Freddie kwentong pag-angat sa lakbayin ng buhay

 

Malaki ang pasasalamat ni Freddie Carlos, isang magkakalabaw mula sa Porais, San Jose City, Nueva Ecija, sa DA-PCC dahil simula nang mapahiraman siya ng gatasang kalabaw ay nagkaroon siya ng dagdag na pagkakakitaan.

Dating pagta-tricycle ang kabuhayan ni Freddie, na kumikita lang ng PHP5,000 hanggang PHP7,000 sa isang buwan. Nguni’t simula nang magkalabawan siya noong 2009, mas maginhawang pamumuhay ang naranasan niya at ng kanyang buong pamilya. Ang dating kinikita sa pamamasada ng tricycle ay nadoble at kung minsan nga ay higit pa.

Bagama’t iba ang pag-aalaga ng purebred na kalabaw kumpara sa native na siyang nakasanayan ni Freddie, matiyaga siyang dumalo sa mga pagsasanay upang mas mapalago pa ang kanyang kaalaman at mapagbuti ang pagaalaga ng mga kalabaw. Sa loob lamang ng isang taon matapos maipagkaloob kay Freddie ang gatasang kalabaw ay nagsimula na siyang kumita mula sa gatas. Nakakukuha siya ng 5-6 litro ng gatas araw-araw na noong panahong iyon ay naipagbibili niya sa halagang PHP60 kada litro.

Patuloy niyang pinagyayaman ang biyayang natanggap at nito lamang taong 2023 ay umabot na sa 25 litro ang kanyang naaaning gatas na naibebenta niya ng PHP80 kada litro. Mula sa isang alagang kalabaw, umabot na ngayon sa 15 ang kanyang inaalagaan, lima rito ang ginagatasan at ang iba ay buntis pa.

Hindi biro ang pag-aalaga ng gatasang kalabaw. Ang iba ay sumusuko dahil sa ilang kadahilanan. Isa na rito ang hindi o hirap na pagbubuntis. Kaya may ibang magsasaka ang nagsasauli ng kanilang alagang kalabaw. Kung hindi nga naman magbubuntis ang kalabaw ay hindi nila ito magagatasan at mapagkakakitaan.

Sa ganitong pagkakataon, si Freddie ang tumatanggap ng mga isinauling kalabaw at dahil sa kanyang matiyagang pag-aalaga, bumuti ang kalagayan ng mga kalabaw na dati ay payat at hindi mabuntis.

“Ina-adopt ko yung mga natutunan ko sa mga seminar lalo na sa Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP),” ani Freddie. Malaki, aniya, ang naging pakinabang ng pagsasanay na ito dahil nagkaroon siya ng sapat na kaalaman kung paano mapagbubuti ang kanyang pagaalaga lalo na pagdating sa nutrisyon at kalusugan ng mga kalabaw. “Hindi naman lahat ng natututunan sa training ay kaya nating i-adopt. Pumili lang ako ng kaya kong gawin na nakikita kong angkop sa farm ko,” dagdag pa ni Freddie.

Si Freddie ay kabilang sa mga pinakaunang sinanay sa FLSDBP. Dumaan siya sa training of trainers upang maging facilitator at magturo naman sa kanyang mga kapwa magsasaka. Ayon sa kanya, dahil sa FLS-DBP ay nalinang ang kanyang social skills. Hindi na siya mahiyain gaya ng dati at mas natutong makisalamuha sa ibang tao. “Mayroon na akong naisasagot kapag may nagtanong sa akin dahil sa mga itinurong mga pinagbuting pamamaraan sa pag-aalaga ng kalabaw,” ani Freddie. Malimit ding maimbitahan si Freddie para maging resource speaker at magbahagi ng kanyang kaalaman at karanasan sa ibang magkakalabaw na nagsasanay sa FLS-DBP mula sa Visayas at Mindanao.

Sa kasalukuyan, si Freddie ang chairperson ng Simula ng Panibagong Bukas Multi-Purpose Cooperative sa San Jose City, Nueva Ecija.

Author

0 Response