Knowledge Booth ng DAPCC, inilunsad na sa publiko

 

DA-PCC NHQGP-Handog ng kalulunsad na Knowledge Booth ang iba’t ibang impormasyon at kaalaman tungkol sa pangunahing programa, serbisyo at pinakabagong teknolohiya ng DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC).

Nagmula sa pangunguna at konsepto ng Learning Events Coordination Section ng DA-PCC’s Knowledge Management Division (KMD), ang one-stop information shop na ito ay nagsisilbi ring isang showroom para sa mga produktong gawa sa gatas at karne ng kalabaw at mga teknolohiyang nadebelop ng research and development team ng ahensya.

Naglalaman ang Knowledge Booth ng mga materyales na maaaring i-explore ng mga bisita, gaya na lamang ng 3D infographic miniature na nagdedetalye sa value chain diagram ng gatas at karne ng kalabaw mula produksyon, koleksyon, pagpoproseso, hanggang sa pagpapamilihan ng mga produktong gawa rito. Tampok din dito ang iba’t ibang showcase walls para sa Carabao Development Program ng DAPCC, mga lathalain at iba pang knowledge products nito, at maging ang carabao industry goal at roadmap ng ahensya para sa taong 2022 hanggang 2026.

“Sa patuloy na suporta ng top management, umaasa kami na magkakaroon ng Phase 2 ang project na ito kung saan mas maraming advanced features at interactive materials ang idadagdag namin dito,” pagbabahagi ni KMD Chief Dr. Eric Palacpac sa ginanap na launching ceremony noong Marso 23.

Dumalo rin sa ribbon-cutting ceremony sina DA-PCC OIC Executive Director Dr. Ronnie Domingo, Deputy Executive Director for Administration and Finance Dr. Caro Salces, Deputy Executive Director for Production and Research Dr. Claro Mingala, KMD staff members, at DA-PCC regional center directors.

Author

0 Response