Higit tatlong biyaya para sa Tres Marias

 

Sa iilan, lingid pa ang natatanging kainaman ng biyayang dulot ng pagkakalabawan nguni’t ang pakikibaka sa ganitong hanapbuhay ay sipag at tiyaga ang tanging puhunan. Isang yaman nga ito kung ituring ng mga sumubok na rito.

Ang Tres Marias ng San Simon West Cluster sa Aringay, La Union ay ang tanging miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na sumubok sa pag-aalaga ng kalabaw at naging benepisyaryo sa proyekto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2018 na Sustainable Livelihood Program (SLP)-Dairy Buffalo Production.

Ang nasabing proyekto ay magkakatuwang na isinasagawa ng DSWD, Department of AgriculturePhilippine Carabao Center sa Don Mariano Marcos Memorial State University (DA-PCC sa DMMMSU), at LGU-MSWDO-MAO ng Aringay. Sa taong 2022, sila ay tatlo sa mga pinakamahuhusay na nagsagawa ng proyekto at kabilang sa may pinakamaraming nakokolekta na gatas ng kalabaw sa Aringay Dairy Carabao Raisers Association (ADCRA).

Ang Tres Marias ay binubuo nina Aling Cecilia Carreon, 65; Catherine Carreon, 59; at Olivia Carreon, 54. Pabiro silang binansagan noon ng DA-PCC sa DMMMSU na Tres Marias dahil sa sila ay magkakaapilyedo bilang mga asawa ng magkakapatid na Carreon. Sa katunayan, si Aling Cecilia at Catherine ay magkapatid, habang si Aling Olivia ay kanilang hipag. Mula sa pabirong pagbansag ng Tres Marias, ito na ang naging pagkakakilanlan sa kanila kinalaunan.

Ang pagsampa sa kalabaw

Hindi naman maikakaila na ang pagtahak sa panibagong daan ay tila ba mahirap, nariyan ang pagdadalawang-isip at pagdududa. Nguni’t sa positibo at desididong tao na handang humarap sa kahit anong pangyayari, diretso ang kanilang tingin—nakatuon ang kanilang paningin sa ganda ng bagong oportunidad at ang nakaamba nilang pagtatagumpay.

Bagama’t sila’y may edad na, hindi ito naging hadlang para sumubok sa pag-aalaga at paggagatas ng kalabaw. Para sa kanila, wala sa edad ang pag-aalaga kundi desisyon at tiyaga mismo.

Taong 2018 noong magsimulang ipakilala ng DSWD sa kanila ang programa. Ayon kay Aling Cecilia, cluster leader ng San Simon West, hinikayat nya noon ang mga kapwa 4Ps beneficiaries na sumubok sa pagkakalabawan pero hindi sila sumang-ayon. Nguni’t ngayong nakikita na nila na maganda ang kinahinatnan ng kanilang pagiging katiwala sa programa ng pagaalaga ng kalabaw, nagsisi ang ilan at gusto na ring mag-alaga ng kalabaw.

“Mayat met. Idi damdamo laeng kasla narigat ngem tatta agpagpagatas kamin, mayat met [Mainam. Noong una parang mahirap pero ngayong gumagatas na, mainam talaga],” nakangiting sabi ni Aling Olivia, anim na taon nang nagkakalabaw, sa salitang Ilocano. Naging haligi at kaakibat nila ang DA-PCC sa DMMMSU sa kanilang pagsisimula at sa pagbibigay nito ng iba’t ibang kaalaman tungkol sa tamang pag-aalaga, pagpapakain at paggagatas ng mga kalabaw maging sa pagproproseso ng gatas nito

Malaki rin ang naging ambag ng paggagatas para tustusan ang pag-aaral ng mga anak nina Aling Catherine, Olivia, at mga apo ni lola Cecilia. Nakapagtapos na ang dalawang anak sa hayskul ni Aling Catherine at may isa pang anak na kasalukuyang nag-aaral. Gayundin ang mga apo ni Lola Cecilia at nag-iisang anak ni Aling Olivia na nasa ikatlong taon naman sa kolehiyo. Ito ang patunay na hindi sila nabigo sa kanilang desisyon na makipagsapalaran sa mundo ng pagkakalabaw.

“Uray agfarfarm kami latta adda extra income mi idyay gatasan, […] since adda paylaeng pag-adadalek nga uubbing, dakkel nga banag didyayen [Kahit na nagbubukid pa rin kami may extra income kami dahil sa paggagatas, [...] at dahil may mga pinag-aaral pa akong anak ay malaking bagay na ‘yon],” ani Aling Cecilia.

Bilang katiwala ng proyektong SLP ng DSWD, tinitiyak ni Aling Catherine na maipamamana niya ang kaalaman sa pag-aalaga at paggagatas ng kalabaw sa kanyang mga anak, “Isursurok latta ti aramiden da nu agpagatas ta ammo da ti araramiden da [Itinuturo ko ang dapat nilang malaman sa paggagatas para alam nila ang gagawin nila],”aniya.

Ito ang naging kwento ng pag-uumpisa ng Tres Marias sa pagkakalabaw. Nang masumpungan ang pagkakataon na sila ay makapag-alaga ng gatasang kalabaw, hindi sila nagdalawang-isip kundi masaya silang sumagot kaagad ng oo ng may pag-asa na ngayo’y unti-unti nang nagkakatotoo.

Ngayong unti-unti nang nakikilala ang kalabaw saan man, ang pagaalaga nito ay isang matingkad na oportunidad na katulad ng kulay nito—simbolo ng masaganang kita. Bukod sa karne at gatas na ipinoproseso, ginagawa ring sinturon ang balat nito habang ang dumi ay nagiging vermicast o pataba

Author

0 Response