Sinubok pero ‘di sumuko

 

Ilang beses mang subukin ang tatag ng isang samahan, hindi mapipigilan ang iginuhit ng tadhana para sa kanyang kapalaran. Sabi nga: bumagsak ka man ng pitong beses, may pagkakataon kang tumayo ng walong beses o makailang ulit pa.

Ito ang ipinakitang determinasyon ng isang kooperatibang nagnais na bumangon mula sa matagal na pagkakabagsak. Hindi naging hadlang ang mga hamong nagdaan para magsimulang muli at maisakatuparan ang kanilang mga pangarap.

Sa bayan ng Muñoz, lalawigan ng Nueva Ecija, na itinuturing na sagana sa siyensya at teknolohiyang pang-agrikultura, malaking oportunidad para sa isang lupon ng mga magsasaka na magtayo ng kooperatiba na noo’y tinawag nilang Licaong Dairy Producers Cooperative (LDPC), taong 2004.

Sa kabila ng natatanaw na pagasa, hindi naging sapat ang pagsisikap ng mga sinaunang bumuo ng LDPC para tuluyang umunlad ang kanilang isinusulong na proyekto. Sa kabila ito ng suportang ipinagkaloob ng DA-PCC mula sa pagbibigay ng mga gatasang kalabaw at mga paunang kagamitan at makinarya para mapasimulan ang proyektong paggagatasan. Dahil dito, untiunting tinabangan ang mga miyembro ng kooperatiba dahilan upang patuloy na manghina ang kanilang negosyo at halos maubos ang mga natitira pang miyembro nito.

Nguni’t sa kabila ng nakapanlulumong kalagayan noon ng LDPC, may matitiyagang pinili na manatili sa kooperatiba at nanindigan para sa kanilang mga nasimulan at tungkuling sinumpaan.

Gaano man kabagal at kahirap ang mga sumunod nilang hakbang, sinuong nila ang proseso ng muling pagbangon sa gitna ng mga negatibong puna ng ibang tao. Sa halip na igupo ay lalo silang pinatibay ng mga pinagdaanan. Sa isip at puso nila, buo ang larawang balang-araw ay magiging dangal sila ng barangay Licaong.

Noong 2019, pinagsumikapan ng mga natitirang miyembro na muling mairehistro ang kooperatiba sa Cooperative Development Authority (CDA). Bininyagan nila ng bagong pangalan ang kooperatiba na ngayon ay kilala na bilang Licaong Agriculture Cooperative (LAC).

Sa taon ding ito, nabalitaan ng dating executive director ng DA-PCC na si Libertado Cruz ang pinagdadaanan ng kooperatiba kaya naman minabuti niyang tulungan ang muling pagbangon nito. Bukal sa puso niyang tinanggap ang responsibilidad bilang business manager nito o tagapamahala ng negosyo.

Gamit ang kaalaman at kasanayan ni Cruz sa larangan ng carabao-based enterprise development, pinangunahan niya ang pagpapalago sa puhunan ng LAC. Sa pakikiisa na rin ng iba pang miyembro ng kooperatiba, muling naibalik ang sigla ng LAC sa larangan ng pagkakalabawan. Sa pamumuno ni Alexander Dumale bilang chairperson at mga miyembro ng Board of Directors, isa na ngayong matibay na pwersa ang LAC na may iisang direksyong tinutungo.

Sa huling buwan ng taong 2019, matagupay na pinasok ng LAC ang milk feeding program sa pamamagitan ng DepEd at DSWD. Suplayer ang kooperatiba ng gatas ng kalabaw sa mga eskwelahan sa iba’t ibang probinsya ng Rehiyon III, kabilang na ang Bulacan, Pampanga, Tarlac, Aurora, at Nueva Ecija.

Nagkaroon din ng ugnayan ang LAC sa San Miguel Corporation (SMC) para naman sa pagpoproseso ng gatas ng kalabaw sa lata o tinatawag na milk sterilization. Sa tulong ng teknolohiyang ito ng SMC, mula sa pitong araw lang na itatagal ng gatas ay lalawig ito sa tatlo hanggang anim na buwan. Bunga nito, lalawak ang merkado para sa gatas ng LAC bukod sa maaari na nitong suplayan ang malalayong lugar.

Sa pagbalik ng sigla ng LAC, nagbalik din ang sigasig ng mga miyembro nito sa mga gawain at negosyong paggagatasan. Naging maugong ang magandang takbo ng kooperatiba kung kaya’t maraming dating miyembro ang nagsibalik at maraming magsasaka ang nagpakita ng panibagong interes sa pagkakalabawan.

Sa ngayon, mayroon nang 55 miyembro ang kooperatiba at nadaragdagan pa.

Ani Dumale, iminumulat ng pamunuan ng LAC sa mga miyembro nito ang kahalagahan ng pagtangkilik at pagmamahal sa pagkakalabawan bilang tamang pundasyon para sa maalab na negosyong pagkakalabawan at sa kalaunan ay para pagbuklurin ang mga mamamayan sa kanilang lugar. Wala aniyang kompetisyon sa kanilang samahan kundi turingang magkakapamilya na bukas sa pagtulong at hangad ang pag-unlad ng bawa’t isa.

Noong 2020, nakapagpundar na ang kooperatiba ng sarili nitong lupa na may sukat na 200 metro kwadrado na nagkakahalaga ng PHP200,000. Dito rin itinayo ang opisina ng koop. Kabilang din sa mga naipundar na nito ang tatlo pang lupaing mayroong sukat na 1,000 metro kwadrado na may halagang PHP1 milyon, 2,986 metro kwadrado na PHP1.2 milyon, at 2,700 metro kwadrado na PHP1.5 milyon. Idagdag pa ang mga nabili nitong iba’t ibang sasakyan para sa delivery ng gatas at iba pang produkto at serbisyo nito.

Nakapagpatayo na rin ang LAC ng tindahan nito, ang Licaong Agri-Vet Supply, para sa murang suplay ng mga produktong pang-agrikultura at beterinaryo. Ayon kay Cruz, isang serbisyo ito ng koop para sa mga taga-Licaong at karatig-barangay.

Sa tingin ng marami, lalo na ng mga miyembro ng koop na siyang nakararanas ng mga biyaya ng pagkakalabawan, nagbunga na ang kanilang pagtitiyaga at paghihintay para sa pagpapanibagong-sigla ng kooperatiba. Mula sa puhunang PHP18,000 nang magsimula ito, aabot na sa humigit-kumulang PHP15 milyon ang assets ng LAC.

“Maituturing namin na ang pagkakalabawan ay game-changing. Dati nakalulungkot marinig sa aming mga kasamahan ang puro problema kung paano sila makababayad sa kanilang mga pagkakautang. Ngayon, nakatutuwang marinig na ang kwentuhan ay tungkol na sa kung paano nila mas palalaguin pa ang kanilang mga kinita at kung anong mga bibilhin o mga ipupundar pa sa susunod nilang kikitain. Sabi ko nga: aba’y mas magandang problema ‘yan!” nakangiting sabi ni Dumale.

Sinubok man ng nakaraan, patunay ito na hindi sa paglubog itinadhana ang LAC kundi sa pagsulong at pagsikat—kapalarang sila rin mismo ang guguhit.

Author

0 Response