'Kwentong may kwenta' ng mga carapreneurs sa NE, patok sa CARA-ARALAN series

 

DA-PCCNHQGP-Mga "kwentong may kwenta" ang naitampok sa dalawang series ng CARA-ARALAN na pinangungunahan ng Learning Events Coodination SectionKnowledge Management Division (LECS-KMD) ng DA-PCC.

Ang CARA-ARALAN ay isang plataporma ng ahensya kung saan itinatampok ang mga pinagbuting gawain at testimonya ng mga dairy farmers na sumubok at nagtagumpay sa dairying. Ito ay ginaganap gamit ang Zoom at bino-broadcast sa pamamagitan ng Facebook page ng DA-PCC.

Tampok sa episode noong Abril ang kwento ni Lodivico Guieb Sr., ang may-ari ng Guieb Dairy Farm sa Guimba, Nueva Ecija na may pamagat na “Kwento at Kwenta ng Tagumpay ni Lodivico.” Isang tunay na kwentong “lodi” sa sinumang gustong sumabak sa pagbu-business.

Ang “Guieb Dairy Farm” ay nakikipagsapalaran sa integrated farming at animal production. Ang nasabing farm ay isang Agricultural Training Institute (ATI) accredited Learning Site for Agriculture (LSA) mula 2019. Dito nagbabahagi si Lodivico ng kanyang mga technical knowhow sa dairying at animal raising sa mga interesading sumuong sa agriculture enterprise.

Bagama’t abala siya sa pamamahala sa kanyang mga gatasang-kalabaw, pinalawak pa niya ang kanyang negosyo sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Ideal Visa Consultancy, Luzern International Manpower Service Corporation, at Tarlac Agricultural University.

Ang kanyang tagumpay sa gatasang kalabaw ay nagdulot ng financial stability sa kanyang pamilya, magandang edukasyon sa kanyang mga anak, at social recognition dahil sa kanyang kahusayan sa dairy buffalo production.

"Gusto ko na kapag may mga trainees, dito sana sa bansa natin nila i-apply ang mga natutunan nila para tumaas pa sana ang lokal na produksyon ng gatas. Kaya lagi ko sila ini-encourage na tumulong sila sa pagpapalago ng kabuhayang salig sa gatasang kalabaw," ani Lodivico.

Anya, ang kanyang lifelong advocacy ay maging isang katalista ng pagbabago sa kanyang komunidad na nagsusulong ng gatasang kalabaw bilang isang social commodity.

Samantala, “May Magandang Bukas sa Paggagatas: Kwento at Kwenta ng Tagumpay ng MCCR Pascual Dairy Farm,” ni Michael R. Pascual, may-ari ng MCCR Pascual Dairy Farm from Minabuyok sa Talavera, Nueva Ecija ang bumida sa kasunod na episode.

Dahil sa hirap sa pinansyal, sinubukan ni Michael na sumuong sa gatasang kalabaw noong 2007. Nagdududa siya sa kanyang sarili noong una dahil sa kakulangan sa mga kasanayan at karanasan ngunit dahil sa kanyang pagnanais na magtagumpay dito, dumalo siya sa pagsasanay at mga seminar ng DA-PCC.

Ibinahagi ni Michael ang kanyang kaalaman at kasanayan sa paggawa ng silage, feeding milk replacer sa mga guya, monitoring ng in-heat buffaloes, at milk quality screening gamit ang California mastitis test.

Binigyang-diin din niya ang mga wastong pamamaraan sa hand milking upang matiyak ang kalidad ng gatas.

Nagbunga ang kanyang mga pagsisikap dahil nagkaroon na siya ng financial stability at nakapagbigay ng suportang edukasyon sa kanyang mga anak, nakapag-renovate ng farm at bahay, at nakabili ng mga sasakyan at appliances.

Sa hinaharap ay balak niyang magpa-accredit sa ATI upang maging isang Learning Site for Agriculture ang kanyang farm.

“Inaanyayahan ko po kayo na subukan niyo po ang negosyong matatag, ang gatasang kalabaw dahil kung livestock lang ang pag-uusapan dito na kayo dahil marami nang binagong buhay ang gatasang kalabaw, hindi lang ako kundi ang napakaraming mamamayang Pilipino,” pagtatapos ni Michael.

Author

0 Response

SUBSCRIBE