpapalakas ng produksyon ng gatas sa bansa.

Tiniyak naman ni Dr. Ronnie Domingo, OIC Executive Director ng DA-PCC, na patuloy na palalakasin ng ahensya ang pagpapatupad ng Carabao Industry Roadmap para sa 2020-2025, ang patuloy na pagsuporta nito sa  pagpapatupad ng school-based milk feeding program, at ang operasyon ng CBIN at CCDP.

Nagpadala naman ng kanyang mainit na pagbati si Senator Cynthia Villar, Chair ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform. Pinuri niya ang ahensya sa patuloy na pagsasakatuparan nito ng kanyang mandato sa kabila ng maraming hamon dulot ng pandemya at ipinaabot dito ang kanyang patuloy na suporta.

Isang linggong aktibidad ang idinaos sa ika-29 na anibersaryo ng DA-PCC. Kabilang dito ang pagdiriwang ng National Women’s Month, mental health awareness and wellness, paglulunsad ng Knowledge Booth, Karwanan Night, at ang pagkilala sa mga Outstanding Emloyees para sa taong 2021. Sila sina: Benjamin John Basilio, Center Director ng DA-PCC sa USM bilang Outstanding Center Director; Dr. Thelma Saludes, Center Director ng DA-PCC sa UPLB bilang Outstanding Researcher; Dr. Edward Paraguison, Science Research Specialist ng DA-PCC sa CLSU bilang Outstanding Supervisor; Janice Cuaresma, CBED coordinator ng DA-PCC sa WVSU bilang Outstanding Development Officer; at Rolly Ardeño ng DA-PCC sa LCSF bilang Outstanding Support Staff.

Author

0 Response