‘Karabeef’ products, ibinida ng BSNMPC sa PCC Luzon anniversary celeb

 

Sa katatapos na pagdiriwang ng DA-PCC Luzon cluster island anniversary, ibinahagi ng Bantog Samahang Nayon Multi-Purpose Cooperative (BSNMPC), isang koop na inaasistehan ng DA-PCC sa Don Mariano Marcos Memorial State University, ang iba’t ibang produktong karne ng kalabaw nito sa Central Luzon State University Multi-Purpose Gym noong Marso 8.

Kabilang sa mga ‘Karabeef’ products ng koop ay bulalo, siomai at dumplings, skinless longganisa, at tapa na may tatlong magkakaibang flavor—ang original, sweet & spicy, at chili garlic.

Ang karne ng kalabaw ay mas malambot at mas malinamnam, nagtataglay din ito ng mas mababang cholesterol at calories at mas mataas na protina at mineral kaysa sa ibang uri ng karne.

Ayon kay Rolly Mateo Sr., chairperson ng BSNMPC, taong 2022 noong unang magproseso ang koop ng karne ng kalabaw dahil nabibili lamang sa mababang presyo ang kanilang mga unproductive na kalabaw.

Sa pagpupulong ng board of directors ng BSNMPC sa pangunguna ni Mateo, napagdesisyunan nila na iproseso ang karne nito at gawing bulalo, tapa, longganisa, siomai at dumplings.

Dagdag pa ni Mateo, sa pagpoproseso ng karne ng mga kalabaw hindi lamang nito napatataas ang halaga ng mga unproductive na alaga bagkus ay nakadadagdag pa ito sa kita ng kooperatiba.

Katuwang ng koop ang DA-PCC at Technical Education and Skills Development Authority sa pagbibigay ng training ukol sa pagpoproseso ng karne ng kalabaw habang ang Department of Trade and Industry naman ang katulong nito sa packaging ng kanilang produkto.

Ang mga dumalo ay nabigyan ng pagkakataong matikman ang iba’t ibang mga produktong karabeef ng BSNMPC.

Author

0 Response