Olivia: Ang babaeng mambubuntis

 

Mabilis na kumalat sa Pangasinan ang balitang isang babae diumano sa Alaminos ang magaling mambuntis…ng kalabaw?!

Sa dami ng mga nag-aalaga ng kalabaw at baka na dumudulog sa Provincial Veterinary Office ng Pangasinan upang humingi ng tulong na lutasin ang mga suliraning tungkol sa reproduksyon ng kanilang mga alagang hayop, ang babaeng mambubuntis ang kadalasang inirerekomenda.

Siya si Olivia Palazo, ang bukodtanging babaeng village-based artificial insemination technician (VBAIT) ng Pangasinan.

Tila nakatadhana kay Olivia ang apelyido niyang Palazo (kung bigkasin ay Palaso) o arrow sa wikang Ingles dahil sa husay niyang tumama sa target. Sa katatapos na 9th National Carabao Conference noong Nobyembre sa Cebu, kinilala si Olivia bilang “Huwarang Juana sa Kalabawan” dahil sa kanyang ipinamalas na galing bilang isang babaeng VBAIT.

Gayundin, kinilala siya nitong Nobyembre 6 lamang ng lokal na pamahalaan ng Alaminos sa kanyang naging kontribusyon sa pagpapaunlad ng industriya ng paghahayupan sa kanilang lugar.

Kagalakan sa trabaho

Ang buong isang linggo ni Olivia ay siksik sa schedule. Kasama ng kanyang asawang si Manuel ay binabaybay nila ang buong western Pangasinan para puntahan ang mga magkakalabaw na nangangailangan ng kanyang serbisyo.

“Kahit bumabagyo, umaaraw, gabi o madaling-araw, hindi ako makahindi sa mga tumatawag sa akin kasi ‘pag lumagpas na ang paglalandi nung kalabaw, sayang ang pagkakataon ni farmer na mapabuntis ang kanyang alaga,” ani Olivia.

Sa isang araw ay nakapagseserbisyo siya ng tatlong kalabaw at kung minsan ay umaabot pa hanggang pito. Halagang PHP1,000 ang sinisingil niyang service fee kung malayo ang lugar at PHP800 naman kung malapit.

“Kapag walang-wala talaga si farmer, tinatanggap ko kung ano talaga ang kaya nilang ibigay. Kung minsan, bigas ang ibinabayad nila at okay lang ‘yon,” kwento ni Olivia. Sa kasalukuyan, si Olivia ang presidente ng kanilang samahang Alaminos City Carabao Raisers Association (ACCRA) at siya mismo ang nagseserbisyo bilang AI technician sa kalabaw ng kanilang mga miyembro nang walang bayad.

Ayon sa kanya, sapat nang makita niyang ngumiti si farmer dahil nanganak ang alaga nitong kalabaw.

“Ang maituturing kong reward ay ang makitang ngumiti si farmer. ‘Yong maranasan nilang makapaggatas at nakikita kong umaangat unti-unti ang kanilang estado ng pamumuhay ay sobrang fulfilling na sa part ko,” pagbabahagi ni Olivia.

Asawa, nanay, at guro

Maliban sa pagiging VBAIT at asawa kay Manuel, ina rin si Olivia sa nag-iisang anak na si Elijah Noelle.

Malaking responsibilidad ang kanyang pasan-pasan nguni’t nananatiling matatag na ehemplo si Olivia ng isang “superwoman”.

“Mahalaga sa amin ang araw ng Linggo. Magsisimba kami bilang pamilya, kakain sa fast food, at kung minsan ay lumalabas kami para mag-dinner. Very supportive ang asawa’t anak ko sa aking career,” aniya.

Si Olivia ay dating guro habang si Manuel ay dating seaman. Kahit hindi na nagtuturo si Olivia, nananalaytay pa rin sa kanyang dugo ang pagkahilig sa pagtuturo at pagkatuto. Siya ang nakatokang dumalo sa mga seminars at training dahil mas kaya ng kanyang asawang si Manuel ang alagaang mag-isa ang kanilang mga kalabaw. Nagsanay siya sa DA-PCC sa Don Mariano Marcos Memorial State University (DAPCC sa DMMMSU) upang maging facilitator ng Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production o FLS-DBP. Isa siya sa mga naunang tagapagturo sa kaunaunahang FLS-DBP sa Pangasinan.

“Sa mga unang linggo ng pagiging VBAIT ko, nagulat ako na itong asawa ko, dinadala sa akin ang mga kalabaw ng mga kapitbahay para maserbisyuhan. Sabi ko, ‘wag muna dahil hindi pa ako sigurado sa kakayahan ko. Paano kapag ‘di mabuntis mga iyan tapos nakapagbayad na sila,” pagbabalik-tanaw ni Olivia.

Tured (wikang Ilokano) o lakas ng loob ang naging sandata ni Olivia upang labanan ang kanyang mga alinlangan at kawalang-tiwala sa sarili sa pagiging VBAIT noong una. Unti-unti, nabuo ang tiwala niya sa angking kakayahan at pinatunayan na ang pagiging isang babaeng VBAIT ay may sinasabi rin sa trabahong kadalasan ay panglalake. “Sabi ko nga, maliit man ako na babae pero kaya kong tumbasan ang mga gawain ng mga lalaki,” pagmamalaki niya.

Pasasalamat

Sa layo ng narating ni Olivia, hindi siya nakalimot sa kanyang naging simula at sa mga taong nagbukas ng pinto ng pagkakataon para sa kanya noon.

“Tunay ang isinisimbolo ng logo ng DA-PCC. Noong unang tingin ko sa logo, parang wala lang. Hanggang sa una kong anihin ang bunga ng mga trainings ko sa ahensya, doon ko naramdaman at nakita ang ibig sabihin ng logo. Totoo nga, behind that door, may kayamanan, may opportunity, may pagbabago,” wika ni Olivia.

Ang mensahe ng logo ay kanyang ibinabahagi sa mga miyembro ng kanilang samahan na magsikap, na mag-attend ng trainings, at pagigihan ang pag-aalaga ng kalabaw dahil ito ang unang hakbang para mabuksan ang isang magandang pagkakataon para sa kanila.

“Hindi ko maitatanggi ang 100% na suporta ng DA-PCC at ng LGU-Alaminos sa trabahong napili ko. Dahil sa suporta nila, naranasan kong sumakay ng eroplano, magkaroon ng ATM card, maglabas-pasok sa bangko, at makakain sa fast food anumang oras ko gusto. Mga mabababaw na kaligayahan pero meaningful,” buong tuwang pagbabahagi ni Olivia.

Walang nagtatagumpay nang hindi dumadaan sa proseso ng pagkakamali at pagkatuto. Sipag at matinding determinasyon ang naging sandata ni Olivia para mapagtagumpayan ang mga inakala niyang limitasyon bilang babae na kalaunan ay ginawa niyang oportunidad para abutin ang mga sariling pangarap.

Inaani na ngayon ni Olivia at ng kanyang pamilya ang bunga ng kanilang pagsisikap. Nakapagpatayo sila ng bagong bahay, hindi na nagco-commute dahil meron nang sariling sasakyan, sigurado na ang edukasyon ng anak, at higit sa lahat, patuloy siyang nakapagbibigay ng tulong sa kapwa nang walang inaasahang kapalit.

Author

0 Response