Kwentong Pag-asa at pagbangon Jun 2022 Karbaw Karbaw By Ronaline Canute Ayon sa isang kasabihan, “hindi mahalaga kung ilang beses kang nadapa, ang mahalaga bumabangon ka mula sa iyong pagkadapa.” Kwentong Pag-asa at pagbangon Kaakibat ng buhay ng isang tao ang pagdaanan ang mga karanasan na maaaring magpatibay o magpahina sa kanya. Sa istoryang ito ay matutunghayan ang kwento ng dalawang ama na hindi nagpatinag sa hamon ng buhay at panahon. Pareho nilang pinatunayan na hindi hadlang ang anumang kalamidad at karamdaman sa pagkakaroon ng maginhawang buhay. Sinasalamin ng kanilang kwento ang pag-asa, pagbangon, at pagkamatatag. Pag-asang ‘di mabubuwag “Bahala na si kalabaw.” Ito ang nabitawang salita ni Joselito “Joey” Canlas nang malaman ang gastusin sa chemotherapy sessions ng kanyang maybahay na si Rosalie. Noong Hulyo ng nakaraang taon, nadiagnosed na nasa early stage ng breast cancer ito. Mula sa mahigit 40 na kalabaw ay KWENTONG pag-asa a pagbago 16 ang kanilang naibenta para sa chemotherapy sessions ni Rosalie at para na rin patuloy na matustusan ang pag-aaral ng kanilang anak at mga gastusin sa bahay. “Sa laki ng gastusin para sa pagpapagamot kay misis ay nasagot lahat ‘yon ng aming mga kalabaw. Kahit medyo marami na ang naibenta namin, kumikita pa rin kami sa paggagatas kahit paano.” Sa kabila ng kanyang kundisyon, masaya pa ring ginagampanan ni Rosalie ang pagiging katuwang ng asawang si Joey sa paggagatas at pag-aalaga ng mga kalabaw. “Alas-dos ng madaling araw, gigising na ako para ihanda ang mga gagamitin sa paggagatas saka ko gigisingin si mister at bibigyan ng maligamgam na tubig. Pagkatapos, ipagdadrive ko siya dahil pakakainin niya ang mga inahin. Habang ako naman ay pupunta sa farm at doon ko siya hihintayin habang ihinahanda ko ang mga gamit para pagdating niya ay gagatas na lang siya. Bawa’t magatasan niya ay ako naman ang magsasala. Pagkatapos naming gumatas sa pagbukang-liwayway, babalikan ulit ni mister ‘yong mga inahin samantalang iuuwi ko naman ang nakolektang gatas at itatawag na sa kukuha. Mga dakong alas-nuwebe ay nakauwi na noon si mister, nailipat na sa silungan ang mga alagang kalabaw at naasikaso na rin ang iba pang alaga naming hayop katulad ng kambing,” pagdedetalye ni Rosalie sa araw-araw nilang gawaing magasawa. Taong 2004 nang mapagpasyahan ng mag-asawang Joey at Rosalie na bumalik sa Bacolor, Pampanga. Pinahiraman siya ng kanyang bayaw ng lupang sasakahin na siya nilang naging panimulang kabuhayan na mag-asawa. Nguni’t hindi pa rin ito naging sapat para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan. Dito siya tinulungan ng kanyang mga kapatid na makapagtrabaho sa ibang bansa. “Iyong kinita ko sa Japan ay ginamit naming puhunan para makabili ng mga native na kalabaw,” pagkukwento ni Joey. Dahil sa naranasan niyang kita sa pagkakalabaw, minabuti ni Joey na huwag nang bumalik sa Japan at pagtuunan na lang ang pag-aalaga ng kalabaw. Lalo nilang ikinatuwang magasawa nang malaman ang tungkol sa programa ng DA-PCC na bull entrustment. Kaagad din siyang nabigyan ng pagkakataon na makalahok sa isang training ng DA-PCC tungkol sa proper bull handling at nang mapahiraman na siya ng isang bulugan ay tinawag niya itong “Duterte”. Dahil sa kanyang natatangi at mahusay na pangangasiwa ng kanyang bulugan, kinilala si Joey na isa sa dalawang Outstanding Bull Recipients ng DA-PCC. Isa pang bulugan, na pinangalanan niyang “Patrick” ang naipagkaloob sa kanya bilang gantimpala. Nang dahil sa pagkilala at sa ‘di matatawarang benepisyong dulot ng natagpuang kabuhayan, lalong naging ganado si Joey sa pagkakalabaw at labis siyang nagpapasalamat sa Maykapal sa mga pinto ng pagkakataon na sunudsunod na nagbukas para sa kanilang pamilya. Ang dating umuugoy na kubo ay naging concrete na. Ang dating pinagtitiisan nilang lumang motorsiklo sa pagdedeliver ng gatas ay nadagdagan ng owner-type jeep at isang SUV. “Kada makagatas at