Para sa tagumpay ni baclay, papugay!

 

Nagsipalakpakan ang madla nang tawagin ang general manager ng Baclay Multi-Purpose Cooperative (BMPC) sa Zamboanga Del Sur na si Richard Hidalgo upang ibahagi ang kwentong tagumpay ng kooperatiba sa pagkakalabawan.

Sa may entablado ay nakapaskil ang tarpaulin na may nakasulat na ‘Cara-Ugnayan’, isang communication platform na binuo ng DA-Philippine Carabao Center na naglalayong ipakilala ang magagandang programa nito sa pamamagitan ng pakikipagugnayan sa mga lokal na media.

Sa harap niya ay mga media, lokal na opisyales, dairy farmers, at dairy cooperative na nag-aabang sa kanyang kwento at kwenta. Kahit kinakabahan ay tumayo si Richard, nagpakilala, bumati, at sinimulang magkwento.

***

Ang kasaysayan ng BMPC ay nabuo at sumibol sa maliit na opisina sa Ocampo St., Sto. Niño, sa Tukuran, Zamboanga del Sur. Ang kanilang bagong headquarters ngayon ay matatagpuan na sa Barangay Baclay sa kaparehong bayan.

“Nahirapan kaming palaguin ang kooperatiba noong kami ay nasa lending business pa hanggang sa ipakilala sa amin ng DA-PCC ang kabuhayang salig sa gatasang kalabaw noong 2019,” panimula ni Richard.

Ayon kay Fe Academia, ang Carabao-based Enterprise Development (CBED) coordinator ng DA-PCC sa Mindanao Livestock Production Center (DA-PCC sa MLPC), naghahanap sila noon ng magiging bull recipient nang makilala nila ang koop.

“Ang kalabaw ay hindi kinikilala noon bilang isang hayop na pwedeng gamiting pang-negosyo. Nguni’t dahil sa effort ng DAPCC at ng kooperatiba, nalaman namin na ang kalabaw pala ay hindi pangkaraniwan lang na hayop kundi nakapagbibigay ng masaganang buhay,” ani Richard.

Dahil sa pananaw na ito tungkol sa kalabaw, nagbago ang kapalaran ng BMPC--malayong-malayo sa kanilang naging simula. Ang koop ngayon ay abalang-abala na sa kanilang lalong lumalawak na negosyong salig sa gatasang kalabaw.

Mula 2020 hanggang 2022, ang BMPC ay naging supplier sa national school feeding program sa mga School Division Offices (SDOs) sa Zamboanga Peninsula at Rehiyon X.

“Noong napanood ko ang ‘Faces of Success’ at nakita ko ang sarili ko, naiyak ako. Hindi ako makapaniwalang darating ang araw na masasabi naming nagtagumpay na kami!” nakangiting pagkukwento ni Richard.

Ang tinutukoy ni Richard ay ang video na ipinalabas ng DAPCC sa 8th National Carabao Conference (NCC) noong 2022 kung saan nakabilang sila sa mga tinaguriang mukha ng tagumpay sa pagkakalabawan (Faces of Success in Carapreneurship).

Sa video, buong pagmamalaking ipinakita at isinalaysay ng kooperatiba ang kanilang naging makabuluhang paglalakbay.

“Nakapagpoproseso kami ng 44,000 piraso ng 200ml na sachet ng gatas sa isang araw. Iyan ay humigit-kumulang 150,000 sachets kada linggo. Para sa aming produksyon ng KaraBun, nakagagawa kami ng 37,000 buns na sumasakop lamang sa isang SDO. Ngayon ay umaabot na ito sa 92,000 para sa tatlong SDOs,” sabi ni Edmund Calvo, ang production supervisor ng BMPC.

Ang pakikilahok ng BMPC sa national school feeding program ng DepEd ay nagdulot ng napakaraming benepisyo sa mga miyembro ng kooperatiba.

Nakapagbigay ng trabaho ang kooperatiba sa mga tagaTukuran at karatig bayan dahil sa produksyon ng gatas at KaraBun. Kasalukuyang may 140 empleyado ang BMPC at nakatutulong din sa mga kabataan na gustong kumita habang nag-aaral ng part-time.

Noong Marso ngayong taon, nakagawa ang koop ng bagong produkto na pumatok sa mga school canteen ng elementary at high school, ang milk bar.

“Nakapagdebelop kami ng milk bar na ibinebenta namin ng PHP7.00 ang isa na pinapatungan naman ng school canteen ng PHP3.00. Umaabot ang aming kita ng PHP7,000 hanggang PHP8,000 bawa’t araw,” may pagmamalaking sabi ni Richard.

Sa ngayon ay balak nilang makapagbenta ng milk bars sa 25 na paaralan sa kanilang lokalidad. 

Mula sa daang libo, multi-milyong kooperatiba na ngayon ang BMPC na aabot sa PHP50 milyon ang kabuuang asset.

***

Nagsipalakpakan nang masigabo ang mga nakikinig nang matapos magkwento si Richard.

Tunay ngang ang tamis pakinggan ng tunog ng palakpakan matapos mapagtagumpayan ang mahabang panahon ng kasawian

Author

0 Response