Pag-asang dulot ng unang patak ng gatas ng kalabaw mula sa CCDP sa South Cotabato

 

NAG-UUMAPAW na saya at pag-asa ang naramdaman ni Lourie Lee O. Campaner, miyembro ng Small Coconut Farmers Association (SCFA) ng Tamapakan South Cotabato, matapos masaksihan ang pagpatak ng sariwang gatas mula sa kanyang inaalagang mestisang kalabaw.

Ang pamilya ni Lourie Lee ang kauna-unahang carapreneur mula sa Coconut-Carabao Development Project (CCDP) sa South Cotabato na nakasaksi sa pag-asang handog mula sa bawa’t patak ng gatas.

“Hindi ako makapaniwala na isa ako sa mabigyan ng biyaya ng DA-PCC at PCA. Masaya ang aming pamilya at asosasyon dahil napatunayan na namin na may pera sa gatas,“ wika na Lourie Lee.

Sa tulong ng DA-Phillipine Carabao Center sa USM at ng Philippine Coconut Authority-Region XII, mga pangunahing ahensya na nagsusulong sa programang CCDP, inaasang bubuhos ang gatas di lamang sa Tampakan kundi maging sa Malaya Integrated Farmers Assosiation (MIFA) ng Banga na siyang magsisilbing production site ng Tupi Integrated Agiculture Cooperative (TIAC) ng Tupi. Ang SCFA, MIFA, at TIAC ay ang mga key players sa pag-unlad ng nasabing proyekto sa probinsya ng South Cotabato.

Inilahad ni DA-PCC sa USM Center Director Benjamin John C. Basilio na ang CCDP ay isang “complete value-chain project”. Mula sa pamamahagi ng mestisang kalabaw, pagpapatayo ng processing facility at marketing outlet, pagbibigay ng karampatang pagsasanay para sa bawa’t value chain players, pamamahala hanggang sa pagtatasa ng proyekto.

"Ang CCDP ay isang proyektong pinondohan ng opinisina ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform sa pamumuno ni chairperson Senator Cynthia A. Villar, na may layuning mapaunlad ang pamumuhay ng mga magniniyog sa Pilipinas sa pamamagitan ng dagdag kitang mula sa gatasang kalabaw," ani Director Basilio.

Sa ngayon, taas-noong tinatanaw ng mga carapreneurs ang kanilang mga minimithing layunin tulad ng pagpapalawak ng merkado para sa produktong gawa sa gatas, pakikilahok sa milk feeding program, at paghihikayat sa iba pang mga magsasaka na makilahok sa negosyong salig sa kalabaw.

Author

0 Response