makabenta kami, nagpupundar kami kaagad ng mga gamit na makatutulong sa amin sa pagpapalago ng aming negosyo,” ani Joey. Sa katunayan noong 2014, sinimulan nilang itayo ang kanilang dream house. Mismong silang mag-asawa ang nagplano at nagtayo ng kanilang munting palasyo. “‘Yong tinitirhan kasi namin noon ay kubo lang. Kaya ‘pag may malakas na bagyo ay ramdam mo talagang umuugoy siya. ‘Yong kinita namin sa paggagatas ay napunta para sa finishing ng bahay,” dagdag ni Rosalie. “Gusto pa naming paramihin ang mga kalabaw para naman makabili kami ng milking machine. Balak din namin na palakihin pa ang aming bahay at kumuha ng kasama sa farm na tutulong sa pag-aalaga ng mga kalabaw,” ani Joey Nang dahil pa rin sa pagkakalabaw, napag-aaral ng mag-asawa ang kanilang nag-iisang anak na si Angela Marie, 21, sa kursong BS Hospitality Management sa Holy Angel University, sa Angeles, Pampanga. Sa kabila ng mga biyayang kanilang natatanggap ay hindi nakakalimutang pasalamatan ng mag-asawa ang Panginoon. Anang mag-asawa, itinataas nila sa Diyos ang lahat ng papuri dahil sa kanilang nasumpungang mabungang kabuhayan. Nais din nilang ibalik sa kanilang kapwa ang magandang kaloob na ito sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng libreng serbisyo ng bulugang si Patrick. Determinasyong ‘di matitinag Katulad ni Joey, masipag ding katiwala ng bulugang kalabaw si Robert Butlig, 47, taal na taga Ubay, Bohol. Bago mo marating ang kanilang bahay sa Barangay Bulilis ay kapansin-pansin sa daan ang mga nakabagsak na poste ng kuryente at mga sirang kabahayan at imprastraktura. Hindi pa gaanong nakakabangon ang lugar mula sa hagupit ng bagyong Odette noong Disyembre 2021. Mula taong 2013 ay ilang kalamidad na ang dumaan at naminsala sa Bohol. Nauna na rito ang magnitude 7.2 na lindol na sinundan pa ng bagyong Yolanda, ng pandemya at ng katatapos nga na pananalasa ng bagyong Odette. Hindi biro ang pinsalang dulot ng mga nagdaang kalamidad sa kapuluan ng Bohol lalo na sa ekonomiya nito. Sa larangan ng agrikultura, karaniwang ang maliliit na magsasaka ang ‘di maiiwasang dumaing dahil sa lugmok na kabuhayan. Nguni’t iba ang nakapintang liwanag sa mukha ni Robert nang makita kami. Sinalubong niya kami ng ngiti at mainit na pagbati na tila walang pinagdaanang mga unos sa buhay. Nakabibilib din ang sagot niya nang kumustahin ang kalagayan ng kanyang pamilya matapos ang kararaang bagyo: “Mabuti po, napakabuti ng Panginoon at hindi Niya kami pinabayaan.” Sa bandang likod ng kanilang bahay ay nakita naming mapayapang nanginginain ng damo ang mga nangakataling gatasang kalabaw sa ilalim ng puno ng niyog—isang magandang tanawin makalipas ang mapanirang bagyo. Limang taon na ang nakalilipas nang simulan ni Robert na magbuy and sell ng kanyang mga alagang kalabaw. Natutuwa siya at ang kaibigan na kasa-kasamang nagbubungkal ng lupa at nagaalaga dahil nakapagparami sila ng mga kalabaw at tuluy-tuloy pa ang kita nila. Daig pa niya ang nanalo sa lotto nang mapagtapos niya sa kolehiyo ang kanyang dalawang anak na sina Robert Jr., 25, sa kursong AB Political Science at Rowel, 23, sa kursong BS Computer Science. Ang bunsong anak naman na si Randy, 16, ay kasalukuyang nasa Grade 10. Isa sa mga karaniwang perwisyong dulot sa mga Boholanong magkakalabaw tuwing dadaanan ng kalamidad ay ang kawalan o kakaunting kita mula sa gatas. Ganito rin ang sinapit ng pamilya ni Robert matapos ang kararaang bagyo. “Kahit ganoon, hindi kami sumuko. Parte ng buhay ang makaranas ng paghihirap at pagkabigo. Gayundin sa pagkakalabaw kaya kailangan mo lang na magpatuloy, magsumikap, at magtiis,” ani Robert. Dose anyos nang mamulat si Robert sa gawaing pagkakalabaw at pagsasaka. Inspirasyon para sa kanya ang pagsisikhay sa buhay ng ama na noon ay madalas siyang isama sa bukid. Doon siya natutong magpakain at magpaligo ng kanilang mga alagang kalabaw. “Katulad ng aking ama na nagturo sa akin ng buhay