DA-PCC sa USF,FCCT nagsagawa ng pagsasanay sa dairy product processing

 

DA-PCC sa USF — Idinaos ng DA-Philippine Carabao Center sa Ubay Stock Farm (DA-PCC sa USF) sa Tuburan, Cebu noong Mayo ang pagsasanay sa dairy product processing sa pakikipagtulungan ng First Consolidated Cooperative Tañon Seaboard (FCCT).

Ang nasabing pagsasanay ay naglalayong mapataas ang kapasidad ng kooperatiba sa pagproduce ng mga dairy products na gawa sa gatas ng kalabaw.

Ang FCCT ay kasalukuyang nagpapatayo ng product outlet o kilala bilang Dairy Box.

Ang inisyatibong ito ay mula sa Accelerating Livelihood, and Assets Buildup o ALAB Karbawan Project ng DA-PCC na pinondohan ng Office of the Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, sa pangunguna ni Senador Cynthia Villar.

Sa kabilang dako, mabibigyan din ang mga kwalipikadong miyembro ng kooperatiba ng 50 na gatasang kalabaw.

Hinikayat naman ni Guillerma Abay-abay, Carabao-Based Enterprise Development (CBED) coordinator ng DA-PCC sa USF ang mga kalahok na simualan nang ipakilala sa lokal na lokalidad ang dairy products kahit hindi pa tapos ang ipinatatayong Dairy Box.

“Hangga’t maaga pa, hinihikayat namin kayo na ipakilala ang dairy products sa aming target market kahit hindi pa natatapos ang outlet. Kaya ang pagsasanay na ito ay mahalaga upang makasunod tayo sa tamang pamantayan ng pagproproseso ng mga dairy products,” pagbabahagi ni Abay-abay

Samantala, 15 na miyembro ang nakilahok sa ginawang pagsasanay, kung saan nabigyan sila ng dagdag na kaalaman sa tamang pagproseso sa pasteurized fresh milk, flavored milk, pastillas de leche, kesong puti, at milk cake.

Ibinahagi naman ni Dr. Bernard Bacule, coordinator ng ALAB Karbawan sa DA-PCC sa USF ang kanilang re-entry plan kung saan mayroon silang isang araw sa isang linggo na magproseso ng mga dairy products upang magkaroon ng sapat na suplay lalo na at may pista ngayong Hunyo.

Hangad ng DA-PCC sa USF na ang tatlong araw na pagsasanay ay magsilbing paanyaya sa mga magsasaka na makilahok sa programang may kinalaman sa paggagatas ng kalabaw at mapataas ang produksyon sa kanilang lugar.

Author

0 Response