Katas ng pagiging matiyagang OFW

 

Kapag ako nagkatrabaho, bibili ako ng maraming kalabaw.” ‘Yan ang pangakong itinaga ni Joseph sa bato isang dekada na ang nakalilipas bunsod ng nasaksihang labis na pagkalungkot ng ama nang mabenta ang kanilang mga alagang kalabaw.

Si Joseph Mallari, 36 anyos, tubong Floridablanca, Pampanga ay lumaki sa pagsasaka dahil sa madalas siyang isama noon ng ama sa bukid.

“Noong bata pa kami, mulat na kami sa bukid. Ako ang inaasahan sa pagtulong sa mga gawain doon kaya’t alam ko ang trabahong pagsasaka,” pagbabalik-tanaw ni Joseph.

Sa ngayon, pagiging seafarer ang pangunahing hanapbuhay ni Joseph. Mahigit 10 taon na siya sa propesyong ito at ganoon na rin kahabang panahon ang sakripisyo niyang hindi makasama ang kanyang asawa at mga anak para tuparin ang pangarap para sa pamilya.

Sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA, 2006), nasa 1,221,417 Pilipino ang nagtatrabaho abroad bilang Overseas Filipino Worker (OFW) at kabilang na rito si Joseph.

Pangalawa si Joseph sa limang magkakapatid na puro babae. Dahil nag-iisa syang lalaki, madalas na siya ang inaasahang tutulong sa bukid kasama ang kanilang ama na noo’y sa mga alagang kalabaw umaasa sa kita.

Nguni’t noong silang lahat na magkakapatid ay magsabay-sabay nang nag-aral at si Joseph noo’y nasa kolehiyo na sa kursong Bachelor of Science in Marine Transportation sa isang unibersidad sa Pampanga, hindi na nakayanan ng kanilang magulang na tustusan ang kanilang mga pangangailangan kaya’t untiunting nabenta ang mga kalabaw ng kanilang ama.

Ani Angelito Mallari, 63 anyos, ang pag-aalaga ng kalabaw ang nakapagtawid sa kanila sa mahahalagang gastusin sa ilang pagkakataon.

“May kalabaw kami noon pero ibinenta namin sa halagang Php50,000 na nagamit namin para sa pag-aaral ng aking mga anak na dalawa sa kanila ay nursing ang kurso,” pagkukwento ni tatay Angelito.

Noon nabuo sa isip ni Joseph ang halaga na dulot ng kalabaw sa kanyang ama at sa kanilang buong pamilya. Ipinangako niya sa kanyang sarili na papalitan niya ang mga kalabaw na naibenta noon ng ama.

Pakikipagsapalaran

Nang makapagtapos si Joseph sa kolehiyo ay kaagad siyang pumalaot sa mundo ng pakikipagsapalaran bilang isang seafarer dala-dala ang naipangako sa sarili.

Nang makaipon ng sapat na pera ay walang pag-aatubiling bumili siya ng limang kalabaw para sa ama. Lubos ang naging kagalakan ni Tatay Angelito sa ginawa ng anak.

Hindi naging madali para kay Joseph ang pagiging OFW. Tiniis niya ang kalungkutang mahiwalay sa kanyang pamilya lalo na noong magkasakit ang ama kaya’t naging limitado ito sa pagtatrabaho sa bukid.

Habang nasa barko si Joseph, nakapanood siya ng isang palabas tungkol sa pagnenegosyo ng kalabaw. Doon siya nagkainteres na pasukin ang katulad na negosyo at nagsimulang umattend ng mga online trainings at seminar ng Department of AgriculturePhilippine Carabao Center (DA-PCC). Hindi inakala ni Joseph na simula na ito ng kanyang pagtatagumpay sa pagkakalabaw.

Mga mabuting kasanayan sa pagkakalabaw

Sinisiguro ni Joseph na lahat ng binibili niyang kalabaw ay maganda ang lahi at pawang mga babae dahil bukod sa pwede itong paramihin ay pwede rin itong gatasan.

Samantala, ang mga lalaking kalabaw naman ay ibinebenta o kinakatay. Paniniguro rin ito na hindi madidisgrasya ang mga kasamang buntis na kalabaw.

Bukod sa full-time na trabaho sa barko ay nakuha pa ring tutukan ni Joseph ang pagkakalabaw.

Matiyaga siyang nagrerecord ng lahat ng mga transaksyon na may kinalaman sa negosyo para mas madali niyang ma-audit ang mga gastusin. Kabisado rin niya ang schedule kung kailan manganganak ang mga buntis na kalabaw at kung kailan dapat sila uli magbubuntis.

Hindi naman maiiwasan ang pabagu-bagong klima na nagdudulot ng sakit sa mga kalabaw kung kaya’t mababa ang produksyon ng mga ito.

“Mga challenge ito sa pagaalaga ng kalabaw lalot na’t malayo ako. Pero ‘pag nasanay ka na at ginawa mo itong hobby, madali na lang ang lahat,” pagbabahagi ni Joseph.

Sa kasalukuyan, 38 na kalabaw na ang inaalagaan ni Joseph at 10 roon ang ginagatasan. Sa isang araw ay ‘di lalampas sa 40 liters ang kanilang nakokolektang gatas na dinadala sa palangke at sa pagawaan ng pastillas.

Naibebenta nila ng Php80 ang kada litro at Php30 naman ang kada ketchup-size na bote. Nang dahil sa sipag at tiyaga sa negosyong ito, nakapagpundar na sila ng sariling bahay at sasakyan.

Masayang nagretiro ngayong taon si Joseph bilang seafarer dahil alam niyang natupad na ang pangakong binitbit niya noong sumampa sa barko.

Balang araw, ang pangarap niyang dumami pa ang kanyang mga alagang kalabaw at makapagpatayo ng sariling milk processing facility ay nakatakda rin niyang tuparin.

Bawa’t pangarap na itinaga sa bato ay pangarap na posibleng matupad. Pinatunayan ito ni Joseph nang ang mga ipinangako sa sarili ay pinagsumikapang hindi anurin sa dagat kundi totoong mangyari lahat.

Author

0 Response