Pinagpala upang maging pagpapala

 

Masayang tinanggap ni Alvin Virtucio at iba pang miyembro ng The Rosario Livestock Agricultural Farming Cooperative (TRLAFCO) sa Rosario, Batangas ang kanilang gantimpala at sertipiko bilang Outstanding Dairy Buffalo Cooperative noong ika-walong National Carabao Conference.

Masayang tinaggap ni Alvin Virtucio at iba pang miyembro ng The Rosario Livestock Agricultural Farming Cooperative (TRLAFCO) sa Rosario, Batangas ang kanilang gantimpala at sertipiko bilang Outstanding Dairy Buffalo Cooperative noong ika-walong National Carabao Conference.

Kasabay ng pag-flash ng camera ay nag-flashback din sa kanilang mga ala-ala ang mga simula ng ko-op na sama-sama nilang itinatag at ipinagpatuloy.

Ang Batangas ay kilala sa sikat na kapeng barako nito. Ang kapeng ito ay may kakaibang linamnam, may kakaibang lasap, at tapang. Sinasalamin nito ang bawa’t miyembro ng TRLAFCO na matatapang sa pagharap sa hamon ng kanilang grupo.

Ang kanilang lalawigan ay nabiyayaaan ng matabang lupa kaya’t nagtanim sila ng palay, mais, niyog, at mga gulay at nagkaroon din sila ng negosyo sa babuyan. Nguni’t ang kanilang kita ay hindi naging sapat upang sustentuhan ang kanilang koop dahil mababa ang presyo sa palengke.

“Mahal ang farm inputs pero napakamura ng selling value. Halimbawa sa palay, kailangan mong magbanat ng buto pero mura kapag anihan. Maliit lang at minsan ay wala nang maiiwang kikitain ng magsasaka,” ani Alvin.

Sa inisyatiba ng DA-PCC sa UPLB, naipakilala sa TRLAFCO ang dairy farming noong 2013. Nang sumunod na taon ay nagsimula silang gumawa at mangolekta ng gatas mula sa kanilang mga miyembro. Ang bawa’t litro ay binibili nila ng PHP40 pero ngayon, umaabot na ng PHP70 hanggang PHP 75 kada litro.

Ayon kay Alvin, walang mahirap sa pag-aalaga ng kalabaw basta masipag kang gumising ng maaga para paliguan at pakainin sila.

“Kailangang magkaroon tayo ng mindset na sa bawa’t minutong ginugugol natin sa pagkakalabaw ay may katumbas na salapi,” dagdag pa niya.

Noong 2018, marami sa kanilang miyembro ang nagkainteresado sa pagkakalabaw kaya ang dati nilang pangalang Barangay Agricultural and Fisheries Council (BAFC) ay naging sila ay naging TRLAFCO.

Naging maayos ang daloy ng kanilang ko-op hanggang sa nagkaroon ng pandemya na sumubok sa kanilang tibay.

Ang manager ng TRLAFCO na si Catherine Santiago ang nagsalaysay sa mga hamon na isa-isa nilang nilagpasan.

“Natakot kami na lumabas dahil baka makahawa kami sa aming mga pamilya pero nag-aalala rin kami na kapag hindi kami lalabas, ano kaya ang mangyayari sa ko-op?” pagbabalik-tanaw ni Catherine.

Naalala niya ang panahong tanging sasakyan lang nila ang tumatakbo sa kahabaan ng EDSA noong lockdown para mangolekta at maghatid ng gatas. Gayunpaman, siya at ang kanyang team ay nanatiling nakatuon sa kanilang trabaho dahil nais nilang walang ni kahit isang dairy farmer ang mapag-iwanan.

“Hindi naming alam kung paano naming nagawa. Nagdasal lang kami at inisip na sa ginagawa namin ay meron kaming natutulongang pamilya ng mga magsasaka,” kwento ng emsoyonal ng si Catherine.

Umayon din si Alvin na humuhugot sila ng inspirasyon na meron silang natutulongang lokal ng Rosario. Ang tanging problema nila ngayon ay kung sino ang magpapatuloy sa kanilang kabuhayan pagdating ng araw.

Ngayon, nakatuon sila sa pagbigay ng suporta sa mga lokal Rosario. Nagsimula na silang maghatid ng tulong sa mga PWD at magbigay ng school supplies sa mga bata.

 

Author

0 Response