Pagpupugay sa Novo Ecijanong magkakalabaw

 

DA-PCC NHQGP-Isang daan at dalawampung kabalikat na magkakalabaw sa pagpapalaganap ng Carabao Development Program (CDP) ang binigyang-pugay sa ginanap na "Pistang Parangal sa mga Kaagapay na Magkakalabaw sa Nueva Ecija" bilang pagdiriwang ng Buwan ng Magsasaka at Mangingisda noong Mayo 16.

Uminog sa temang "Buwan ng Magsasaka at Mangingisda 2022: Modernisasyon at Industriyalisasyon Tungo sa Masaganang Ani at Mataas na Kita" ang selebrasyon para sa taong ito.

Sa isang simpleng programa na inorganisa ng Knowledge Management Division-Learning Events Coordination Section sa pakikipagtulungan ng DA-PCC sa Central Luzon State University (DA-PCC at CLSU), ginawaran ng DA-PCC ng plake ng pagkilala ang mga magkakalabaw na miyembro ng dairy cooperatives at associations, private farm owners, at mga benepisyaryo ng family module dahil sa kanilang pagsisikap at dedikasyon na mapalago ang industriya ng pagkakalabawan sa kanayunan.

Sila rin ay binigyang pagkilala dahil sa aktibong pakikiisa nito sa DA-PCC sa adhikain na makamit ang layunin ng sektor ng agrikultura, lalong-lalo na ang mapaunlad ang buhay ng mga magsasakang Pilipino at matiyak ang seguridad sa pagkain kahit pa sa gitna ng pandemya.

Hinikayat ni DA-PCC OIC Executive Director Dr. Ronnie Domingo ang mga magkakalabaw na pataasin pa ang kanilang produksyon at pag-ibayuhin pa ang kalidad ng kanilang mga produkto upang mas maging competitive hindi lang sa lokal na merkado kundi maging sa ibang bansa. Sinabi rin niya na mahalagang patuloy na sikaping paunlarin ang sariling kakayahan at kaalaman araw-araw.

“Nakasuporta po ang DA-PCC sa mga pagsisikap ninyong may kaugnayan sa modernisasyon at industriyalisasyon,” pagtitiyak ni Dr. Domingo.

Ibinahagi rin ni Dr. Domingo ang highlights ng accomplishments ng proyektong Ahon Lahat, Pagkaing Sapat Kontra COVID-19 (ALPAS COVID-19) ng ahensya, na inilunsad noong 2020 para sa Buwan ng Magsasaka at Mangingisda.

Ipinatupad ito ng DA-PCC sa apat na project components: Creating Opportunities Through Value Innovations and Development (COVID), Unlad Lahi Project (ULaP), Gatas, Isda, Gulay, at Karne (GIGK), at Cara-Aralan na may 38,684 kabuuang benepisyaryo.

Nasa 9,795 benepisyaryo sa ilalim ng proyektong ULaP ang nabigyan ng mga kalabaw, incentives, technical at veterinary services, crop-forage integrated system, mekanisasyon, at market support para sa produksyon ng mga pakain.

Sa proyektong GIGK, nasa kabuuang 28,357 benepisyaryo ang nakatanggap ng gulayan, forage production at market assistance, logistical support, o farm mechanization assistance; habang nasa 100 benepisyaryo naman sa ilalim ng proyektong COVID ang nakatanggap ng tulong para sa teknolohiya, inobasyon para sa produksyon at pagpoproseso ng produkto at value-adding.

Mayroong 432 benepisyaryo sa proyektong Cara-Aralan ang nabigyan ng e-learning o mga webinars na nakapokus sa farm solutions, mga learning modules sa pamamagitan ng AVPs, digitized IEC at training materials, multimedia promotions, at communication support services. Nagbigay din ng kani-kanilang mga testimonya ang ilang mga magkakalabaw kung paano nakatulong ang programa ng DA-PCC para bumuti ang kanilang pamumuhay.

Ibinahagi ni Catalanacan MultiPurpose Cooperative chairperson Ferdinand Cueva na malaki ang naitulong ng negosyong paggagatasan para mabayaran ng kanilang kooperatiba ang lahat ng utang nito. Nagpasalamat naman sa DA-PCC si Rosalie Mendoza ng Isla Buliran Farmers Association para sa pagkakaloob nito ng tulong teknikal at mga pagsasanay na nagpalawak ng kanilang kaalaman sa wastong pag-aalaga ng gatasang kalabaw.

Labis din ang pasasalamat sa DA-PCC ni Ernesto Padolina, na ngayo’y may 100 kalabaw, sa pagkumbinsi sa kanya na sumuong sa paggagatasan at nagbigay sa kanya ng tuluytuloy na kita. Inilahad naman ni Apolonio Serrano, isang benepisyaryo ng family module, kung paano niya napagtapos ng pag-aaral ang kanyang tatlong anak dahil sa kinikita niya sa pagaalaga ng kalabaw.

Noong 1989, naideklara ang buwan ng Mayo bilang Buwan ng Magsasaka at Mangingisda sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 33.

Author

0 Response