Daluyan ng mabiyayang paggagatasan

 

Biyaya kung ilarawan ng Kalaparan Agrarian Reform Beneficiaries Association (KARBenA) sa City of Mati, Davao Oriental ang kalabaw dahil simula noong tanggapin nila ang mga ito sa kanilang bulwagan ay bumuhos ang maraming biyaya sa kanila.

Sa salaysay ni KARBenA Chairperson Rhodora Datar, nagkaroon ang kanilang miyembro ng matinding diskusyon kung tatanggapin nila ang 50 kalabaw na galing sa DA-PCC. Ang dahilan nila, walang tubig na ipapainom sa mga ito.

Matagal nang idinadaing ng mga taga-Sitio Kalaparan ang pagkakaroon ng bastanteng suplay ng tubig. Kailangan pa kasing maglakad ng tatlong kilometro ng mga tagaroon araw-araw para mag-igib ng tubig na panligo at panlaba. Kaya’t noong inalok sila ng DA-PCC at University of Southern Mindanao (DA-PCC at USM) ng kalabaw, nagdalawang-isip sila kung tatanggapin nila ang proyekto.

Nang nagkakagulo na ang lahat, bilang pinuno ng samahan ay tumayo si Rhodora Datar at hinikayat ang kanyang mga kasama na suportahan ang kanyang desisyon.

“National project ito. Naniniwala Ni Ronaline Canute ako na kapag tinanggap natin ito ay masasagot ang problema natin sa tubig. Kung may kalabaw, bibigyan tayo ng gobyerno ng tubig na ipapainom sa mga ito. Tanggapin na natin,” lakas-loob na panghihikayat niya sa mga miyembro.

Puno ng pag-asa ang linyang binitiwan ni Rhodora na kaagad na nagpalambot sa puso ng mga miyembro ng koop kaya kahit may pag-aalinlangan ay sinuportahan siya ng mga ito.

“Pagkatapos noon, nagdasal ako sa Diyos na sana tama ang aming naging desisyon at sana gabayan Niya ang aming asosasyon,” ani Rhodora.

Sagot sa panalangin

Ang panalangin ni Rhodora at ang matagal nang idinadaing ng Sitio Kalaparan ay dininig at sinagot ng kalangitan. Isang taon matapos tanggapin ang mga kalabaw ay sunud-sunod na pinto ng pagbabago ang nagbukas sa kanila.

Sa pangunguna ni City of Mati Mayor Michelle Marie Denise Rabat, napondohan ng LGU ang pagkakaroon ng tubig sa Kalaparan. Kaya’t matapos ang napakahabang panahon ay tumulo ang unang patak ng tubig sa bawa’t tahanan doon.

Pinangarap ni Mayor Rabat na magkaroon ng sariling pagkakakilanlan ang lungsod ng Mati. Nais niya na maliban sa mga magagandang bundok at karagatan na dinarayo ng mga turista ay makilala rin ang kanilang bayan sa mga masasarap na pagkain na babalik-balikan sa Mati.

Agrikultura ang pangalawa sa tatlong programa ni Mayor Rabat. Noong nag-aalok ang DA-PCC ng proyekto, sinigurado niya na ang magiging beneficiaries ay mga farmers at ang napili nga ay ang KARBenA. Ang Sitio ay kabilang din sa mga lugar na binabantayan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Nang mabigyan ng kalabaw at maayos ang patubig sa Kalaparan, ang sumunod na palaisipan ay kung paano iproseso ang gatas at kung saan nila ito ibebenta maliban sa Dairy Box.

“May Nenie’s ice cream ang Mati. Kinausap ko sila. Ang sabi ko, I will support you but in one condition, kailangang bilhin mo ang gatas mula sa mga dairy farmers natin sa KARBenA,” pagkukwento ni Mayor Raba.

Nagtalaga rin si Mayor Rabat ng tao kada barangay upang tutukan at imonitor ang araw-araw na gawain ng mga magsasaka. Ito’y upang masiguro na magtutuluy-tuloy ang mga gawain para sa proyekto.

Nagbigay siya ng pagsasanay sa food processing sa KARBenA at naglaan din siya ng pondo para mabigyan ng technical training ang anak ng mga kasapi.

“We don’t want to lose our farmers. Sinong papalit sa kanila? I want the young generation to appreciate agriculture at tulungan na i-sustain ito,” dagdag pa niya.

“Ang puso ni Mayor ay para talaga sa mga farmers. Lagi niyang sinasabi sa amin na kapag dumating ang araw na kaya na naming tumayo sa sarili naming mga paa, pwede na niya kaming iwan,” sentimental na pagkukwento ni Rhodora.

Nang mawala si Mayor Raba sa pulitika noong 2013, nagtayo siya ng negosyong kainan na tinawag niyang Chiangi’s sa lungsod. Pumatok ito sa mga panindang cake, ice cream, pastillas, leche flan, flavored drinks, at iba pang produkto na may halong gatas ng kalabaw.

Nang palarin siyang manalo noong 2019, tinrabaho niya ang kanyang pangarap noon para sa Mati na dumaloy ang gatas sa kanilang lungsod.

Ang unang patak

Kung babalikan ang kalagayan ng KARBenA noon, malaking pagbabago na ang naganap sa koop simula nang dumating ang gatasang kalabaw.

Naitatag ang KARBena noong 2009 na may 17 miyembro. Bawa’t isa sa kanila ay nag-ambag ng tig-PHP300 para sa pag-uumpisa ng isang grocery store. Taong 2013, nagkaroon sila ng re-organisasyon at pinasok na rin nila ang lending.

Simula nang maggatas ang mga miyembro ng KARBena noong 2021 ay kumita ang asosasyon ng PHP350,000.

Maliban dito, kapansin-pansin din ang pagbabago sa buhay ng bawa’t miyembro katulad na lang ni Bingbing Paha na may pinag-aaral na mga anak. Hindi na niya problema ang baon at gamit sa eskwela ng mga ito dahil sigurado na ang kita niya mula sa kalabaw.

Ang natatanging pinakabatang nagbahagi ng pagnanais na maranasan ang paggagatas ay ang 14 na taong-gulang na si John Lloyd Barbas. Nakasampa pa siya sa likod ng kalabaw nang datnan namin sa sitio. Aniya, naiinip na siyang gatasan ang alagang kalabaw ng kanyang tatay para may pambaon na siya sa eskwela.

Nagbigay din ng kanya-kanyang kwentong tagumpay ang iba pang kasapi ng KARBenA na sina Santiago Balwit, Grace Gatar, Delia Sargelio, at Minda Barbas. Lahat ng mga kwentong kanilang ibinahagi ay patungkol sa mga banepisyong kanila nang natamo dahil sa pagkakalabawan.

Author

0 Response