Dati’y nag-aalinlangan, ngayo’y asensadong kabuhayan

 

“Baka hindi po namin kaya…” ‘yan ang salitang binitawan ni Cora Q. Cabintoy halos tatlong taon na ang nakararaan nang mapili sila ng DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC) bilang katiwala sa programa nitong pag-aalaga ng mga gatasang kalabaw. Si Cora ang ngayo’y tagapamahala ng Antipolo Primary Multipurpose Agricultural Cooperative (APMAC) sa Antipolo, Dapitan City, Zamboanga Del Norte.

Ang APMAC na itinatag noong 1992 ay nagsimula lang sa 23 miyembro at ngayon ay mayroon nang 105 at patuloy pang lumalaki. Susi rito ang pagtutulungan at layuning umasenso ang bawa’t miyembro.

Ang pag-asenso at paglago ng isang kooperatiba ay hindi birong layunin. Katulad ng pagnenegosyo, hindi lang kapital at tiyaga ang puhunan kundi talino at wastong pagpapasya na hinihiling ng iba’t ibang sitwasyon o pagkakataon. Halimbawa, ang desisyong pasukin ang isang bagong negosyo ay isang mahalagang desisyon na maaaring ikabagsak o ikaunlad ng kooperatiba.

Ganito ang naging sitwasyon ng APMAC nang ipakilala sa kanila ang programa sa paggagatasan gamit ang kalabaw. Aminado ang pamunuan ng kooperatiba na noong una ay tinanggihan nila ang oportunidad na ito. Nguni’t sa tulong at gabay ng DA-PCC, pinal na pinagdesisyunan ng Board na subukan ang negosyo.

“Bago namin pinasok ang negosyong pag-aalaga ng gatasang kalabaw ay bumibili kami at nagtitinda ng kopra, palay, bigas at pagkain ng baboy. Nag-umpisa kami sa PHP100,000 na capital hanggang sa napalago namin ito,” ani Cora.

Pag-aalinlangan

Hindi naging madali para sa APMAC na makumbinsing maging katiwala ng DA-PCC sa programang pagkakalabawan dahil wala itong lakas ng loob noong una at wala rin itong tiwalang magtatagumpay ito rito.

Ayon kay Lucy Recamara, operations in charge ng Dairy Box-Dapitan City, “Noong una kaming puntahan ng DA-PCC, APMAC talaga ang ini-recommend ko dahil sila ang may kapasidad na patakbuhin ito pero tinanggihan nila noong una kaya’t pinayuhan ko sila at sinabi na hindi naman tayo pababayaan ng DA-PCC. Hindi naman nila tayo ilalagay sa alanganin at nariyan sila para tulungan tayo.”

Ang mga salitang binitawan ni Gng. Recamara ay naging daan upang buksan ang kanilang pinto upang papasukin ang DA-PCC sa kanilang kooperatiba.

Kaya’t nang unti-unting lumago ang kooperatiba, laking pasasalamat nito sa DA-PCC, “malaking tulong po talaga ang DA-PCC sa amin. Kung hindi po dahil sa kanila ay hindi po namin mararating ang kinatatayuan namin ngayon,” ani Cora.

Pag-asa

Taong 2021 nang magsimula ang mga miyembro ng koop na magalaga ng gatasang kalabaw na ngayo’y aabot na sa mahigit 30.

Isa sa mga miyembro nito si Marvin na tatlong taon nang nagaalaga ng gatasang kalabaw. “Sa tatlong taong pag-aalaga ko po sa dalawang kalabaw ay nagkaroon na po ito ng tatlong anak,” aniya.

Nakapagpalakas ito ng loob ng ibang miyembro na ang mga alagang kalabaw ay hirap magbuntis na katulad ng kay Evelyn Barcelona, 63, na tatlong taon na ring nag-aalaga ng kalabaw.

“Mahigit isang taon na mula nang matanggap ko ang aking kalabaw nguni’t hanggang ngayon ay hindi pa rin nabubuntis pero hindi ako pinanghihinaan ng loob dahil alam kong darating din ang panahon ko na katulad ng kay Marvin,”pahayag ni Evelyn.

Hindi rin napigilan ng ibang miyembro ng APMAC na iparating ang kanilang kinakaharap na problema sa DA-PCC. “Alam po naming sa panahon na hirap na kaming mag-alaga ng aming mga kalabaw ay nariyan ang DA-PCC na laging gagabay sa amin,” anang mga miyembro na positibo namang tinugunan ng DA-PCC.

Tagumpay

Sa kabila ng mga pagsubok na kanilang pinagdaanan ay nanatili ang mga miyembro ng APMAC na matatag na sinusuong ang pagkakalabawan dahil sa pagasa ng magandang kinabukasan. Malayo-layo na rin ang narating nila sa nasumpungang kabuhayan nguni’t nananalig silang mas malayo pa ang mararating ng APMAC. 

“Nakikita ko talaga na ginagabayan nila ang bawa’t isa at nagtutulungan sila pagdating sa pag-aalaga ng kanilang mga kalabaw. Isa ito sa mga dahilan kung bakit matagumpay ang aming kooperatiba,” ani Cora.

Nguni’t paano nga ba masasabing napagtagumpayan mo na ang isang bagay? Para kay Marvin, “ang tagumpay ay hindi nasusukat sa kung gaano na kalaki ang iyong kinikita o kung gaano na kalayo ang narating mo sa buhay. Para sa akin, nasusukat ang tagumpay sa ligayang naidudulot sa iyo ng iyong ginagawa. Para sa tulad naming simpleng tao na naghahangad lang ng isang masaganang buhay, maituturing kong ako ay matagumpay na dahil naibibigay ko na sa aking pamilya ang kanilang pangangailangan sa tulong ng pagkakalabaw at ‘yun ang nakapagpapasaya sa akin.”

Para naman sa APMAC, simbolo ng pagsisimula ng kanilang tagumpay ang pagkakaroon nila ng sariling Dairy Box. Dahil sa maayos nilang pagpapatakbo nito ay nagkaroon sila ng iba’t ibang kagamitan na makatutulong sa kanila sa paggawa ng mga produkto mula sa gatas ng kalabaw.

Sa mahigit 30 taong patuloy na operasyon ng kooperatiba at sa dumarami pang miyembro na natutulungan nito ay hindi maikakailang madaming buhay pa ang mababago ng APMAC hanggang sa makamit nila ang inaasam na tagumpay at masaganang buhay.

Author
Author

0 Response