sa pagsasaka, gusto ko rin na matutunan ng mga anak ko ang aming kabuhayan. Kaya kahit magkasakit man ako o may biglaang lakad eh hindi ako mangangamba na walang hahalili sa akin para tingnan ang mga kalabaw,” ani Robert. Sa nakaraang 10 taon ay dalawang beses siyang nag-apply sa Bull Entrustment Program ng DA-PCC. Regular din siyang nagsusumite ng kanyang kumpletong records sa DA-PCC sa Ubay Stock Farm sa Bohol. Tinitiyak niyang nadodokumento nang mabuti ang mga bulong ipinapanganak dahil sa pagseserbisyo ng kanyang alagang bulugan. Sinisiguro rin niyang malusog ang kanyang mga alaga at nabibigyan ng mga kinakailangang regular na bakuna, bitamina, at napupurga. Ito naman ang kanyang payo sa lahat ng mga gusto ring mag-alaga ng kalabaw: “Sa pagkakalabaw, dapat hindi mo siya ginagawa lang dahil kikita ka. Gawin mo siyang isang habit at huwag kang mainip. I-enjoy mo lang ang pagaalaga sa kanila. Kasi ang kalabaw parang tao, marunong din silang makaramdam.”
Terms and Conditions Welcome to DA-PCC Knowledge Portal (K-Portal)! Thank you for visiting k-portal.pcc.gov.ph website. Subscription to the K-Portal is free. We don’t charge you to use or access this platform. Your privacy and security are very important to us. Please read the information below for your guidance. Data Policy To provide you with the services of our K-Portal, we must process information about you. We do not collect your personal information unless you choose to provide them. Rest assured that we do not share or sell your personal information but we do collect technical information about your visit to our website. When you visit k-portal.pcc.gov.ph website, our system automatically stores: Your personal information that you provided for subscription (email, password, name) Date and time of subscription Words or information you searched for The publications/ categories you viewed on our website The items you clicked on our website Your comments Items you downloaded from our website This process does not collect or track any of your personal information but makes our website more useful to visitors. Through such information, we learn about the number of visitors to our website, detect operational problems, and continuously improve the website’s overall functionality and security. Your comments will be visible to the public. Please make sure to not share information that you do not want made available to the public. We will not be responsible for how other visitors may use your information. Please be reminded that when you voluntarily submit information, it constitutes your voluntary consent to the use of the information you submit for the website’s improvement and maintenance. General Disclaimer and Copyright Notice All the contents uploaded to our website are considered public information, which can be used as reference and may be shared but we strictly request that our agency, DA-PCC, and our knowledge portal website including authors of knowledge products be cited as the source of any information, photos, and images copied from this site and that any photo credits or bylines be similarly credited to the photographer or author. The articles, publications pdf, AVPs, books, manuals and other materials owned by DA-PCC should be directly acquired from the knowledge portal and not through other sources that may change the information in some way or exclude material crucial to the understanding of that information. Disclaimer While we make every effort to provide accurate and complete information, some information may change between site updates. With a lot of articles and documents available and uploaded within short deadlines, we cannot guarantee that there will be no errors. We make no claims, promises or guarantees about the accuracy, completeness or adequacy of the contents of this website and expressly disclaim liability for errors and omissions in the contents of this website.