‘Love is sweeter’ dahil sa kalabaw

 

Pagsapit ng alas kwatro ng umaga, abala na ang mag-asawang Danny at Katt sa mga gawain sa kanilang kalabawan. Habang nagpapaligo si Danny, inihahanda naman ni Katt ang mga gagamitin sa paggagatas. Pagpatak ng alas singko, nakapwesto na si Danny sa gilid ng kalabaw habang nakaupo naman sa kabilang gilid si Katt para sabay nilang gatasan ang alaga.

Ganito ang karaniwang tagpo sa kalabawan ng pamilya Peralta na matatagpuan sa barangay Porais, San Jose City, Nueva Ecija. Magkaagapay silang dalawa sa lahat ng gawain maging sa pagsasakate at pagpapakain hanggang sa pagdedeliver ng gatas.

Patunay ang mag-asawang Danilo “Danny” Peralta Jr., 41, at Ma. Kattleya “Katt”, 47, na “two are better than one” pagdating sa pagaalaga ng kalabaw. Hindi nila alintana ang hirap at pagod dahil magkatuwang nilang ginagampanan ang lahat ng tungkulin sa kalabawan.

“Blessed ako at nagpapasalamat na masipag ‘yong asawa ko at supportive. Magaling din siyang maggatas ng kalabaw, iba ‘yong pagpiga niya, marami siyang nakukuha,” pagmamalaki ni Danny.

Sa katunayan, “quality time” at “family bonding” kung ituring ng mag-asawa ang mga panahong iginugugol nila sa pag-aalaga. Maliban sa kanilang dalawa, nakatutulong din nila ang kanilang mga anak na sina Rainiel, 17, at Danica Lei, 15, sa mga gawain sa tuwing walang pasok ang mga ito.

“Araw-araw magkasama kami sa kahit anong gawain, mas tumibay ‘yong pagsasama namin. Kung ano’ng ginagawa niya, ginagawa ko rin. Ang lungkot at ang bigat ng trabaho kapag mag-isa ka lang. Nakakokonsensya rin na makitang nahihirapan ‘yong asawa ko habang ako walang ginagawa,” paglalahad ni Katt.

Nagsimula sa dalawang kalabaw, 12 na ngayon ang inaalagaan ng magasawa. Dalawa rito ang ginagatasan habang tatlo ang kasalukuyang buntis. Karaniwan silang nakakokolekta ng 8 litrong gatas na binibili sa kanila sa halagang PHP80 kada litro ng Simula ng Panibagong Bukas Multipurpose Cooperative (SiPBu MPC), kung saan sila kasapi.

Kwento ng mag-asawa, lubusan nilang naranasan ang biyayang hatid ng pagkakalabaw simula noong 2021. Umabot sa PHP48,000 ang kabuuang kita nila noon kada buwan dahil sa limang kalabaw na ginagatasan. Noong 2022, nakapagtala naman sila ng 5,520.73 kilo na aning gatas na nagkakahalaga ng PHP432,000.

Dahil sa ipinamamalas na husay sa pag-aalaga ng kalabaw at pagtutulungan ng pamilya, hinirang si Danny bilang 2022 Outstanding Dairy Buffalo Farmer sa kategoryang Family Module ng DAPCC sa pagdiriwang ng 9th National Carabao Conference na ginanap sa Cebu City. Nominado rin si Katt sa Huwarang Juana sa Kalabawan.

“Hindi ko alam na makakasali ako doon at mananalo kasi noong 2017 lang kami nag-alaga ng kalabaw. Kahit bago kami, naranasan namin ‘yon tapos sa Cebu pa,” nakangiting sambit ni Danny. “Masayang masaya kami kasi ‘yong ganoong experience, hindi mababayaran ng pera,” dugtong ni Katt.

Bukod sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw, hindi problema ni Danny ang pagpapalahi ng kanilang mga alaga dahil sa kanyang pagiging village-based artificial insemination technician (VBAIT) at nakatutulong din siya sa iba pang kasapi ng kooperatiba na nangangailangan ng serbisyo ng AI technician. Kumikita naman siya ng PHP1,000 kada AI service basta mabuntis ang kalabaw ng mga myembro.

Maliban sa pagiging VBAIT, aktibo rin si Danny sa pagganap ng iba’t ibang responsibilidad niya sa kooperatiba gaya ng pagiging secretary ng audit committee, pagdadala ng gatas ng koop sa planta ng DA-PCC, at pagiging member ng Participatory Monitoring and Evaluation team, na kung saan ilan sa mga gampanin niya ay ang pagmomonitor, pagpupurga, pagbabakuna,at pagbibigay ng bitamina sa mga kalabaw ng mga myembro.

Anila, bago sila sumubok sa pagkakalabawan ay dati silang Overseas Filipino Workers sa Korea. Nagkakilala sila sa isang training na isinagawa ng Philippine Overseas Employment Administration papuntang Korea. Naunang bumalik ng bansa si Katt habang naiwan naman si Danny upang patuloy na kumayod para sa kanilang pamilya pero umuwi rin sa bansa makalipas ang ilang taon.

Ipinambili nila ng tricycle ang naipon nilang pera upang gamiting pampasada. Ito ang naging pangunahing pinagkakakitaan nila noon na ang kinikita ay pinagkakasya lang nila hanggang sa maisipan nilang ibenta ang lote na naipundar nila para pandagdag bayad sa mga gastusin.

“Blessing in disguise” kung ituring ng mag-asawa ang naging dahilan sa pagsuong nila sa pagkakalabaw dahil ang SiPBu MPC ang nakabili ng lote nila at noo’y nagrerecruit ng mga myembro–isang hindi inaasahang pangyayari na tuluyang bumago sa estado ng pamumuhay ng pamilya Peralta.

Labis pa ang kaligayahang nadama ng mag-asawa nang malasap ang unang sweldo nila sa paggagatas.

“Aba! Totoo palang may pera sa paggagatas ng kalabaw. Papiga-piga ka lang may pera ka na. Lalo na pala kapag maraming ginagatasan kaya nagpursige kami na paramihin ‘yong kalabaw,” masayang wika ni Danny

Sa kasalukuyan, ang kinikita ng kanilang dairy farm at pagiging VBAIT ay sumasapat na, kung minsan ay sumusobra pa sa kanilang pang-arawaraw na pangangailangan at hindi na kailangan pang mangibang bansa. Hindi na sila kinakapos bagkus ay unti-unti nang nakaaahon sa hirap ng buhay. Naging posible, anila, ang tagumpay sa gawaing ito dahil naging sandigan nila ang isa’t isa. Walang bukambibig ang mag-asawa kundi pasasalamat sa Panginoon, sa kooperatiba, at sa DAPCC, na naging daan upang maranasan nila ang ginhawang hatid ng pagaalaga ng gatasang kalabaw. Kaya ganoon na lamang ang tuwa nila nang bigkasing: “Gatas is life. Ito na ang bumubuhay sa amin.”

Author

0 Response