Big Momma

 

Maagang namulat sa hirap ng buhay ang mag-asawang Allen Paul Santos, 23, at Mikee Anne Castañeda, 23, ng Barangay San Francisco, Tarlac City. Natutunan nilang pareho na ang pagkakaroon ng buhay na matiwasay ay dapat nilang magkatuwang na pagsumikapan.

Isang working student noon si Allen na nagtatrabaho bilang isang delivery guy para sa isang fast food restaurant samantalang dahil sa mga scholarship grants naman nakapag-aaral si Mikee. Pareho sila noong kumukuha ng kursong Bachelor of Education Major in Technology Livelihood Education sa Tarlac State University.

Noong 2021, naaksidente si Allen habang siya ay nagdedeliver ng order na naging dahilan para iwan niya ang trabaho. Mula noon ay naging mahirap ang paghahanap ng trabaho para kay Allen kaya’t isang malaking desisyon ang ginawa ng noon ay magkasintahan pa lang na sina Allen at Mikee— pinagsama nila ang kanilang mga ipon at ipinambili ng isang gatasang kalabaw.

Bagama’t alam ni Allen na hindi madaling mag-alaga ng kalabaw, buo ang isip at puso niya na suungin ang isang bagong pagkakataon na kanilang nasumpungan. Simbolo ng panibagong simula ang kanilang si “Big Momma” na itinuturing nilang isang biyaya at pag-asa sa buhay. Ani Allen, “walang mahirap kung gugustuhin, mas mahirap kung wala kang gagawin.”

Naibahagi ni Allen na maraming tao na hindi naniniwala sa kanilang ginagawa at na sila ay magtatagumpay balangaraw. Nguni’t sa kabila ng mga kritisismo, napatunayan nilang may mabuting kahihinatnan ang pag-aalaga ng kalabaw. Ayon kina Allen, sipag, tiyaga, at tiwala ang kailangan para sa isang matagumpay na negosyong pagkakalabawan.

Simula ng pakiki’kalabaw’

Taong 2022 nang sumangguni sina Allen at Mikee sa Department of Agriculture (DA) Philippine Carabao Center sa Central Luzon State University (DA-PCC sa CLSU) sa pamamagitan ng center director nito na si Dr. Ericson N. Dela Cruz.

Makalipas ang ilang buwan ng konsultasyon at pagsasanay patungkol sa pagpoproseso ng mga produktong galing sa kalabaw, natuto ang magasawa na gumawa ng pastillas, pasteurized milk, flavored milk, at yogurt. Sa parehong taon, nanalo at nakatanggap ng tulong pinansyal sina Allen at Mikee sa Department of Agriculture (DA) Young Farmers Challenge Program for Agribusiness and Marketing Assistance Service. Ito ang ginamit nilang panimula sa pagpoproseso ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw.

Ka’Gatas ang simula ni EYA

Ang negosyong sinimulan ng mag-asawa ay pinangalanan nilang “Ka’Gatas”, na ang ibig sabihin ay “Kapamilya, Kaibigan, Kapatid, Kabukiran at Kaagapay.”

Naging matunog ang pangalang ito sa kanilang lugar at mga karatig lugar. Ang mga produkto ng Ka’Gatas ay suportado ng Local Government Unit (LGU) ng Tarlac City sa pag-eendorso ng agricultural officer ng lungsod gayundin ng mga tindahan ng pasalubong sa bayan.

Isang malaking hamon sa negosyo ang naranasan ng mag-asawa dahil dumating ang panahon na tumaas ang demand nguni’t kulang ang supply ng gatas at hindi na rin sila makapagproseso ng mga produkto. Sa kabila ng pagsubok na ito ay isang magandang ideya ang sumibol. Tinipon nila ang mga kapitbahay para mamili ng gatas sa kanilang lugar at mga kalapit-bayan. Dahil dito, naisip nila na bumuo ng isang organisasyon na makapagbibigay ng kabuhayan sa kanilang lugar. Noon nabuo ang EDEN Youth Association (EYA) na inumpisahan ng 15 na mga kabataang miyembro.

Bukod sa maraming benepisyong tinatamasa na ng mga miyembro ng EYA, kinilala ang samahan bilang “Most Outstanding Youth Social Enterprise” noong 2022. Ito rin ang nagwagi sa 2023 Villar Sipag Awards-Youth Poverty Reduction Challenge. Ginamit nilang kapital sa pagpapatayo ng tindahan ng mga produktong gatas ang premyong napanalunan.

Ayon kay Allen, ang kanilang mga panalo ay tanda ng kanilang tagumpay bilang isang samahan na sumubok at nagtagumpay sa paggagatasan. Senyales din ito, aniya, na marami pang maaaring matulungan ang kanilang samahan sa kanilang bayan. Kaya naman, aniya, hindi sila maglulubay sa pag-aaral at pakikilahok sa mga gawaing lubos pang makapagpapaunlad sa kanilang negosyo.

Kasama sa maraming pangarap ng mag-asawa na kilalanin silang youth ambassadors ng Carabaobased Enterprise Development (CBED) program ng DA-PCC at maging mabuting halimbawa ang EYA sa mga kabataang nais ding sumuong sa negosyong katulad ng sa Ka’Gatas.

Para sa kanila, hindi ito tungkol lang sa mga “parangal” kundi sa “marangal” na pagkakakilanlan ng grupo bilang tagapaghatid ng karagdagang kabuhayan sa mga Tarlaqueños. Naniniwala ang grupo na ang pagbabahagi ng kanilang kwento ay magbibigay ng inspirasyon sa iba na makilala at mapakinabangan din ang mga benepisyo ng programang CBED ng DA-PCC at CLSU.

Ang lahat ng pagsisikap ng magasawang Allen at Mikee ay tanda ng kanilang walang hanggang pagmamahal sa kanilang anak na si Alora Freya Santos.

Author

0 Response