Biyayang hatid ng pasensya't pagmamahal sa mestisang kalabaw

 

Minsang nangamba at napanghinaan ng loob, nguni't ngayon ay tinatamasa na ng pamilyang Cabino ng Canahay Dairy Farmers Association (CADAFA), Surallah, South Cotabato ang benepisyong dulot ng gatas mula sa kanilang crossbreed na kalabaw.

Nagsimula ang buhay carapreneur ng pamilyang Cabino matapos silang imbitahan ng Municipal Agriculturist Office ng bayan ng Surallah na lumahok sa pagkakalabawan. Sumailalim sa iba’t ibang pagsasanay ang mag asawang Emelita at Joselino tulad ng dairy buffalo production management systems, milk processing, at School on-the-Air on Dairy Buffalo Production.

Tulad ng ibang maggagatas sa Pilipinas, maraming dagok ang pinagdaanan ng mag-asawang Cabino na siyang muntikang nagtulak sa kanila na isuko ang pagkakalabawan.

“Noong 2019, nabigyan kami ng DA-Philippine Carabao Center sa Uiversity of Southern Mindanao (DA-PCC sa USM) ng tatlong mestisang kalabaw. Malaking hamon ito para amin dahil crossbreed ang mga ito hindi tulad ng mga ipinamahagi sa ibang miyembro ng CADAFA na purong Italian Buffalo na alam nating may mataas na pruduksyon ng gatas” pagbabalik tanaw ni Emelita.

Mas napanghinaan pa ng loob ang mag-asawa matapos manganak ang isa sa kanilang mga alaga noong 2020. “Ang liit ng binibigay nitong gatas, halos wala pang isang litro. Ginagawa na lang naming itong chocomilk para sa aming apo bilang pambawi ng pagod” pagdadagdag ni Emelita.

Sa kabila ng mga hamon na ito, hindi nag patinag ang PCC sa USM at Office of the Municipal Agriculturist (OMAG)-Surallah sa pagbibigay ng interbensyon para sa mga magsasakang humaharap sa ganitong mga problema.

“Hindi na bago sa atin ang mga reklamong ganito. Imbes na bawiin sa kanila ang kalabaw, mas bibigyan pa natin ng motibasyon upang mas panghawakan pa ang negosyong natanggap na salig sa kalabaw”. Pagbabahagi ni DA-PCC at USM Center Director Benjamin John C. Basilio.

“Buti na lang nariyan parating nakaagapay sa amin ang PCC at OMAG para tulungan kami. Mula sa pagbubuntis o pag-AI, pagsasagawa ng nutrition at health related services, lahat ibinigay sa amin para lang hindi sukuan ang aming kalabaw” Ani ni Joselino.

At hindi nga naglaon, noong 2021, nagsimula nang umusbong ang punla ng pagtitiis ng pamilyang Cabino.

“Noong nagatasan na ang mga kalabaw namin, nakita ko na talaga ang sinasabi nilang ‘Sa Dairy ang Kita ay Daily’. Mahigit sa isang libong piso sa isang araw ang kita naming mag-asawa mula lang sa gatasang mestisang kalabaw. Paano na lang kung sumuko kami noong una? Eh di wala na kaming ganitong income ngayon” ani misis Cabino.

Mula sa tatlo, ngayon, mayroon na siyang limang kalabaw na nagbibigay sa kanila ng Php 30,000 na buwanang kita. Nakabili na rin sila ng freezer at milk cans, nakapag paayos ng bahay, nasusustintuhan nito ang pagaaral ng Grade 12 nilang anak, at nakakatulong sa pang araw-araw nilang gastusin.

“Pasensya lang gid anay, mahabang pasensya. Kung maka gatas na kayo, simula na rin ng pagbabago ng buhay niyo. Para sa akin, wala yan sa lahi ng kalabaw. Mestisa o pure breed man ito kung hindi maalaagan ng maayos, maliit ang gatas na naibibigay, pero kung maganda ka mag-alaga madami din syang ibibigay” buong galak na pahayag ni Emilita.

Pasensya at pagmamahal, ayon sa Pamilya Cabino, ang naging pondasyon ng kanilang nagtatagumpay na negosyong salig sa kalabaw.

Author

0 Response