Pagbubukas ng oportunidad at tagumpay

 

Sa pagpapakain ng kanyang mga kalabaw, hindi lang umaasa sa mga pangkaraniwang damo si Jose Glenn Pabroquez, 58, mula sa Barangay Gabas, Baybay, Leyte. Mula sa dahong legumbre, malunggay, hanggang sa halaman ng gumamela, masigasig si Glenn na gumalugad at magsiyasat ng iba pang halaman na pwedeng makapagbigay ng karagdagang sustansya sa kalabaw at magdagdag ng sarap sa gatas nito.

Lumaki sa pagsasaka at pag aalaga ng ibat-ibang klase ng hayop si Glenn kabilang na dito ang pag-alaga ng native na kalabaw na ginagamit nila bilang pag-aararo ng kanilang sakahan para sa tanim na gulay. Nagtapos din sa kursong Bachelor of Science in Animal Science si Glenn taong 1987. Kaya naman, hindi nakapagtatakang maalam si Glenn sa paghahayopan at hands on siya rito. Gayunpaman, hindi pa siya pamilyar noon sa paggagatas ng kalabaw.

Minsang napabisita si Glenn sa isang kaibigan sa kanilang lugar na naggagatas ng kalabaw. Agad siyang nagkainteres dito at nagtanong-tanong tungkol sa mga kinakailangan proseso para makapag-alaga ng kalabaw mula sa Philippine Carabao Center (PCC).

Umurong sa una si Glenn nang malamang kailangang sumailalim sa pagsasanay ang mga aplikante bago maaaring mapagkalooban ng kalabaw. Gayunpaman, pumayag din siya hindi kalaunan sa nais na masiyasat at mapabuti pa ang paggagatas ng kalabaw sa lugar nila.

Pagkatapos ng dalawang araw na training, nagpamiyembro narin si Glenn sa Baybay Dairy Cooperative na inaasistahan ng DA-PCC sa Visayas State University.

Wala sa plano ni Glenn ang pakikibahagi sa kooperatiba. Aniya, napasubo lang daw siya noon sa pagpapanggap ng kaibigang na nagimbita sa kanya na karagdagang pagsasanay lamang ang dadalohan nila.

“Hindi ako naniniwala noon sa kooperatiba kasi sa ilang koop na naobserbahan ko ay walang malaking pagbabago. Naisahan lang ako ng kaibigan ko noon kaya napilitan akong makibahagi sa membership ng koop,” pagkukwento ni Glenn.

Gayunpaman, unti-unti namang napawi ang mga negatibong kaisipan ni Glenn sa kalakaran ng kooperatiba. Kalaunan ay napagkalooban din siya ng isang kalabaw at sinikap na magsanay bilang AI technician.

Buhay magkakalabaw

Mahalaga ang bawat oras para kay Glenn. Alas singko palang gumigising na siya para pakainin at paliguan ang kanyang mga kalabaw. Pagkatapos ay saka niya gagatasan ang mga inahin pati sa hapon. Umaabot ng 12 liters na gatas ang nakukuha ni Glenn sa kanyang kalabaw sa isang araw. Ang mga nakolektang gatas ay agad naman niyang binebenta sa Baybay Dairy Cooperative sa halagang PHP 70 kada litro.

Di kalaunan, nabuntis ulit ang kalabaw ni Glenn at ngayon ay nakatuon siya sa pagpapalahi ng kalabaw, pag hihikayat sa mga interesadong magsasaka at sa pagpapabuti sa kalusuganng mga ito. Para mapanatili ang magandang pangangatawan at mataas na produksyon ng gatas.

Ayon kay Glenn, hindi lang sa kalusugan nakaaapekto ang mga pagkain na pinipili para sa alagang kalabaw kundi pati narin sa sarap ng gatas na pinoprodyus nila. Ito rin ang isa sa mga tinututukan ni Glenn sa kanyang pagsisiyasat ng ibat-ibang diet para sa kanyang mga kalabaw.

Sa pamamagitan ng mga pamamaraang ito, nakamit ng kalabaw ni Glenn ang Best Dairy Buffalo – Crossbred Senior Cow Award sa ginanap na National Carabao Conference noong 2022 sa Philippine Carabao Center, National Headquarters Genepool, Nueva, Ecija.

Hindi man sinasadya ang pakikipagsapalaran ni Glenn sa pagkakalabawan ay niyakap at pinanindigan niya ito sa huli. Sa katotohanan, malaki ang pasasalamat niya dahil naging mahalagang instrumento ang kanyang pagkakalabaw na mapa-unlad ang buhay nilang magkakapamilya. Nakapundar siya ng Pig shed at napag-tapos din niya ng koliheyo ang isa niyang anak habang kasalukuyang ginagawa ang kanilang pangatlong bahay. Ngayon, nagsisilbi na siyang tagapagtaguyod ng koop bilang isang board member.

 

Author

0 Response