Villar Sipag Awards, nasungkit ng mga batang maggagatas ng Tarlac City

 

DA-PCC sa CLSU-Pinangunahan ng batang carapreneur na si Allen Paul Santos, 23 taong gulang, founding leader ng Eden Youth Association (EYA) ang pagtanggap ng prestihiyosong Villar SIPAG award bilang "Most Outstanding Youth Social Enterprise" noong Hulyo 21 sa Villar SIPAG Center sa Las Piñas City.

Ang EYA, isang grupo ng mga batang magkakalabaw o carapreneur sa San Francisco, Tarlac City, ay nagtatag ng kinilalang Ka'Gatas Dairy Farm sa lugar.

Ang grupo ay yumakap sa negosyong salig sa kalabaw at aktibong nakikipagugnayan sa kanilang komunidad at sa iba pang mga kabataan sa iba't ibang aktibidad gaya ng pagproseso ng gatas at pag promote ng mga ito sa Tarlac at sa mga kalapit na lalawigan ng Pampanga.

Ang Ka’Gatas Dairy Farm ay suportado ng DA-PCC sa Central Luzon State University (DA-PCC sa CLSU) at ng lokal na pamahalaan nito. Ibinahagi ni Santos ang kanilang karanasan sa matagumpay na paglahok at mga pinagdaanang mahigpit na proseso at pagsusuri ng kanilang nilahokang parangal na tumagal ng higit isang buwan.

Ayon kay Santos, ang kanilang napanalunan ay para sa pinapangarap ng grupo na magkaroon ng sariling dairy processing outlet.

Ang mga batang magkakalabaw, kasama ang iba pang founding members na sina Anne Castañeda, Patrick Navarro, Philip Navarro, at Ron Mikko Rodriguez, na nakasama sa naganap na awarding ceremony ay lubos na nagpapasalamat sa mga taong nasa likod ng kanilang tagumpay at nagsilbing inspirasyon ng samahang EYA.

Dahil sa patuloy na suporta ng DA-PCC, nais ng grupo ng EYA na lumawak ang kanilang samahan at maging matagumpay sa negosyong salig sa kalabaw.

Ayon kay Dr. Ericson dela Cruz, center director ng DAPCC sa CLSU, buong suporta ang center sa paglalakbay ng mga batang carapreneurs, at handang umalalay hanggang sila ay pumaitaas at magtagumpay sa kanilang napiling negosyo.

Ang mga kabataang ito ay isang patunay sa walang kamatayang kataga ni Gat Jose Rizal na “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan,” aniya.

Ang programa ng Villar SIPAG Awards ay pinamamahalaan ng Villar SIPAG (Social Institute for Poverty Alleviation and Governance)—isang sentro ng mga adbokasiya, aktibidad, at aksyon upang matulungan ang mga mahihirap na Pilipino. Nilalayon nitong kilalanin ang mga inisyatiba ng mga negosyo sa komunidad at mga modelo ng mabubuting gawi.

Author

0 Response